Chapter ten (end chapter)

843 29 0
                                    

"ANAK, tumahan ka na diyan." alo ng nanay ni Zhaine habang hinahagud-hagod ang likod niya. Bumalik siya sa kanilang bahay. Ipinakuha na lang niya sa Kuya Brendo niya ang mga gamit niya kina Tita Terry.

"Anong magagawa natin kung hindi ka kayang mahalin ni Rham." patuloy nito. "Gumawa na tayo ng paraan, di ba? 'Yung drama natin. Tumira ka sa kanila ng ilang araw. Pero wala pa ring pagbabago."

Iyon ang isa pa sa mga ipinagpuputok ng butse niya. Isinakripisyo na niya ang pagkababae alang-alang sa malaking pag-ibig niya kay Rham ay hindi pa iyon matandaan ng lalaki. Lalo siyang napahagulhol. Gusto na niyang mamatay!

"Maglubag ka nga diyan!" Napuno na ang nanay niya sa lakas ng nguyngoy niya. "Kahit kami ni Teria at Pepito ay nagsabwatan na para lang magkamabutihan kayo ni Rham. Pero nabigo rin kaming lahat."

Sukat doon ay napatigil siya sa pagpalahaw. "Anong ibig ninyong sabihin?"

"Nagpaalam sila sa inyo ni Rham na pupunta sa lamay ng namatay nilang ninang sa kasal, di ba? Kasama ako, si Kuya Brendo mo at si Mia. Nagkasundo kaming sumama sa kanila upang hindi kami makaistorbo sa inyong dalawa ni Rham at bigyan kayo ng pagkakataong makapagsolo. Umaasa rin sila na sana ay kayo ang magkatuluyan ng anak nila sa bandang huli at nang official na kaming maging magbalae."

Napamaang siya. May sarili ring 'drama' si Tita Terry at Tito Pepito? Kaya pala madalas lumipat ang mommy ni Rham sa bahay nila, iyon pala ay may iniluluto ang mga ito. Natuwa siya na boto sa kaniya ang mga magulang ni Rham. Pero ang binata ang problema. Wala itong pag-ibig sa kaniya.

Kaya simula nang gabing iyon ay iniwasan na ni Zhaine si Rham. Kapag nagpupunta ito sa bahay nila ay nagdadahilan siya sa nanay niya na masakit ang ulo niya o kaya ay may pinuntahan siya. Tuwing Sabado at Linggo ay maaga siyang nagtutungo sa gym at sinasadya niyang gabihin sa pag-uwi.

May isang pagkakataong nagkasabay sila ni Elijah sa pagpasok sa gym. Dahil wala na siyang iba pang mapagsasabihan ng mga hinaing niya sa pag-ibig ay dito niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob niya kay Rham. Inaliw siya nito at kumain pa sila sa labas. Nag-joke pa ito na sana ay sinunod niya ang payo nitong akitin niya si Rham. Hindi lang niya masabi-sabi rito na higit pa roon ang nagawa niya para sa binata.

Isang araw ay nakasalubong niya si Rham sa paglabas ng bahay. Hindi na niya nagawang magtago dahil nakita na siya nito. Pinigilan siya nito sa braso nang tangkain niyang umiwas.

"Galit ka ba sa akin, Zhaine?"

"H-hindi." Iniiwas niya ang tingin dito. "Bakit naman ako magagalit sa iyo? Sa ano namang dahilan?"

"Kaya nga iyon ang gusto kong malaman. Nahahalata kong iniiwasan mo ako."

"Bakit kita iiwasan?"

"Tumingin ka nga ng diretso sa mga mata ko." utos nito, ipinaling ang mukha niya paharap dito. "May nagawa ba akong kasalanan sa iyo? O may inililihim ka sa akin?" Nagsasalubong ang mga kilay na sita nito sa kaniya.

Anong tinutukoy nito? At hindi ba dapat ay siya ang nagtatanong niyon dito? May relasyon na pala ito kay Alyanna pero hindi pa nito magawang ipagtapat sa kaniya bilang kaibigan lamang.

Muli sana niyang ibabaling sa iba ang paningin nang pihitin nito pabalik ang baba niya. "Dammit! Magsabi ka ng totoo!" Bahagyang tumaas ang tinig nito.

Uminit ang ulo niya. Ngayon lang siya pinagtaasan nito ng boses. "Puwede ba tigilan mo na ako?! Ayaw ko nang makipagkaibigan sa iyo! Ganoon lang iyon!" Nagulat ito sa malakas na pagsigaw niya rito. Ngayon rin lang niya pagalit na nasigawan ito. Marahas na pinalis niya ang kamay nito sa baba niya at mabilis na lumayo rito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 10, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Big Best Friend (s0on to be published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon