Chapter Nine

514 16 0
                                    

NAGPAALAM si Tita Terry at Tito Pepito sa kanila ni Rham na ilang araw na mawawala ang mga ito. Namatay daw ang ninong sa kasal ng mga ito na isang malapit-lapit pang kamag-anak ng pamilya. Nasa malayong probinsiya pa raw iyon. Nag-file ng leave si Tito Pepito sa trabaho nito. Isinama ni Tita Terry ang nanay niya para naman daw malibang ito. Isinama naman ng ina ang kapatid na si Mia dahil bakasyon sa eskuwela at walang titingin dito. Naganyak din sumama si Kuya Brendo dahil one week na lang ang natitira sa two-week-leave din nito sa trabaho.

Pinagtiyap lang ba ng panahon na iwan sila ng dalawang pamilya at magsolo sila ni Rham sa bahay ng mga ito?

"Tayong dalawa na lang dito. Nakakalungkot naman." aniya habang magkasama nilang tinatanaw sa labas ang papalayong van na sakay ng dalawang pamilya.

Nagkibit ng mga balikat si Rham at pumasok sa loob ng bahay. Sumunod si Zhaine rito. Inusyoso nito ang laman ng refrigerator. Puno iyon ng mga pagkain. Binuksan nito ang cabinet sa itaas. Maraming food stocks doon o mga de-lata.

"Mabubuhay naman tayo rito kahit dalawang linggo pa silang mawala." pahayag ni Rham.

"Ikaw na lang ang mag-isa rito kapag nasa opisina ako."

"E, di umabsent ka."

"Mawawalan ako ng trabaho. Bakit, natatakot ka rito sa bahay? Wala namang multo rito."

"Hindi ako natatakot sa multo. Malulungkot lang kasi ako."

"May TV naman diyan. Manood ka. O kaya mag-sounds ka. Isipin mo na lang nasa kusina lang ang mommy mo."

"Parang ang hirap i-imagine n'on kung aware naman akong wala talaga siya rito."

"Sa umaga naman ay ipagluluto kita ng breakfast bago ako pumasok. At madadatnan mong may pagkain sa mesa. Wala na akong pinagkaiba sa mommy mo."

"Kung ikaw ang maghahanda ng pagkain ko sa umaga, hindi si mommy ang iniisip ko sa iyo."

"E, ano?"

Hindi ito umimik. Pero nanatiling nakatitig lang ito sa kaniya. Kumabog ang dibdib niya sa tila walang hanggang titigan nila. Hindi pa rin nagbabago ang nakakapanlambot na epekto nito sa kaniya. Noon at ngayon.

Tinapik niya ito braso nito. "Ano nga?"

Ipinilig nito ang ulo na tila nagising sa isang pagkakahimbing. "Ah...Tsimay!" Tapos ay tumawa ito, mataginting.

Kinurot niya ito sa tagiliran. Kahit kailan ay alaga na siya nitong biruin. "Nakakaasar ka!" Umilag ito sa pangungurot niya hanggang sa naghabulan na naman sila paikot sa sala. Just like their old days. Sa kalikutan niya ay nadagil niyang muli ang paboritong China vase ni Tita Terry. Natumba iyon at gumulong sa mababang divider. Hindi niya agad nasalo iyon kaya tuloy-tuloy na nabasag.

"OMG! Ang China vase ng mommy mo!" malakas na sigaw niya. Lagot siya sa ina nito. Mamahalin iyon at isang antique. Pinulot niya ang mga piraso ng vase. Hindi niya magagawan ng remedyo iyon kahit pagdikit-dikitin pa niya. Dahil may isang bahagi na nadurog sa maliliit na piraso.

"Paano 'to?" Nababahala siya. Ayaw niyang magalit sa kaniya si Tita Terry.

"Patay! Regalo pa naman iyan ni Tita Mercy." Ang tiyahin nitong nasa London ang tinukoy nito. "Sa isang antique store sa China pa 'yan binili."

Saang parte ng Pilipinas siya makakahanap na kaparehong vase? Alangan namang lumipad pa siya sa China para bumili niyon. Problemado tuloy siya. "Anong gagawin ko, Rham? Saan ako maghahagilap ng ganitong vase?"

"Hayaan mo na. Hindi mo naman sinasadya. Maiintindihan ka ni mommy." pagpapalubag nito sa kaniya.

Hindi siya kumbinsido. Alam niya kung gaano kamahal ni Tita Terry ang mga antigong gamit nito. Collection nito iyon. Minsan ay naabutan pa niyang masayang nililinis nito ang mga iyon at ingat na ingat pa sa paghawak. Special sa lahat ang nabasag na vase na may mga bulaklak na disenyo. Itinago niya ang mga bahagi ng vase. Baka sakali pang mabuo.

My Big Best Friend (s0on to be published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon