Ang Simula ( Ang Mahiwagang Babae at Dambulahang Sawa )

1.7K 15 0
                                    

Kabanata 1 

Nabalitaan ni Maya na dumating na si Julian mula sa ibang bansa. Bumalik na ito sa kanilang bayan pagkatapos ng 12 taong paninihanan sa Estados Unidos.

Malaking piging ang naganap sa mansiyon ng mga Esmeralda dahil sa pagbabalik ni Julian. Puro mga nasa alta sosyedad ang mga bisita. Natutuwa naman si Maya sa muling pagbabalik ng kanyang kababata.

Onse anyos sila noon nang nagtungo sa Amerika si Julian dahil sa isinama ito ng kanyang ina na si Donya Celeste. Ang ikinatutuwa ng 23-anyos na ngayon na bebot, na sa kabila na malaki ang agwat sa antas ng kanilang pamumuhay ay nakikisalamuha sa mahihirap si Julian. Naging magkaibigan sila at mula roon ay umusbong ang kakaibang damdamin na sila lang ang nakakataros.

Bago umalis noon si Julian ay  nangako ito na siya lang ang iibigin. Pangako ng isang bubot pa noong pag-ibig na kanyang inaasahan. Iyon ang pinanghahawakan ni Maya kung kaya sarado ang kanyang puso sa ibang mga kalalakihang nanunuyo sa kanya.

Napansin ng kanyang inang si Aling Doris, 48-anyos ang kakaibang sigla niya habang malayong nakatingin sa may bintana. Hindi na lang inusisa ng ale ang kasiglahang nadarama ng anak.

“ Maya, dito ka muna at pupuntahan ko ang ate Serena mo sa libis. Maiwan na kita at para matuloy na ang ilusyon mo dyan,” paalam ng ale na may dalang basket na naglalakad na palabas ng kubo.

“ Opo, inay. Mag-ingat po kayo," ani Maya na nakangiti habang nakapalumbaba.

Samantala, tinungo naman ni Aling Doris ang liblib na pook ng bayan ng Margusa. Nasa gubat ang kanyang sadya. Walang takot na sinuong ng ale ang mapanganib at matarik na daraanan. Panatag siyang  naglalakad hanggang sapitin ang isang kuweba.

“ Selena, anak, nandito na ako,” mahinang sigaw ng ale habang papasok sa yungib.

“  Nariyan na ako, inay. Kanina pa namin kayo hinihintay ni Pepit,” si Selena na sinalubong ang ina.

“ O heto ang pagkain nyo. Pagdamutan nyo muna ang ginatang tilapya, saging, at tinapa. Kasya na ba yan sa inyo?”

“ Kasya na to, inay. Huwag nyo nang problemahin si Pepit. Naka-chicha na yun. May nalantakan yatang baboy ramo sa gubat nang lumabas kaninang umaga," si Selena na kinuha ang basket na inabot ng kanyang ina.

“ Ganun ba? E di tulog na yun!”

“ Ano pa nga po ba!" si Selena na inihanda na ang pagkaing kinuha sa basket. Sa loob ng kuweba ay may isang munting kubol. May sariling gamit roon. Pinggan, kubyertos, banga na lalagyan ng tubig na inumin, papag, kumot,  gasera, at unan.

“ Siyanga po pala, inay. Maingay sa kapatagan. Rinig ang tugtugan at ingay ng mga tao. Tila may kasiyahan,” usisa ng babae sa ina.

“ May kasiyahan at piging sa mansiyon ng mga Esmeralda. Dumating na kasi ang bunsong anak nina Don Macario at Donya Celeste. Ako pa nga ang isa sa naghanda ng mga inihandang kakanin gaya ng suman, maja blanca, sapin-sapin, nilupak, at bayi-bayi,” sagot ng ale.

“ Si Juliano ba? Yung kaibigan ni Maya?" tanong ng 24-anyos na dalaga.

“ Ay oo naman. Bakit, hindi mo na ba siya natatandaan?”

“ Hindi na po. Sa loob ng 12 taon kung nilagi ko rito sa kuweba ng Adkayis, tila nalilimutan ko na ang mga taong kilala ko noon sa kapatagan. Pero, natatandaan ko siya,” si Serena na seryoso ang pagkakasabi.

Masalimuot ang buhay ng dalaga. Abnormal ang pagkatao nito. Pinanganak itong kakatwa. Wala itong buhok sa ulo na hugis ahas. May kaliskis ng ahas ang kanyang ulo. Kung kaya lagi siyang nakatalukbong ng bandana noon. May kakambal din siyang sawa. Si Pepit.

HERMANA SERPENTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon