Kabanata 2
Nang malingat ang mata ng binata sa gawing direksiyong pa-silangan, lalong nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Nakita niya ang isang babae na nakalubog sa isang lawa. Hanggang dibdib ang tubig sa babae. Tantiya ni Samuel, mga nasa 50 talampakan ang taas ng babae. Ang anyo nito’t kutis ay gaya nang sa nakita niyang sanggol.
Lalo pa siyang namangha nang umahon sa lawa ang babae at binuhat ang sanggol. Nakita niyang pumasok ang mag-ina sa isang lagusan. Sumunod na rin ang kuneho. Agad na umakyat paitaas ng gubat ang binata sa takot na may ibang dambuhalang naroroon. Nang makapuwesto siya sa gawing ibabaw ay naupo siya sa isang putol na sanga ng puno. Malayo ang tingin at walang kakilos-kilos. Parang natuklaw ng ahas na biglang namaga. Sa kanyang pagkakatigil ay nilapitan siya ni Julian.
“ O, ba’t pawis na pawis ka diyan? Ang lamig-lamig naman ng lugar!”
“ A... wala ‘to. Baka dito sa suot kung jacket. Masyado kasing makapal,”alibi ni Samuel sa kaibigan.
Napasulyap si Julian sa binata. Saka tumingin sa ilalim ng bangin. Napatitig sa lawa. Pagkatapos ay bumalik sa kinaroroonan ng kaibigan.
“ Alam kong may nakita kang kakatwa sa lawa. Kung ano man yun, huwag mong sabihin sa iba. Kalimutan mo muna yun at hanapin na natin ang dambuhalang alupihan.” Ipinagpatuloy nila ang paglalakbay sa looban ng gubat.
Nang magawi sila sa isang loob ng gubat na may mga butas at buhong malaki ang lupa ay tumigil sila.
“Dito tiyak naglalagi ang alupihan. Humanda kayo mga kasama. Marahil ay nararamdaman na niya tayo ngayon, “ babala ni Julian na ikinasa na ang tangang air rifle na ang bala ay tranquilizer. Naging alerto at mapagmatyag ang mga lalaking kasama nila.
At ilang saglit pa’y nagliparang bigla ang mga ibon sa kagubatan. Animo’y musika ang pinagsama-samang tunog ng mga hayop at mga kulisap.
Nagliparan ang mga paru-paro, tutubi, salagubang, at iba pang insekto. Nakabibingi ang ingay na iyon. At sa isang iglap, lumabas ang dambulahang alupihan sa malaking butas ng lupa at umatake agad sa kalalakihang naroroon.
Tantiya ni Samuel, mga nasa 75 talampakan ang haba nito at 30 talampakan ang kapal. Nagtakbuhan ang ibang kasamahan nila nang makitang nilantakan ng alupihan ang 5 lalaki. Napakabilis umusad ng alupihan at hinabol ang mga tumatakas. Si Julian naman ay pumuwesto sa gawing buntot ng dambuhala at tinututukan ito ng airgun. Si Samuel naman ay tangan ang kanyang video at nire-record ang kahindik-hindik na pangyayari.
Sa kasawiang palad, naabutan ng alupihan ang isang lalaki at hinigop ito ng malaking bunganga anupa’t naging panibagong panghimagas ng dambuhala. Isang umaalingangaw na sigaw ang kasunod nun nang sairin na ng dambuhala ang lalaki na sinisipsip muna ang dugo sa katawan habang kagat-kagat. Parang kandilang unti-unting nauupos ang lalaki at natunaw na o na-digest sa bunganga pa lamang ng dambuhala. Dinig na dinig ang paggalaw at tinig ng alupihan sa gubat na parang karwaheng dumadagundong sa lupa ang tunog ng gamalay nito habang umuusad.
Mula sa kuweba’y narinig ni Serena ang tinig. Gayun din si Pepit na nang mga sandaling iyon ay natutulog.
“ Pepit, narinig mo ba yun? Maingay sa looban ng gubat. May palahaw ng tao,” bulalas ng babae.
Umusad si Pepit at dumungaw sa bungad ng kuweba. Inilabas ang kanyang dila na parang sasagpang ng mabibiktima.
“ Bakit Pepit? May kalaban ba?”
Tumango ang dambuhalang sawa.
“ Baka ang dambuhalang alupihan yan! Marahil siya nga. Nagising na naman siya para maghasik ng lagim sa Marguza,” ani Serena na kinikilabutan.
BINABASA MO ANG
HERMANA SERPENTA
Mystery / ThrillerAng mundo ay punong-puno ng hiwaga na inilihim ng mga pagkakataon. Katulad ng mga lihim na itinatago ng bayan ng Marguza kung saan ay nakahimlay ang isang kamangha-manghang nilalang. Halimbawa na rito sina Serena na tinaguriang " Hermana Serpenta" d...