Pagkatapos sambitin ang katagang iyon ay nagkaroon ng malakas na pagsabog sa kalooban ng Bundok Feressa. Umuga ang lupa at gumuho na nasa siping ng bundok. Umuusok din ito at nagkaroon ng mga butas at siwang. Pagkatapos ng pagyanig ay lumabas ang sasakyang pyramid ni Lucas at pumainlang naman si Pepit na duguan na lumilipad. Nanghihina ito at bali ang sungay sa gitna ng kanyang ulo. Lagapak na humandusay ang dambuhalang python. Naghihingalo.
Marami kasing bomba at missiles ang pinatama ng kalaban kay Pepit. Pero, nasira niya ang mga iyon at sa tulong ng kanyang ama ay pinasabog nila sa loob ang mga behikulo. Lunos na lunos na minasdan ni Mang Lucas si Pepit. May pinindot siyang button na kulay bughaw. Kinontak niya ang kanyang ama na hari ng planetang Eris.
Pagkatapos nun ay may pinindot siyang pulang button sa loob ng aparato ng sasakyang pyramid na tila tambutso ng space rocket ang tambutso nito sa gawing ilalim. May lumabas na malaking lambat na likha ng liwanag. Inilagay ng isang hugis kamay na liwanag si Pepit sa malaking lambat na inihugis ni Mang Lucas na gaya ng duyan. Pagdaka’y pumainlang ito paitaas.
Kitang-kita ni Serena ang buong pangyayari. Pagdating sa itaas kalawakan na may layong 500,000 talampakan, may sumalubong na apat na spaceship sa behikulo ni Mang Lucas. Mula sa mga ito ay may lumabas pang lambat na hugis duyan at doon inilagay si Pepit.
“ Buti naman at naliwanagan ka, Hammepinul. Ang python na iyong anak ay di nararapat maglagi sa daigdig. Nararapat siya sa Planetang Eris. May pook na akma sa mga katulad niyang reptilya. Kung di mo ginawa ito, lalong lalaki si Pepit sa pag-usad ng panahon na maaaring makapinsala sa paligid at maka-perwisyo sa mga tao. Paano, mauna na kami. Kung gusto mong dumalaw sa planeta natin, maaari kang magpunta at bisitahin sina ama’t ina,” ani ni prinsipe Eribus na kapatid niya.
“ Salamat. Ipaabot mo ang aking kumusta sa kanila. Mananatili ako sa daigdig upang ayusin ang mga bagay-bagay,” ani Mang Lucas.
Mula sa himpapawid ay may ipinasok na malaking kapsula ang sasakyang spaceship ni Eribus sa behikulo ni Lucas. Pagkatapos gawin iyon ay umalis na ang apat na spaceship.
Naiwan naman sa ere ang PERITRA o sasakyang behikulo ni Mang Lucas na hugis pyramid. Nakatengga ito sa ere na nasa tapat ng bayan ng Marguza. May pinakawalan siyang gas na kulay lila na lumalabas sa kapsulang ibinigay ni Eribus.Habang nagpapakawala ng gayung uri ng gas ay dahan-dahang bumababa ang Peritra mula sa himpapawid pababa ng bundok.
Humalo sa hangin ang mala-lilang kulay na gas. Nang malanghap ng mga tao sa bayan ng Marguza ay pawang nahimatay ang mga ito. Maging ang mga hayop ay nahimatay rin maliban sa mga ipis, alakdan, at alupihan.
Magda-dapit hapon na ng mangyari iyon. Tinungo ni Mang Lucas ang kinaroroonan nina Serena at Julian. Hindi nahimatay si Serena dahil immune ang tulad niya sa gayung gas na humalo sa oksihena. Umiiyak ang dalaga nang lapitan ng kanyang ama. Natuwa naman ang lalaki sa nakitang pagbabago sa hitsura ng anak. Normal na ito. Wala nang kaliskis gaya ng sa ahas ang balat at anit. Alam niya ang sagot dun. Hinipo ni Lucas ang leeg ni Julian.
“ Hindi siya patay, Serena,” ani Mang Lucas.
“ Pero, patay na po siya, ama. Wala na si Julian,” hibik pa ni Serena.
“ Hindi, Serena. Buhay siya. May makabagong gamot akong alam na magpapahilom ng barag niyang bungo at magdugtong ng nagkalinsad-linsad niyang mga buto. Bukod dun, tanging ang Diyos ang malaki nating pag-asa para manumbalik ang hininga ni Julian. Kahit magtagumpay pa akong gawin ang tinuran ko sa iyo kung talagang oras na niya, wala tayong magagawa.”
Binuhat ni Lucas ang katawan ni Julian at inilagak sa aparato sa loob ng kanyang pyramid. Kasama niya si Serena. Parang inilagay sa pridyeder na may tubig si Julian na nakakabitan ng mga wires sa iba’t-ibang parte ng katawan. Ibayong dalangin naman ang ginawa nilang mag-ama.
Makalipas ang isang buwan, walang natatandaang kababalaghan at kakatwang pangyayari ang mga taga- Marguza sa bayan nila. Inalis ng hanging nalanghap nila na may halong lilang gas ang kanilang alaala tungkol doon. Naging normal uli ang kanilang pamumuhay. Wala na rin silang matandaang dambuhalang sawa at babaeng ahas.
Nabaligtad na rin ang takbo ng pangyayari. Nabuhay si Julian pero nagpapagaling ito sa pansamantalang pagka-paralisa. Naka-wheel chair ito nang namasyal silang mag-anak sa isang magandang tanawin sa itaas ng burol. Nag-picnic sila.
Si Serena ang tumutulak ng kanyang wheel chair. Sina Maya at Samuel naman ang kumukuha ng larawan nila. Picture-picture ika nga. Sina Mang Lucas naman at Aling Doris ang naghahanda ng pagkain.
Sina Serena at Julian na ang magkasintahan habang sina Samuel naman at Maya ang nagkaigihan. Samantala, sa planetang Eris, nasa isang malawak na gubat si Pepit kasama ang ilang reptiles gaya ng kapwa niya ahas at python. Pero siya ang pinakamalaki. Binabarag niya ang mga papatamang meteorang sasalpok sa Planetang Eris gamit ang panibagong tubong sungay. Hindi na niya natandaan kung ano at kung sino siya. Binura na ni Eribus ang kanyang alaala.
Ang mga ebidensiyang magpapatotoo sa kababalaghan at misteryo ay itinago ni Mang Lucas sa ilalim ng lawa. Hindi niya iiwanan ang daigdig dahil nandito ang kanyang kaligayahan.
At si Serena, mamumuhay na ng normal bilang isang marikit at kaibig-ibig na babae. Pero, nandoon ang bangis kapag kinakailangan. Anyo lang ang nag-iba sa kanya at hindi ang kakayahan. Alam niyang kakailanganin niya itong gamitin. Hindi nga lang niya alam kong kailan. Marahil kapag natupok na ang sansinukob sa araw ng katapusan. Pero, ang iniisip niya ay ang ngayon at ang hinaharap. Mamuhay ng tahimik, payapa, at maunlad. Maging isang mabuting ina at maybahay. Ang mahalin at magmahal. WAKAS
BINABASA MO ANG
HERMANA SERPENTA
Mystery / ThrillerAng mundo ay punong-puno ng hiwaga na inilihim ng mga pagkakataon. Katulad ng mga lihim na itinatago ng bayan ng Marguza kung saan ay nakahimlay ang isang kamangha-manghang nilalang. Halimbawa na rito sina Serena na tinaguriang " Hermana Serpenta" d...