Lalo namang kinabahan si Serena nang sumapit na ang takipsilim ay di pa bumabalik ang kapatid. Ang nasa isip niya, baka nabaril ng mga kalalakihan si Pepit o dili kaya’y nadaig ito ng mga kalabang dambuhalang alupihan.
Naririnig din niya ang ingay ng mga tao na malapit lang sa tinitirhan nilang kuweba ni Pepit. Pawang halakhakan ang naririnig niya. Pakiwari niya, masaya ang nagkampo sa gubat. Gusto niya sanang lumabas at magbaka-sakaling hanapin si Pepit. Kaso, baka matiklo siya.
Kinabukasan, nabalita sa liwasan ng Margusa ang nangyari sa kagubatan. Napatay ang dalawang dambuhalang alupihan. At ang kagila-gilalas, natagpuan din ang dambuhalang sawa na kulay ginto kapag nasisinagan ng sikat ng araw. Ang kakatwa, nagliliwanag sa dilim ang kulay gintong batik sa katawan ni Pepit. Bagay na ikinamangha nina Julian at Samuel, sampu ng mga taong nagkampo sa kagubatan.
Nakarating kina Mang Lucas ang balita. Balisang-balisa ang kanyang mag-inang sina Aling Doris at si Maya.
“ Anong gagawin natin, Lucas? Baka katayin o kaya’y ipagbili nila si Pepit!” alalang wika ni Aling Doris.
“ Oo nga po, itay! Papaano ba nila nahuli si Pepit? Baka kung ano na rin ang nangyari kay ate Serena! Baka bihag siya ngayon ng mga kalalakihang nagtungo sa gubat!” ani Maya.
“ Ang sabi ng mga tao, hindi gagawan ng masama nina Julian si Pepit. Gusto lang daw ng mga kasama niya na ipakita sa mga tao na nakatuklas sila ng dambuhalang sawa. Ang siste, pagkakaguluhan si Pepit ng mga turista’t mga ahensiyang tagapagbalita sa daigdig na maugong ang sabi-sabi na dadayo rito sa atin. Kukuhanan nila ng larawan si Pepit at gagawan ng dokyu sa kanilang palabas,” ani Mang Lucas.
“ Huwag kayong mag-alala. Sinabi ni senyorito Julian na pakakawalan din si Pepit sa gubat kapag tapos na ang misyon. Itinuturing na yaman daw ng Marguza na dapat pangalagaan.”
“ Ngunit, kung hindi gayun, ako na ang gagawa ng paraan at hakbang para makawala si Pepit sa kanila,” giit ni Mang Lucas.
Nang pagkatapos nilang mananghaliang mag-anak, nagtungo si Mang Lucas sa kuweba at dumaan sa lihim na lagusan. May dala siyang mga sisiw at itik na nakalagay sa malaking kartong may mga maliliit na mga butas sa gilid. May dala rin siyang itlog ng bibe at manok na nakalagay sa dala-dala niyang bayong na hawak ng kaliwang kamay niya. Ito kasi ang kahilingan ni Serena kapag muli siyang bibisita rito. Para mag-alaga na lang ng mga manok at itik sa halip na magdala ng karne ng mga ito.
Nakita niya sa isang awang ng pader na bato sa lagusan sa ilalim ng lupa ang kinaroroonan ni Pepit at ng mga nakahuli sa kanya.
Nakakulong ang dambuhalang sawa sa isang pinaghugis kulambong lambat at nababakuran ng mga barb wire na may kuryente. Walang malay si Pepit. Sa gilid ng kinaroroonan nito’y nakahimpil sina Walter at Arnulfo. May nakatirik na mga tent na itinayo sa pusod ng gubat. May itinayong kubol na tinutuluyan ng iba pang tao na dumadayo sa naturang pook. Bahagyang minasdan ni Mang Lucas ang anak at may nakita siyang mga sugat sa katawan ni Pepit.
Pagkatapos nun ay tumuloy siya sa kuweba. Galak na galak naman si Serena sa biglaang pagbisita ng kanyang ama.
“ Itay, nahuli ng mga taga- kapatagan si Pepit. Dinaluhong sila ng 2 alupihan na nilabanan ni Pepit. Kung di dahil sa kapatid ko, patay na sila. Pero, nagawa pa rin nilang hulihin. Iligtas nyo po siya, itay,” sumamo ng dalaga.
“ Talastas ko anak. Talastas ko! Kung lalabas ka rito para tulungan si Pepit, mapapahamak ka lang. May narinig akong balita na hinahanap ka na rin ngayon ng mga mananaliksik. Kasi, nahuli nila si Pepit. Huwag kang lalabas dito sa kuweba anuman ang mangyari. Ako na ang bahala,” pag-aalo ng ama ni Serena.
BINABASA MO ANG
HERMANA SERPENTA
Mystery / ThrillerAng mundo ay punong-puno ng hiwaga na inilihim ng mga pagkakataon. Katulad ng mga lihim na itinatago ng bayan ng Marguza kung saan ay nakahimlay ang isang kamangha-manghang nilalang. Halimbawa na rito sina Serena na tinaguriang " Hermana Serpenta" d...