Nakaka-stress talaga ang kaliwa't kanang traffic!
Tanging buntong hininga lang ang napakawalan ko habang hinihintay ang mabagal na pag-usad ng sinasakyan kong pampasaherong bus. Sa labas niyon ay pinagmamasdan ko ang mga magkakapares na sabay na naglalakad sa kalye. 'Yung iba magka-HHWW, may magka-akbay, may naka-abreciete. Inaalalayan ng lalaki ang babae sa pagsakay at pagbaba ng sasakyan at pati na rin sa pagtawid sa daan. Nakakainggit!
Ilang taon na nga ba ang nakararaan simula nang huli kong maramdaman na may umaalalay sa akin dito sa kaparehong lugar na tinatanaw ko ngayon? Iyong pakiramdam na may nag-aalaga? Iyong pakiramdam na espeyal ka? Iyong pakiramdam na mahalaga ka? Iyong pakiramdam na may nagmamahal sa 'yo? Isa, dalawa, tatlo?
Ewan. Hindi ko na matandaan.
Kasabay ng pagmumuni-muni ng isang emosyong kaytagal ko nang inaasam na muling madama ay pumailanlang sa garalgal na sterio ng bus ang pabati mula sa pinakamataas na lider ng simbahan, "MERRY CHRISTMAS!" Wika niya. Saka tumugtog ang isang awiting pamasko.
"Mabuti pa ang Roma may Papa!" Bulong ko sa aking isip kasabay ng paghawi ng ilang hinanging buhok sa aking mukha.
Mayamaya pa ay nagsimula na ang paisa-isang patak ng ulan, unti-unti na ring umusad ang bus. Doon naisip ko, minsan ang pagmomove on parang traffic--mabagal! Ngunit matagal man ang pag-usad, ang importante ay makarating ka sa iyong paroroonan.
Maraming nasasayang na oras. Mga panahong alam mong hindi mo na maibabalik pa, subalit kailangan mong sayangin para makita ang iyong halaga. Na sa huli ay mapagtatanto mong hindi alkohol o oras ang nagpapagaling ng sugat ng puso kundi pagluha.
Maraming nasasayang na effort. Lakas na kailangang mawala upang mapunuan ang bagong enerhiya, tatag na dapat tanggapin ng sistema mo para makapagsimula.
Makakaramdam ka rin ng sakit. Kirot at sugat na sanhi ng mga bagaheng matagal mo nang dala-dala, hindi ka pwedeng magpahinga kasi alam mong habang nasa daan ka, malalaglag din naman sila isa-isa.
Sa ngayon, naaalala ko pa rin ang araw na nagpaalam ka, subalit ayaw ko nang mag-aksaya ng oras, mayroon na akong bagong lakas, nagkalat na sa daan ang mga dalahin ko.
Oo, narito pa rin ang pait pero hindi ko na siya nalalasahan pa. Sawa na ako sa traffic ng pag-ibig, baba na ako sa bus ni Mang Valentino. Maglalakad akong muli. Aasang may makakasalubong sa kalye. May makikilala sa waiting shed. Iyong naghihintay sa pagdating ng tren habang pinupuno ang dyip.
Diyan lang po sa tabi, para!