Maraming beses na tayong nagkalayo. Paulit-ulit na hinahawakan ang kamay mo subalit palaging nabibigo. Kaya, Mahal kung napapagod ka nang saktan ako, hayaan mong ako na ang gumawa nito para sa sarili ko.
Ako na mismo ang mananakit sa sarili ko bilang makapal na ulap sa tuwing bumabagyo, kung saan itatago ko ang bigat ng ulan--ang pag-iyak. Ikukubli ko ito habang nakasulyap sa inyo at patuloy na umaasa sa akin, sa iyo, sa tayo. Hahayaan kong ang kidlat ng inyong kasiyahan ang sumugat sa akin hanggang bumuhos ang walang patid na unos sa puso ko.
Ako na mismo ang mananakit sa sarili ko bilang malambot na lupa sa tuwing lumilindol. Kung saan ang sisikapin kong maging matatag habang pilit akong ginigimbal ng katotohanang wala ka na... Na ang pinili mo ay siya. Siya! Hahayaan kong manginig ang kaluluwang nagpapagal habang palakas nang palakas ang palahaw hanggang sa ako'y matibag--hanggang sa gumuho ang binuo at pinagtibay kong mga alaala.
Ako na mismo ang mananakit sa sarili ko bilang alon sa tuwing may tsunami. Kung saan susubukan kong maging mas malaki at malakas gaya nang dati. Kahit pabalik-balik na bumanga sa realidad na hindi ka na uuwi. Na sa kaniya ka na. Sa kaniya! Hahayaan kong mapagod ang pusong nangungulila sa pag-asa na matatagpuan muli ng agos ng iyong pagmamahal ang direksyon tungo sa tunay nitong kanlungan, sa akin--sa piling ko. Hanggang ang tindi ng daluyong ang siyang pumatid sa bugso nito.
Mahal, hindi mo na ako kailangan saktan. Ako na mismo ang mananakit sa sarili ko, sapagkat noong lumisan ka'y naging delubyo ang bawat parte ng aking pagkatao.
BINABASA MO ANG
Memoirs here. Memoirs there. Memoirs Everywhere!
De TodoMga kemerot ng kaartehan...