Sana... Isang hiling. Hiling na nawa'y ang pangarap ay maging abot ng iyong palad at hindi lang ng mga nakaw na tingin.
Hiling na sana'y mapansin niya ang mumunti mong paglalambing, na sana'y kahit sandali siya ay iyong makapiling.
Na sabay ninyong ibubulalas ang inis sa isang mabagsik na propesor, o magkasama ninyong pagtatawanan ang boss mong sa sobrang lukot ng pagmumukha'y parang nahulog mula sa 10th floor.
Na kapwa n'yo hindi napansin ang pagkatunaw ng sorbetes sa inyong mga kamay dahil sa dami ng mga kuwentong dapat ninyong pagsaluhan.Sana... Hiling na nawa'y sa tuwing nabibigo siya o masasaktan ay ikaw ang una niyang tatakbuhan.
Na ikaw ang magpupunas ng kaniyang mga luha at magpapagaan ng kaniyang nararamdaman.
Na parehas ninyong ikukumot ang dilim ng gabi at sasalubungin ang bukang liwayway.
Na hindi ninyo alintana ang pagkawala ng mga bituwin sa kalangitan sapagkat ang tala ninyo ay ang isa't isa.Ngunit ang iyong bawat sana ay mananatiling 'sana,' dahil kung may mas bulag pa sa bulag at bingi kaysa bingi ay siya iyon. At wala ring mas pipi pa sa pipi kundi ikaw!
Kung may kapantay ang manhid na katulad niya, ihanay mo ang duwag sa wangis mong umaasa sa wala. Tangina, lakas maka-tanga!
Tama siya ang iyong pinapangarap.
Siya ang iyong sana.
Siya ay mananatiling pangarap.
Siya ay patuloy na magiging sana...