Sabi ng isang quote na naitabi ko noong highschool ako, 'the two hardest thing in life is the patient to wait for the right moment, and the courage to accept that you've waited for nothing.'
Tama nga naman pero madalas kapag sobrang mahal natin iyong hinihintay natin ay handa tayong itaya ang lahat ng tiyaga at panahon para sa kaniya. Ganiyan tayo e! Panghahawakan natin ang pinaka malabong alaala; iingatan ang pinaka maliit na pangako; kakapitan ang kakaunting pag-asa na meron tayo.
Ngunit dumarating iyong puntong ang malabo ay naglaho. Ang maliit ay nawaglit. Ang kaunti ay naubos. Hindi dahil hindi mo na siya mahal kundi may iba na siyang iniibig.
Napaka daya ng sandali. Napaka damot ng pagkakataon!
Bakit kaya may mga taong idinisenyo ang tadhana para sa kanila'y habang buhay tayong mangulila?
Bakit madalas kung kailan tama na ang panahon ay mali na ang iyong nararamdaman?
Hanggang sa puntong dapat mo na siyang bitawan. Hindi dahil sa hindi mo na siya mahal, bagkus ay dahil sobra mo siyang minamahal!
Kaya nakakaya mong hatiin ang basag mong puso.
Kaya nagagawa mong ibigay ang kaligayahan ko sa iba.
Nais mong sisihin ang buwan sa mga gabing hindi niya kayo sabay na tinanglawan.
Galit ka sa mga bituwin dahil hindi niya tinupad ang hiling mong siya'y makapiling.
Gusto mong awayin ang araw sapagkat hindi niya naiparating sa kaniya ang init ng iyong pagsinta.
Ganoon pa man, walang ano mang puwersa ng uniberso ang may kasalanan ng iyong pagkabigo kasi hindi sila ang naglaho. Hindi sila ang nawaglit. Hindi sila ang naubos.
Kapwa kayo kinagat ng sakit.
Kapwa kayo nginuya ng galit.
Kapwa kayo nilamon ng lungkot.
Kapwa kayo nilunok ng mapanlinlang na sumpa ng habang buhay.
Parehong naglaho ang tiwala.
Parehong nawaglit ang katapatan.
Parehong naubos ang inakalang walang hanggan.
Pagtanggap.
Oo, tama. Pagtanggap!
Tanggapin mo na lang ang katotohanan na minsan, gaano man kalaki ang pag-ibig mo para sa kaniya, hindi na magiging sapat ang ibinibigay mong sobra lalo na't sinasampal sa iyo ang realidad na hindi na ikaw ang kailangan niya.
Tandaan mo, napunit man ang mga pahina sa kalendaryo at natapon man ang mga mithiing inyong binuo, walang nasasayang na pagmamahal--ang malabong alaala, maliit na pangako, at kaunting pag-asa na kinapitan mo nang sobra sa matagal na panahon ang siyang magiging lakas mo upang maging mas matatag at matalino para makita ang taong karapat-dapat na may mag-ari sa 'yong puso.