Bahagyang madilim ang kaniyang silid ngunit walang pakialam si Kent. Nananatili siyang nakaupo sa gilid ng kaniyang kama habang pinagmamasdan ang kaisa-isang larawan na mayroon siya—ang larawan kung saan magkayakap sila ng kaniyang yumaong kapatid na si Ken.
Batid niyang hindi na niya ito magagawa. Hindi bukas. Hindi sa makalawa. Hindi sa susunod na linggo. Hindi na kailanman.
"Kahit na naiinggit ako sa 'yo, kapatid pa rin kita," aniya.
Tumayo siya at inilapag sa kama ang naturang larawan. Lumapit siya sa isang malaking salamin sa tabi ng kabinet. Sa katiting na ilaw na pumapasok sa silid mula sa bintana, pinagmasdan ni Kent ang kaniyang sarili, sinasariwa ang mga panahon na magkasama pa sila ng kaniyang kapatid.
Pakiramdam ni Kent ay masusunog na ang kaniyang mukha sa araw. Nakahiga lamang siya at hindi makagalaw habang naririnig ang tawanan ng mga taong kilala niya. Sa kabila ng init ay ramdam niya ang lamig ng buhangin habang ang kaniyang katawan ay nakabaon rito. Sa sobrang bigat ay hindi na niya maigalaw ang sarili.
Hinanap niya ang kapatid, pinapakinggan ang pagsigaw nito, ngunit natatabunan lamang ng tunog ng alon sa dalampasigan ang boses ng kaniyang kapatid.
"Ken! Alisin mo ako rito!" sigaw ni Kent.
Hagikhik lamang ang kaniyang narinig. Nang tingnan niya kung sino ang mga ito, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita sina Sek, Chi, at Nixie na nakatingin sa kaniya't tumatawa. Kapansin-pansin ang suot nilang two-piece. Mukhang wala nang maitatago pa ang kanilang kasuotan.
"Ano'ng ginagawa niyo rito?"
"Magsha-shopping kami," sarkastikong sagot ni Sek. "Duh! We'll be swimming! Ano pa ba'ng ginagawa sa beach? Mag-zumba?"
"Hindi naman siguro coincidence na naririto rin kami sa beach na 'to," ani Kent.
"Gusto ko lang makita ang hot body ng Ken-labs ko. Masama ba 'yon?" sagot ni Sek sabay tingin sa malayo na animo'y may hinahanap. Batid ni Kent na ang kakambal niya ang hinahanap nito.
"Ken-labs?"
"Sila na. Hindi mo pa ba alam?" sagot ni Nixie. Dahil sa tono ng pananalita nito, hindi agad pumasok sa kokote ni Kent ang sabi nito.
"What?!" bulyaw niya matapos ng limang minuto.
"Ang slow mo," natatawang sabi ni Sek. "O siya, pupuntahan ko muna si Ken-labs. See ya!"
Hindi na nakapagsalita si Kent dahil sa tumakbo na agad palayo si Sek. Sumunod din si Nixie at tanging natira na lang si Chi na nakatayo pa rin sa kaniyang tabi ngunit nakatingin sa direksyon na tinungo nina Sek.
"Sek?" narinig niyang sigaw ni Ken.
"Ken-labs!" sigaw naman ni Sek.
Isang malakas na tunog ng halikan ang naririnig ni Kent pagkatapos magtawagan ang dalawa. Tila ba'y naghahalikan sila ngunit may kakaiba sa kanilang ginagawa.
"Yuck, parang ahas kung makagalaw ang dila ni Ken sa bibig ni Sek," komento ni Chi.
"Naglalampungan ba sila?" tanong ni Kent.
"Nagkakainan na yata sila ng dila," ani Chi.
Napangiwi si Kent habang ini-imagine niya ang kaniyang naririnig. Tila ba umaalingawngaw pa ang kanilang halikan. Sa sobrang lakas, hindi na magtataka si Kent kung mamaga ang kanilang mga labi. Ninais niyang makaalis sa kaniyang puwesto ngunit nananatili siyang nakalibing.
BINABASA MO ANG
Hashtag Murder
Horror"Don't take life too seriously. You'll never get out of it alive... especially when you're murdered."