Nagtataka si Sek kung bakit sa lumang ice cream factory pa sila kung papuntahin ni Van. Ilang beses na niya itong tinatawagan ngunit hindi ito sumasagot. Parating babaeng umuungol na lang ang kaniyang naririnig. Nang tumigil na siya kakatawag, saka niya pinagmasdan ang kanilang pupuntahan.
Nangangalawang na ang mga pader, gayon na rin ang bubong. Matataas na ang damo sa gilid ng daang kanilang tinatahak. Kapansin-pansin ang nakasulat sa malaking pinto ng factory.
"DON'T KILLER. OPEN INSIDE? Ano raw?" narinig niyang sabi ni Nixie.
"Shunga. DON'T OPEN. KILLER INSIDE!" baling ni Sek. "Hindi ka magbabasa nang pahalang, patayo dapat!"
"May nagbababala sa atin. Huwag na tayong pumasok!" wika ng kaniyang kasama.
Inirapan lang siya ni Sek. "Nixie, huwag kang maniwala sa ganiyan. Walang killer sa loob."
"Paano kung si Van ang killer?! Paano kung siya ang kumuha kay Chi?" naghuhurumintadong sigaw ni Nixie.
"May gusto ko pa na monotonous ang boses mo. Ngayon may tono ka na, para kang si Demi Lovato kapag kumakanta ng 'Stone Cold.'"
"Idol ko si Demi. Huwag kang ano riyan," sagot ni Nixie.
Umiling lamang si Sek. "Whatever. Pumasok na tayo."
Nagsimulang maglakad si Sek patungo sa factory. Alam niyang sumusunod lamang si Nixie sa kaniya kaya hindi na niya ito pinapansin. Agad siyang pumasok at pinagmasdan ang loob. Hindi na niya maipinta ang hitsura ng loob. Madilim at nangangamoy ihi at kalawang. Napatakip na lang ng ilong si Sek.
Nagpatuloy siya sa paglalakad, naghahanap ng kahit anong senyales na may tao sa loob maliban sa kanila. Nagbabaka sakali siya na naririto na si Van at sasabihin nito sa kanila kung sino ang tunay na Grim Reaper.
"Sek, hindi mo pa ba natatandaan ang nasaksihan natin sa may sementeryo! Si Van ang Grim Reaper!" ani Nixie.
"Hindi si Van ang Grim Reaper, Nixie. Alam ko 'yon," sagot ni Sek.
"Paano mo nalaman?"
Lumingon si Sek sa kaniyang kasama at kumindat. "Flashback..." pabulong niyang sabi.
Noong araw na nahuli si Lance, tumungo si Sek sa Journalism Room para kausapin si Van. Busy ang lalaki sa pagta-type ng susunod niyang article nang maabutan siya si Sek doon. Nagpameywang si Sek habang hinihintay siya na mapansin ni Van.
"Naniniwala akong ikaw ang Grim Reaper, Van," ani Sek.
Tumayo mula sa kaniyang kinauupuan si Van at humarap kay Sek. "Si Lance ang Grim Reaper. Nakita sa kaniya ang custome ng killer na 'yon," paliwanag ni Van. "At may malaki siyang motibo."
"Nagawa kong saksakin ang Grim Reaper sa kaniyang balikat. Walang kahit isang sugat si Lance. Samantalang ikaw, mayroon!"
Ngumiti bigla si Van, isang bagay na ikinagulat ni Sek. Hinawakan niya ang balikat na may pinsala at minasahe ito. "Sa tingin mo, nasaksak ako sa balikat? For your info, nagka-muscle strain lang ako kaka-lift."
Napataas ng isang kilay si Sek. "Patunayan mo! Ipakita mo sa akin na wala kang saksak!"
Umiling lamang si Van. Nagsimula siyang maghubad ng suot na t-shirt. At nang nagawa niya 'yon ay napanganga si Sek. Pakiramdam niya'y maglalaway siya.
"May abs ka..." pabulong na sabi ni Sek.
Ngumiti si Van. "Bakit? Gusto mo?"
Bigla ay nag-sign of the cross si Sek at nagsimulang magdasal nang magkadikit ang mga palad. "Diyos ko, patawarin niyo ako sa aking nagawang kasalanan. Hindi ko sinasadyang maglaway sa abs ng iba. Loyal po ako sa abs ni Ken-labs. Forever and ever. Amen."
BINABASA MO ANG
Hashtag Murder
Horror"Don't take life too seriously. You'll never get out of it alive... especially when you're murdered."