Chapter 8 - Tragedy

55 4 0
                                    

2016 - Afternoon of December 24th...

May ilang taong-simbahan at mga Saint Louis Choir member na sumilip sa Cursillo House mula nang iwan ako ni Viola. Pero matapos ayusin ang mga props sa entablado ay umalis din sila kaagad.

Nagpakita rin si Father sa Cursillo House. Ewan ko kung para sa production mamayang gabi o dahil sa hinahanap pa rin niya ako. Mabuti na lang nabuksan ko ang isa sa mga bintana roon.

Bisperas ng Pasko.

Sadyang abala ang mga tao - sa paghahanda para sa Noche Buena; sa mga aguinaldong ibibigay sa kanilang mga anak; sa mga gagawing pagkikita ng mga pamilya, magkakaibigan at mga magkasintahan para sa espesyal na okasyon.

Sandaling nawala ang magagandang isipin ko sa gunita ni Patricia. Sinikap ko pa ring maging masaya.

Hindi na kami magkakasama kahit kailan ni Patricia. Pero marami pa rin akong mabibigyan ng inspirasyon at pag-asa. Magiging kuntento ako.

"Kaya mo bang kumbinsihin si Viola?" Ikinabigla ko ang pagsulpot ni Brian sa aking likuran. "Baka kailangan mo ako, Andy?"

"Magkita na lang tayo bukas para sa caroling natin," nakangiting sabi ko.

Muli kong sinulyapan ang pinto at umalis na si Brian.


"Narito na ako." Bumalik ng Cursillo House si Viola bandang ala una ng hapon. Ako lamang ang naabutan niya.

"Ano ang ipapakita mo?" salubong ko kaagad.

Walang anumang dala si Viola. Pero mula sa bulsa ng pantalon, inilabas niya ang kanyang laruan.

Laruan ang tawag ko pero ang sabi ni Brian cellphone ang tawag sa ganoong aparato. Karaniwan na ang cellphone sa modernong panahon.

Sa pamamagitan ng cellphone pwedeng magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang tao kahit magkalayo. Pwedeng marinig ang boses.

Natuklasan ko na meron ding pwedeng pagkalibangan sa cellphone - mga larong pinipindot at mga video na pwedeng panoorin. May camera rin sa cellphone.

Nahulaan ko na ang gustong ipakita sa akin ni Viola.

"Sa internet ko po ito kinuha," paliwanag ni Viola. Inilahad niya ang cellphone sa akin.

Ang black and white na imahe na pinakita sa akin ni Viola sa cellphone ay ang unang batch ng Hope Christmas Carolers. Wala pa roon sina Brian, Eliza, Marco, Ruben at Jonah.

Sampu kami sa larawan. Nasa unahang hanay kami ni Patricia. Magkatabi kami. Habang nakaputing high neck, long sleeves na puting dress ang mga kababaihan. Nakaputing long sleeves at itim na slacks kaming mga kalalakihan.

Katulad ng suot ko ngayon...

May petsang nakalagay sa bandang ilalim ng larawan: December 16, 1940

"Na-feature po ang grupo n'yo dati sa Time Magazine bilang pinakaaktibong carolers sa Pilipinas." Tila nagpapaalaala si Viola. "Group picture n'yo po 'yan noong huling Pasko na kumpleto pa kayo sa Hope Christmas Carolers."  Napalunok siya. "Ma-matagal ka na pong patay, Mr. Andrew Larson. Nakikita ko po kayo at nakakausap ... da-dahil po sa third eye ko."

Hindi ako nagpakita ng interes sa rebelasyon ni Viola. Sa halip, nag-concentrate ako katulad ng ginagawa ko kapag nagbubukas ako ng bintana. Parang magpipira-piraso ang buong katawan ko. Pero nagawa kong kunin kay Viola at hawakan ang cellphone niya.

Gulat na napaurong si Viola.

Hindi na naalis ang mga mata ko sa imahe ni Patricia kaya hiniram ko kay Viola ang laruan.

The Christmas Carolers #winner (Christmas Special Entry)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon