Sandra, Ang Ikalawang kwento

1.5K 8 3
                                    

TRAVELLERS INN ANG PANGALAN NG HOTEL NA pinagdalhan ni Irene kay Jordan. Maski maliit lang ay malinis naman. May 20 rooms, isang conference hall, dalawang coffee shop, at isang maliit na dance hall. Madalas puntahan ng mga biyaherong galing probinsya, mga nagpapa-seminar, mga nagsu-short time sa bawal na pag-ibig.

Ang cashier dito ay si Sandra, 32. Maganda si Sandra, malinis manamit, at kung tatanungin kung ano sa mga ugali niya ang sa palagay niya'y pinakamaganda, sasabihin niyang ito ay ang kanyang pagiging fair. Lagi niyang tinitimbang ang magkabilang panig, ang mali at ang tama, at saka siya gumagawa ng desisyon. Sa umagang ito, katatapos lang niyang mag-mediate sa diskusyon ng janitor at ng waiter, na hindi magkasundo tungkol sa kanilang mga shift.

Tuwang-tuwang nagbalik sa mesa niya si Sandra. Noon niya napansin na nakangiting nakatingin sa kanya ang isang lalaki. Payat, siguro'y may 25 years old na. Isa itong writer. Tatlong araw nang naka-check in sa hotel para magsulat.

Pinuri siya ng writer sa ginawa niya. Fair daw siya. Wala 'yun, sabi ni Sandra. Sa bahay kapag nanay ka madalas nag-aaway ang mga anak mo, kaya nasasanay kang maging fair. Saka ang writer naman ang tinanong ni Sandra. Tungkol saan ang sinusulat mo?

Limang love stories daw ang sinusulat nito. Me teorya daw kasi ito tungkol sa pag-ibig.

Ito ang teorya ng writer:

Me qouta ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman.

Natawa si Sandra, ayaw maniwala.

Tumingin ka sa palibot sa mga kaibigan mo o kaopisina, sabi ng writer. Ilan sa kanila ang tunay na masaya?

Relative naman ang pagiging masaya, sabi ni Sandra.

Excuse ng mga malulungkot, sagot ng writer. Saka nagpatuloy.

Ang iba'y iibig sa maling panahon, umibig noong 1980's, nakipagmartsa sa mga aktibista, pero ang taong nakatakda para sa kanya ay nabuhay noon pang 1930's, isang rebelde laban sa mga Amerikano, matagal nang namatay. Kaya she keeps falling in love sa mga lalaking mas matatanda, hinahanap sa kanila ang di mahanap na wala, hindi mapagtagpo ang kahapon at ang kasalukuyan.

May mga pusong pinaglalaruan. Nasa parehong building ng call center but they will never realize that they are on the same floor. Maski parang laging may strange force na humihila sa kanila para tumingin sa kabila ng building. Kailanman ay di sila magtatagpo. Tanungin man siya ng boyfriend niya kung ano iyong lagi niyang tinitingnan sa kabila ay di niya masasagot. At kailanman ay di na niya malalaman dahil eventually ang lalaki ay lilipat sa ibang lugar, at siya, hanggang sa mamatay, di na niya malalaman kung sino nga ba iyong nasa kabila.

Merong pinalad na nagkakilala, nagkaibigan at nagsama. Pero sa di malamang dahilan ay iniwan ng babae ang lalaki. Mabubuhay ang lalaki sa walang hanggang paghahanap. Mari-realize niya na ang pag-ibig ay laging paghahanap. Pero hindi niya kailanman mahahanap ang babae dahil ang totoong hindi niya mahanap ay ang kanyang sarili.

Merong away nang away kapag magkasama pero hindi naman kaya ang magkahiwalay. Merong nagmamahal lamang kapag nananakit. Merong relihiyon ang humaharang, o katayuan sa buhay, o mga magulang. Merong sila mismo ang gumagawa ng harang.

Merong umiibig na habwng nagtatagal ay lalong nawawalan ng IQ. Merong pag umiibig ay napupundi ang 4 out of senses, touch lang ang natitira. Merong ang tingin sa pag-ibig ay tali. Merong di makahakbang dahil sa pag-ibig, at meron namang nakakalipad. Merong ang tingin sa pag-ibig ay hapunang walang sawsawan. Merong pag umiibig ay nahaharap sa salamin, sarili ang sinasamba. Merong ang tingin sa pag-ibig ay parusa.

Para kay B (o kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon