DB 2

3K 159 120
                                    

Balik sa pang-araw-araw na routine si Ashreen, gigising ng maaga, maglilinis, mag-aalmusal, at papasok. Bago tuluyang umalis, ibinilin niya ang ina sa may-ari ng kanilang paupahan. Pinabantayan naman ito sa anak niyang dalagita. Para habang wala siya, kampante siyang may tumitingin dito. Sahod naman niya mamaya, kaya baka abutan na lang niya ito kahit papaano.

Ibinilin na rin niyang huwag hahayaang bumili ng gin ang ina at tuluyang uminom. Kahit ayaw ng ina na may bantay ay pinilit ni Ashreen. Sa huli ay pumayag na rin ito, pero mukhang magkukulong lang sa nag-iisang silid nila. Mabuti na rin iyon kesa naman uminom ito at madala pa sa hospital.

Kinurot-kurot ni Ashreen ang bisig dahil medyo inaantok pa siya. Alas sais ng umaga ang call time nila at halos hindi siya nakatulog kagabi. Pamaya-maya ang bangungot ng ina kaya binantayan niya ito magdamag. Buti nga, nakaidlip siya ng ilang oras no'ng hapon. Nais pa rin niya kasing maghanap ng ekstrang work pagkagaling dito. Baka sa lunes na lang siya maghanap. Pandagdag din iyon sa kanila kung sakali.

"Magandang umaga! Kaunting donasyon po para sa nangangailangan. Ang maliit ninyong halaga ay makakatulong nang malaki."

Isang matandang lalaki ang sumulyap sa kaniya bago bumili ng card. Sinulyapan din nito ang donation box bago iniabot ang sukli na galing sa kahera. Inilabas nito ang wallet. Akala ni Ashreen, hindi nito papansinin ang donation box. Pero, literal na nanlaki ang mga mata niya nang dumukot ito ng isang libo sa wallet at walang pag-aatubiling inihulog iyon sa kahon. Natutulalang napatingin si Ashreen sa pinaghulugan at hindi niya na nagawang pasalamatan ang nakaalis ng matanda.

Isang libo! At kapapasok pa lang niya.

Kanina, nang iabot sa kaniya ang isang itim na kahon na gawa sa kahoy, tama, hindi 'yung usual nilang donation box iyon. Nagtanong siya kung bakit iyon ang ibinigay sa kaniya. Ipinaliwanag nitong may nagpasabay raw sa kanila na isang organisasyong nangangailangan nang tulong. Ngayon lang naman daw iyon.

Naka-combination padlock iyon at halos kasing laki rin ng palagiang dala nilang donation box. Pero, walang nakalagay na pangalan kung anong organisasyon ito nakabilang. Tanging mukha ng isang babae na mata lang ang nakikita at natatakpan na ang kabuuang mukha ang nasa unahan, malapit sa padlock. Babae, dahil bakas naman ang istraktura ng mukha nito sa manipis na telang nagtatakip sa kalahati ng kaniyang mukha. Medyo nangilabot pa nga siya dahil parang buhay ang mga matang naroon kapag tinitigan mo.

At ngayon, dalawang oras na ang nakakalipas, halos lahat nang nakapila sa kaniya ay nagbigay. Walang palya. Kahit ang isang estudyante na mukhang walang pera ay naghulog ng limandaan. Dinukot niya pa iyon sa parang secret pocket ata ng kaniyang bag.

Parang may kung anong kapangyarihan meron ang donation box na kahit sulyapan ng sino man ay maghuhulog ng walang alinlangan. Minsan nga, umiinom siya ng tubig at hindi pa nagsasalita, may naghuhulog na. At galing pa iyon sa kabilang pila! Napasulyap nga siya sa nakasimangot na si Zara na siyang pinanggalingan ng babaeng naghulog. Nagkibit-balikat lang si Ashreen sa parang pagkasuya ni Zara sa ginawi ng babae.

Nahihiwagaan na talaga siya sa hawak na kahon. Siguro, kilala ang may-ari niyon. Pero, kahit siya ay walang ideya kung anong organisasyon iyon. Ni wala ngang pangalan! Hindi nga pala niya iyon naitanong kanina kay Joy, ang nagbibigay sa kanila ng donation box.

Napasulyap si Ashreen sa orasang malaki, kinse minutos bago ang alas dose. Kaunting minuto na lang pala at makakapagpahinga na rin sila sa wakas. At parang ngayong araw, hindi niya man lang naramdaman iyon. Masaya siya dahil kahit hindi kanila ang donation box, marami ang naghulog. Malaki-laki rin naman siguro ang maibibigay sa kaniya kung sakali. Pandagdag para sa sasahurin niya mamaya. Tamang-tama, kailangan niyang bumili ng gamot ng ina. Noong isang araw pa ito pumalya sa pag-inom. May kamahalan din kasi ang gamot nito.

Nakikipagsabayan ang boses niya sa mga kasama sa ingay ng mga tao sa paligid; may batang iyak nang iyak, isang teenager na may dalang maliit na speaker, nag-aaway na mag-syota sa gilid, at meron pang isang lalaking kanina pa inis dahil parang hindi raw umaabante ang pila.

Magpapasalamat pa lang sana si Ashreen sa may edad na lalaking naghulog ng isang libo nang magkaroon ng komosyon sa bandang pila niya. Napalingon siya sa gawi niyon at nakita niya ang lalaking kanina pa maingay sa pila, may hawak nang patalim. Kaniya-kaniya nang takbo ang mga tao, lalo pa at nanghablot na ng matandang babae iyon para gawing hostage.

Dalawang armadong guard ang nagtangkang umawat sa lalaki pero umakma itong sasaksakin ang lalamunan ng kawawang matanda na iyak na nang iyak. Sobrang nagkakagulo na at agad na binitbit ni Ashreen ang donation box. Nang lingunin niya ang mga kasama, wala na ang mga iyon sa puwesto. Baka nag-alisan na rin dala nang takot na gaya nang nararamdaman niya ngayon. Nanginginig na tumakbo si Ashreen patungong C.R. pero bago siya makapasok sa loob, sigawan ng mga tao ang biglang nakapagpalingon muli sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang nakataas na ang damit ng lalaki at tumambad sa lahat ang bombang nakakabit mismo sa kaniyang katawan. Nakangising nilaslas nito ang leeg ng matanda bago balewalang binitawan na lang basta. Lumagpak iyon ng walang buhay.

Nagkalat sa paligid ang mga pulis at SWAT, subalit hindi nila magawang pigilan ang lalaki na kung babarilin nila ay maging resulta nang pagsabog ng bomba. Kaya nang ilabas na nito ang pipindutin para tuluyang sumabog iyon. Isang snipper ang nagbalak na tirahin sa paa ang suspek habang kinakausap ng ilang kapulisan sa nais nitong mangyari.

Walang pagdadalawang-isip na pumasok si Ashreen sa loob ng banyo. At bago pa man tuluyang makapasok sa isang cubicle na naroon, isang malakas na pagsabog ang halos ikayanig ng paligid. Nanginginig at naiiyak na yakap niya nang mahigpit ang donation box habang hindi magkamayaw ang komosyon sa labas.

Donation Box
jhavril
2016

Donation BoxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon