Tapik sa pisngi ang nakapagpagising kay Ashreen. Mukha nang nalilitong may-ari ng bahay ang kaniyang nabungaran.
"Bakit dito ka natulog? Kamusta ang nanay mo?"
Sa narinig, agad na napabalikwas nang bangon si Ashreen, kasabay nang paggala ng kaniyang paningin. Nasa sala siya! Ibig sabihin, totoo ang nangyari na may babaeng nakapasok at...
"May nakita ba kayong... Babae?"
Napakunot-noo ang may katabaang si Aling Ines. Umiling ito habang nagtatakang inilibot din ang paningin at ibinalik sa malilikot ang matang si Ashreen. "Wala. Bakit, pinasok ba kayo? Kaya ba naiwan mong bukas ang pinto? May narinig nga akong sigaw pero agad ding nawala. Ikaw ba iyon? Anong mga nawala?"
Hindi pinansin ni Ashreen ang sunud-sunod na tanong nito kahit pa ang pagsunod din nito sa pagtungo niya sa pinto ng kuwarto. Hinawi niya lang ang kurtina at sinilip ang kinalalagyan ng donation box. Nanatili itong nakatumba, sa huling pinag-iwanan niya. O, baka naman dahil sa sobrang pagod, gutom at pag-iisip, kung ano-ano na ang mga nakikita niyang hindi naman pala talaga totoo. Siguro nga, ganoon nga ang nangyari kagabi.
"Hoy, ano? Magre-report na ba tayo?" Napalingon si Ashreen nang bahagya siyang hawakan ni Aling Ines sa kanang balikat. Umiling siya kasabay nang pagsabing wala namang nawawala at baka nanaginip lang siya. Napaangat ang paningin niya sa orasan. Alas singko y media! Ang nanay niya!
"Aling Ines... Ahm, ano kasi. Puwede po bang manghiram --"
Biglang umasim ang mukha ng babae nang marinig ang hindi niya pa tapos sanang sabihin.
"Naku Ashreen, ha? Ako, tumutulong lang sa abot ng aking makakaya. Pero ang number one rule ko e, hindi magpautang. Mahirap ang buhay, pasensiya na at lima ang anak ko. Batugan pa ang asawa ko, kaya wala." saad nito habang palabas na ng munti nilang bahay.
Napahinga nang malalim si Ashreen sabay sapo ng ulo. Wala siyang pera!
Kailangan nang kumain at uminom ng gamot ng ina! At ang mga gagawing laboratoryo pa pala! Nais na niyang sumigaw at hindi niya talaga alam kung saan kukunin ang panggagastos niya!
Teka, may sasahurin nga pala siya dapat ngayon! Kahit paano naman siguro, makakatulong iyon. Tsaka na niya iisipin kapag kulang.
Tama!
Sa naisip, agad na pumasok si Ashreen ng kuwarto at may pagmamadaling hinablot ang tuwalya at kumuha na rin ng pamalit. Palabas na siya nang masulyapan ang donation box. Oo nga pala, kailangan niyang maibalik iyon at doon nakasalalay ang sasahurin niya. Katanggap-tanggap naman ang rason niya kaya alam niyang may trabaho pa siya kung sakali man.
***
Tulalang nakatingin si Ashreen sa labas ng dalawang palapag na opisina nila. Naka-padlock ang gate niyon at mukhang walang tao. Kahit ang guard ay wala. Ayon sa napagtanungan niya, under imbestigation daw ang naturang organisasyon. Napag-alaman kasing wala palang permit ang ginagawa nilang paghingi ng donasyon. Tatlong buwan pa lang kasi si Ashreen dito at galing din naman siya sa legal na ganitong trabaho. Na-endo lang siya dahil six months lang talaga ang mga ganoon at nag-aaplay na lang ulit siya kapag tapos na.At ngayon, hindi niya alam kung saan hahagilapin ang mga iyon. Sumasakit na ang ulo niya at lagpas alas siyete na, hindi pa siya nakakapunta ng hospital. Tiyak na gutom at nag-aalala na ang ina. Ipinasya niyang umalis na lang, tutal naman ay walang matinong sumasagot sa kaniya sa mga pinagtatanungan sa paligid. Baka puntahan na lang niya ang pulis na humahawak sa kaso at dito na lang itanong kung saan ba makikita ang may-ari niyon. Hindi naman siguro siya madadamay dahil empleyado lang naman siya. At kailangan niya ang kaniyang sahod!
Pero, saka na lang niya gagawin iyon. Ang mahalaga ay makapunta na muna siya ng hospital. At matingnan ang kalagayan ng ina.
Mauunang madaraanan ang bahay nila kaya bumaba na muna si Ashreen para iwan ang donation box. Susubukan na rin niya ulit na manghiram kay Aling Ines, baka sakaling maawa ito sa kaniya. O, baka may kakilala ito na kahit patubuan na, basta ang mahalaga ay may makuhaan siya ngayon.
Subalit, pinagsarhan lang siya ni Aling Ines ng pinto at pinapapatulog daw nito ang sanggol na anak. Hindi na muling nagtangka si Ashreen at baka lalo lang mainis ang ginang at mapaalis pa sila sa tinitirhan.
Pero, wala na talaga siyang malalapitan para hingian ng tulong.
Pagod ang isip na binuksan ni Ashreen ang pinto at ang nag-iisang bintanang kahoy sa kanan. Hindi na niya pinagkaabalahan na buksan ang ilaw, tutal maliwanag naman. Nanlulumong naiiyak na siya sa kaiisip kung saan ba kukuha ng pera. Hindi naman niya alam kung nasaan ang ama.
Hindi sinasadyang naihagis niya sa lamesa ang plastik bag na kinalalagyan ng donation box. Kaso, dumulas lang iyon sa lamesa at diretsong bumagsak sa sahig. Agad na nilapitan ni Ashreen ang kahon dahil nag-aalala siya na baka nasira o nagasgasan kaya. Magbabayad pa siya nito!
Maingat na inilapag sa lamesa ang plastik at binuklat. Inilabas ang kahon at tsinek; inikot-ikot pa. Mukhang wala namang anumang nangyari. Nakahinga nang maluwag si Ashreen, kasabay nang pag-upo sa stool na naroon.
Nanghihinang hindi sinasadyang nayakap niya ang donation box at humilig dito, paharap sa nakabukas pang pinto ang kaniyang ulo.
Saan siya puwedeng kumuha ng pera?
Pumunta kaya siya sa dati nilang tinitirhan? May mga kakilala sila roon dahil matagal din naman silang nanirahan doon. Tama, tapos daanan na lang niyang muli si Aling Ines. Kahit siguro pamasahe, makahiram siya.
Pagkaangat ng kaniyang mukha, napatingin si Ashreen sa hulugan ng pera sa donation box. Saglit na parang nagkaroon ng ideya sa kaniyang utak, lalo pa at naalala niya kung gaano karami ang naghulog doon na hindi bababa sa limandaang piso! Pero, ipinilig niya ang ulo upang maalis ang masamang ideya at pilit na binalewala iyon. Isa pa, hindi rin naman din niya mabubuksan iyon. Naka-combination lock ang nasabing kahon. Mahirap manghula at baka tirik na ang mata ng kaniyang ina, hindi niya pa iyon nabubuksan.
Puwera na lang kung sisirain niya ang kahon. Mukhang hindi naman mahirap gawin dahil hindi ganoon kakapal ang kahoy na ginamit.
Pero, hindi!
Mabilis na tumayo si Ashreen at kung ano-ano na kasi ang naiisip niya. Isinara na muna niya ang pinto bago binalak na pumasok sa banyo. Kanina pa nga pala siya nasi-C.R.
Sinasara ni Ashreen ang zipper ng pantalon nang mapatinging muli sa donation box. Nakaharap sa kaniya ang mukha ng babaeng tanging mata lang ang nakikita. Iniiwas niya ang paningin dahil naalala na naman niya ang babaeng napanaginipan. Pero, unti-unti pa rin ang ginagawa niyang paglapit dito at napapakagat-labi sa naiisip na maaaring gawin kung sakali.
Tutal naman, sarado na ang opisina nila at may kaso pa. Baka nga nagtatago na ang may-ari niyon at ilang empleyado. Walang nakakaalam ng kaniyang tinitirhan kahit ang mga katrabaho niya pa. Malamang, kung sino man ang may-ari ng donation box na iyon ay iisipin na nawala at hindi na maibabalik pa sa kanila ang kahon. Nabalitaan naman siguro nila ang nangyari roon sa MRT. At hindi naman nila alam na ganoon karami ang perang naihulog. Iisipin nila na barya lang siguro at hindi na nila pagkakabalahang hanapin pa.
Sana nga, ganoon na lang.
Huminga nang malalim si Ashreen bago naupong muli sa stool kanina. Nakapikit na hinawakan nang mahigpit ang magkabilaang gilid ng kahon.
Bahala na.
Donation Box
jhavril
2016
BINABASA MO ANG
Donation Box
HorrorAangkinin mo ba ang isang bagay na hindi naman talaga sa 'yo? Kahit pa ito ang magsasalba sa iyong problema? Paano kung kakaiba ang nakuha mo? At maaaring bumalik ang iyong maling ginawa sa... Donation box!