DB 3

2.6K 143 14
                                    

Sapo ni Ashreen ang ulo habang tumatakbong papasok ng isang kilalang hospital. Kanina, halos alas kuwatro na ng hapon siya nakauwi. Hindi siya makalabas ng banyo dahil sa takot. Naririnig niya ang pagkakagulo ng mga tao, pero hindi niya ninais na lumabas. Kahit pa, nang mawala na iyong tuluyan at imbestigador na lang ang nalabasan niya. Inayos muna niya ang sarili dahil hindi niya nais na ma-interview kung sakali man. Ayaw niyang masangkot sa anumang gulo, mahirap ang ganoon. Nakisabay siya sa mga taong nakikiusyoso saka tumalilis ng alis. At pagdating nga sa bahay, nalaman niyang isinugod sa hospital ang ina, tatlong oras na ang nakalipas. Hindi siya makontak dahil wala siyang cellphone. Tumakas daw ito nang alis at bumili ng gin habang busy ang dalagitang bantay nito sa kaka-text. At nang bumalik ay lango na at bigla na lang bumagsak. Buti at nasa loob na ng bahay at hindi sa daan nawalan ito ng malay.

"Miss, Lilibeth Prieto?" hinihingal na tanong niya sa nurse na nasa station. Saglit na sinulyapan siya nito at ginalaw-galaw ang mouse na hawak bago walang kangiti-ngiting sinabi nito ang room ng ina. Hindi na niya nagawang makapagpasalamat at tinakbo na ni Ashreen ang second floor na kuwarto nito.

May kamahalan sa nasabing hospital. Hindi naman niya masisisi ang mga nagdala sa ina dahil iyon lang ang pinakamalapit na maaaring pagdalhan dito. Semi-private naman ang naturang pagamutan. Puwede kahit hindi mag-down di gaya ng policy sa ibang ganitong hospital. At kahit hulog-hulugan ay ayos lang, basta ba siguradong mababayaran. Ang problema niya ngayon ay pambayad.

Itinulak ni Ashreen ang kulay puting pinto at sumilip sa loob. Dalawang kama ang naroon na nasa kaliwang bahagi ng kuwarto. Nasa dulong bahagi ang kinalalagyan ng ina. Napasulyap siya sa unang pasyenteng madaraanan. Isang matandang babaeng nakapikit na may kung ano-anong nakakabit na tubo ang nasa katawan nito. Marahil ay comatose na iyon, ayon na rin sa nakikita niyang kalagayan nito. Walang bantay ang matanda.

Nilagpasan na niya at dumiretso sa ina. Isang kurtinang puti lang ang nasa pagitan ng kama at ng matanda sa kabila. Isang nurse ang naabutan niyang nag-aayos ng kinasasabitan ng dextrose.

"Miss, anong lagay ni inay?"

Napalingon ito sa gawi niya. Matangkad lang siya rito ng ilang pulgada.

"Ikaw ba si Ashreen?" Tumango-tango siya habang palapit sa paanan ng ina. "Kanina kasi nagising siya at hinahanap ka. Mamaya iikot si dok, ipapaliwanag niya. Pero, ayos lang naman siya." Nakangiting turan nito bago nagpaalam na lalabas na. Halos sabay pa silang tumango sa isa't isa bilang tugon.

Malungkot na binalikan ni Ashreen nang tingin ang ina habang marahang lumalapit dito. Naupo siya sa upuang naroon at hinawakan ang yayat nitong kamay bago humilig sa gilid ng kama paharap sa ina. Mayamaya pa, umungol ito at bumiling-biling nang marahan ang ulo. Napatayo si Ashreen at agad na pinunasan ang hindi namalayang tumulo na pala niyang luha sa pisngi.

"'Nay..."

Malungkot na ngumiti ang ina ni Ashreen.  Hinaplos naman niya ang buhok ng huli.

"Gusto ko nang umuwi. Mahal dito at wala tayong pambayad."

"Hindi ko pa nakakausap ang doktor, 'nay. At mukhang kailangan mong matingnan ng maigi." Namumutla pa kasi ito at itago man nito, nanghihina pa rin ang kaniyang katawan.

Pilit na ngiti man ang sumilay kay Ashreen, inaalala niya pa rin naman kung saan niya ba kukunin ang pambayad dito.

Bahala na.

Napalingon siya sa pinto nang bumukas iyon at isang nakasimangot na may edad na babae ang pumasok. Naka-long sleeves itong puti at slacks na itim, at flat sandals na gayon din ang kulay. Salubong ang kilay ng babaeng morena pero may katangkaran. Hindi man lang siya nito sinulyapan at dumiretso ito sa paanan ng kama ng matanda. Kita niya ang lahat dahil ang kurtinang puti ay nasa dulong uluhan pa. Kita niya rin ang kalahating bahagi ng matanda pababa.

Nagkibit-balikat na lang si Ashreen at ibinaling muli ang atensiyon sa ina na mukhang napasulyap rin sa gawi ng babae kanina.

"Gusto mo palang kumain, 'nay?"

Parang nahihiya pa itong tumango.

"Bili lang ako sa labas." Agad na tumalikod si Ashreen sa ina at nagmamadaling palabas na sana ng pinto, nang bigla iyong bumukas. Isang lalaki naman ang pumasok dito at salubong din ang kilay nito na dumiretso iyon sa kinaroroonan ng babae na nanatili sa puwesto niya kanina.

"Anong nangyari?!" galit na hinawakan nito ang braso ng babae at gigil na hinila papunta sa kanang bahagi ng matanda, paharap sa kaniya.

Hindi naman kababakasan ng takot ang babae, bagkus ay matalim din nitong tinitigan ang nasabing lalaki. At hindi inaasahan ni Ashreen ang ginawang pagbaling ng babae sa kaniya. Na sinundan nang nalilisik na tingin ng lalaki na lumingon din sa gawi niya.

Natatarantang iniabot ni Ashreen ang seradura at nagmamadaling binuksan iyon at walang lingong-likod na lumabas. Sapo pa niya ang dibdib habang naglalakad dahil kinabahan siya sa paraan nang pagkakatingin ng mga ito sa kaniya.

Parang nakakapangilabot na hindi niya maintindihan.

Donation Box
jhavril
2016

Ito na muna!  Hahaha... Sa susunod naman ang iba

Donation BoxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon