Shout-out sa nagpapa-mention: @sam_joy_05 and @NeverBeOrdinary
misskunehoNapapatakip sa bibig si Ashreen at pigil ang iyak nang dalhin ang ina sa emergency room. Patuloy pa rin ito sa pangingisay kaya idiniretso na iyon doon. Pabalik-balik siya sa harap ng emergency room at napapasilip sa maliit na salaming nasa pinto, kahit pa wala naman siyang maaninag dahil sa kurtina.
Pamaya-maya rin ang upo at tayo niya. Halos hindi na niya napansin na tatlong oras na pala ang nakalipas at paulit-ulit lang ang kaniyang ginagawa. Nang sa wakas ay lumabas na rin ang doktor na tumingin sa ina.
"Dok?"
Nakangiting tinanggal ng doktor ang mask sa bibig bago tumango kay Ashreen. "Stable na ang lagay niya. Inatake lang naman siya pero inaalam pa namin kung anong sanhi dahil wala naman siyang epilepsy."
Alanganing tumango si Ashreen kahit pa nang sabihin ng doktor na mayamaya rin ay ibabalik na ang ina sa kuwarto nito.
Pabalik na siya ng kuwarto ng ina nang sulyapan ang relong nasa bisig. Alas onse y media na pala ng gabi. Tahimik ang pasilyo ng hospital at tanging panaka-nakang ingay ng mga aircon sa paligid ang maririnig. Hindi na sana nais ni Ashreen na bumalik sa loob, pero aayusin niya ang hihigaan ng ina mamaya. Nakauwi na kasi ang nakatokang maglinis.
Isang malakas na paghinga ang kaniyang ginawa bago hinawakan ang seradura at pinihit. Marahan niya ring binuksan iyon at sumilip muna sa loob. Walang taong naroon bukod na naman sa matanda. Medyo nakahinga nang maluwag si Ashreen bago tuluyang pumasok at isinara ang pinto. Inilinga-linga rin niya ang paningin at nasisilip niya rin ang loob ng bukas na banyo, pero walang indikasyong may tao sa paligid bukod sa kanila. Medyo nakampante na ang kaniyang pakiramdam bago napapailing. Mukha siyang praning ng wala namang dahilan. Napasulyap siya sa matandang nanatiling comatose. Rinig din sa paligid ang tunog ng aparatong nakakabit dito pati na rin ang mahinang tunog ng aircon.
Binilisan na niya ang pagtungo sa kama ng ina. Tinanggal na muna niya ang ilang kalat na nasa maliit na lamesa at itinapon sa basurahang malapit sa pinto. Pabalik na ulit siya para ang kama naman ang ayusin, nang mapasulyap siya sa banyo, para kasing may taong dumaan? Rinig niya pa ang pagbukas-sara ng isang cubicle.
Napakunot-noo si Ashreen, may tao?
Nagkibit-balikat na lang si Ashreen at baka ang babae o 'yung lalaking bantay iyon. Sa naisip ay minadali na lang niya ang pag-aayos ng hihigaan ng ina at nang makalabas na siya. Baka mamaya kapag nakita siya ng mga ito ay sitahin na naman ang tungkol sa donation box. Aabangan na lang niya ang ina sa labas ng emergency room.
Tapos na niyang ayusin ang kama nang makarinig ng pag-flush. Hindi maintindihan ni Ashreen kung bakit bigla siyang nataranta na baka maabutan siya ng bantay ng matanda, kaya agad siyang sumampa sa kama at nagkunwaring tulog. Marahil, guilty siya dahil talaga namang nasa kaniya ang kahon. Namaluktot siya sa gawing kaliwa. Kinuha niya ang isang unan at itinakip sa mukha. Pigil rin ang ginawa niyang paghinga at paggalaw.
Rinig niya ang paglalakad ng kung sino mang iyon pero nanatili si Ashreen sa posisyong aakalain mong natutulog nga siya. Nakikiramdam siya sa paligid na kung lalabas na ang taong iyon ay saka siya lalabas na rin. Panalangin niyang sana nga, huwag nang mag-stay iyon muna sa loob.
Papalayo ang mga yabag at medyo nakakahinga na siya nang maluwag. Pero, wala siyang narinig na pagbukas at pagsara ng pinto. Umiingit din kasi iyon kung bubuksan man. Baka tuluyang nagbantay na iyon sa matanda.
Naiinis na marahang sumilip si Ashreen sa pamamagitan nang pag-angat ng bahagya sa unan. Tatanggaling na sana niya nang tuluyan nang makarinig muli nang yabag na parang papalapit sa gawi niya. Mahigpit na niyakap na lang ni Ashreen ang unan at nakiramdam muli kung saan ba patungo iyon. May kabigatan ang bawat hakbang kaya naririnig naman niya.
Sigurado siyang palapit sa gawi niya iyon. Pumikit nang mariin si Ashreen at pinilit na hindi gumalaw. Ilang saglit pa at wala na siyang yabag na naririnig. Hindi niya rin alam kung saan ba tumigil iyon. Lakas-loob na marahang iniangat muli ni Ashreen ang unan para silipin kung saan iyon nagtungo. Napamura siya sa isip nang magulat dahil nasa harap niya mismo ang mga paang hinahanap. Gaya iyon ng paang nakita niya sa labas ng banyo sa kanilang bahay! Marumi ang paang nakayapak na pambabae. Palapit iyon sa kaniya at pigil ni Ashreen ang paghinga. Napapaiyak na rin siya habang may butil na ng pawis ang kaniyang noo at pati ata buong katawan niya.
Gayon na lamang ang ginawa niyang pagbalikwas nang maramdamang may malamig na kamay ang biglang humawak sa kaniyang kanang paa. Walang sapin iyon kaya ramdam niya ang kalamigan na dumampi rito.
Pero, wala siyang nakita!
Gulat na nagpalinga-linga si Ashreen, pero walang tao roon. Napapasabunot sa sariling buhok si Ashreen at tagaktak na rin ang pawis niya sa noo. Nakita niyang may paa kanina! Napasulyap siya sa kanang paa at gayon na lang nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang may bakas ng putik doon na hugis kamay.
Halos mahulog si Ashreen sa pagmamadaling makababa sa may kataasang hospital bed. Natapilok siya ng pabigla siyang bumaba na naging sanhi nang pagkakasalampak niya sa sahig. Ramdam niyang parang may naipit na ugat roon. Namimilipit sa sakit na hinawakan niya ang nasaktang paa. Pinilit niyang tumayo pero hindi niya kaya. Kumikirot kapag iginagalaw niya. Humawak siya nang mahigpit sa bandang bakal ng kama at muli, pinilit niyang tumayo.
Inalalay niya ang isang paa, at marahang hinila ang nasaktang kabila. Napapangiwi si Ashreen at kahit pa pilit na hindi iniinda ang sakit, pinilit niyang humakbang kahit paika-ika. Nakahawak pa rin siya sa bakal sa bandang dulo ng kama nang may humawak sa kaniyang kanang balikat. Dahilan para pabigla siyang napalingon at sa gulat ay napasalampak muli sa sahig. Napasigaw na sa sakit si Ashreen nang mabalikong muli ang paang natapilok kanina. Pero mas lalo niyang ninais na sumigaw na nang tulong nang makita kung sino ang nasa kaniyang harapan.
Ang matandang nasa kama! Napapaatras si Ashreen habang patuloy sa marahang paglapit sa kaniya ang matanda. Walang emosyon ang maputlang mukha nitong kulubot at namumulang mga mata. May tumutulong malapot na laway sa kanang gilid ng labi nito. Napalingon sa gawi ng kama ng matanda si Ashreen at blangko nga ang higaan nito.
At hindi niya inasahan ang sunod nitong ginawa nang muli siyang mapatingin sa gawi ng matanda, bigla siyang dinamba ng maugat nitong mga kamay at sinakal. Sobrang lakas nito na kahit anong gawin niyang pagpipilit na tanggalin ay hindi niya kaya. Napakalamig ng katawan nito na halos nakadagan na sa kaniya habang nanlilisik ang mga mata. Napapahiga na si Ashreen sa malamig na semento at patuloy pa ring nakikipaglaban sa matandang halos kaunti na lang ang layo sa kaniyang mukha.
Nakanganga si Ashreen dahil sumasagap siya ng hangin. Ramdam na niya ang kahigpitan nang kamay na nakasakal sa kaniya. At nang bago maramdaman niyang parang tuluyan na siyang malalagutan ng hininga, isang itim na malapot na laway ang diretsong iniluwa ng matanda patungo sa nakabukang labi ng dalaga.
Donation Box
jhavril
2016
BINABASA MO ANG
Donation Box
HorrorAangkinin mo ba ang isang bagay na hindi naman talaga sa 'yo? Kahit pa ito ang magsasalba sa iyong problema? Paano kung kakaiba ang nakuha mo? At maaaring bumalik ang iyong maling ginawa sa... Donation box!