Nasa bahay na si Ashreen pero hindi pa rin mawala ang gumugulo sa kaniyang isipan. Partikular na ang mga nangyayaring hindi niya alam kung may katotohanan ba o gawa ng sobra niyang pag-iisip.
Hapong-hapong hinanap niya ang donation box. Iniwan niya kasi rito ang natitirang pera. Balak niyang kunin na lahat dahil bukas na bukas din ay lalabas na ang ina. Baka hulog-hulugan na lang niya ang kulang. Gusto man niyang balikan ang dating trabaho, baka hanapin sa kaniya ang kahon. At sa pagkakaalam niya, hindi pa rin naman nagbubukas iyon. Mag-aaplay na lang siguro siya muna sa iba.
Nanghihina na rin siya dahil kape lang ang tanging lumaman sa kaniyang sikmura sa vendo machine ng hospital. Kinuha niya mula sa loob ng lumang kabinet ang donation box, sa pagitan ng mga damit niya inilagay, bago umupo sa lapag ng kuwarto at binuksan ito.
Dalawampu't tatlong libo na lang pala talaga. Kung susumahin ang lahat nang babayaran sa hospital ay sadyang kulang. Gagawa na lang siguro siya ng sulat para sa kaukulang kulang na bayad.
Kinuha na niya lahat ng pera sa kahon. Pagkatapos isara, pinagmasdan niya ito. Inikot-ikot at muli ay napatingin sa litratong naroon.
Ano kaya ang gagawin niya sa kahon? Masiyadong creepy ang pagkakadisenyo, kaya malamang ay itapon na lang siguro niya iyon. Baka makita pa ito ng ina pagkauwi kinabukasan.
Naghagilap ng plastik na maaaring paglagyan si Ashreen. Nang makakita ay agad na ipinasok iyon sa loob. Inilagay niya muna sa lapag malapit sa pinto bago kinuha ang tuwalya sa sabitan at pamalit na damit.
Maliligo na muna siya at magpapahinga ng kaunti bago bumalik muli ng hospital.
Bubuksan na sana ni Ashreen ang pinto ng banyo nang matigilan. Napapikit siya at mabilis din namang nagmulat ng mata. Pero, marahan ang ginawang paglingon pakanan.
Para kasing may nahagip ang kaniyang paningin sa may bandang sala. Parang may taong nakaupo kasi sa pang-isahang upuan na nakatalikod sa gawi niya.
Pero nang lingunin niya nga, wala naman siyang nakita.
Napapailing na medyo nakahinga nang maluwag si Ashreen bago hinawi ang kurtinang hindi na malaman ang orihinal na kulay dahil sa tagal na hindi nalalabhan. May kaliitan ang banyo na tanging isang balde, tabo at toilet bowl ang laman. Isinabit niya sa pako ang tuwalya at nagsimulang magbuhos. Walang pinto ang banyo at ang pinto nila papasok ay madaling mabuksan kahit pa naka-lock. Mabuti na iyong nakadamit pa siya kung sakaling may pumasok na masasamang-loob.
Nagsisimula na siyang mag-shampoo nang gumalaw ang kurtinang nasa harapan. Napahinto ang kamay niyang nagkukusot sa ulo nang muling mas malakas ang ginawa nitong paggalaw. Sarado ang pinto at ang nag-iisa nilang bintana kaya imposibleng may hangin na nakapasok. Wala ring electricfan sa sala.
Saglit na nakiramdam si Ashreen, kahit pa sobrang tumataas na naman ang balahibo niya hindi dahil sa lamig, kung hindi sa kilabot, ay tiningnan niya pa rin ito.
Nang tumigil naman sa paggalaw ang kurtina, agad na pinagpatuloy na ni Ashreen ang paliligo. Mas minadali niya habang nanatiling nakatingin sa kurtina ng banyo. Nakaangat nang isang dangkal ang dulo nito mula sa sahig at aninag din ng bahagya ang bandang sala.
Nakahinga siya nang maluwag ng hindi na naman naulit ang kusang paggalaw nito. Nakatigil na iyong tuluyan.
Nagsisimula na siyang magpalit ng damit nang matigilan. May parang palapit sa kaniya. Rinig ang bawat hakbang ng sino mang iyon dahil sa langitngit ng lumang kahoy na sahig.
Palapit nang palapit na hindi na siya halos humihinga sa paghihintay.
"Si-sino 'yan?" May kalakasang saad niya kahit hindi naman niya narinig na bumukas ang pinto. Umiingit kasi iyon kahit pa anong bagal mong buksan. Pero walang ganoong nangyari. Hindi naman maaaring s bintana dahil bukod sa sarado nga iyon ay may rehas pa.
Naghagilap nang maaaring ipanglaban si Ashreen sa loob ng banyo. Mabuti na iyong lumaban siya kahit pa nanginginig na siya. Itinapi niya ang tuwalya sa katawan at iniabot ang tabo bago mahigpit na hinawakan sa kanan. Iniamba niya ito sa pinto ng banyo at nanlalaki ang mga matang naghintay.
Muntik na siyang mapasigaw nang lumapat ang kamay nito sa gitnang bahagi ng kurtina at bahagya nitong hinawakan iyon. Kita rin sa ilalim ng kurtina ang maruming paa nito na pambabae. Kaya may tao nga!
Matapang na hinawi ni Ashreen ang kurtina at walang pagdadalawang-isip na pinukpok nang hawak na tabo ang hindi kilalang taong naroon.
Pero walang tao siyang nakita.
***
Humahangos na agad na binuksan ni Ashreen ang pinto ng kuwarto kung saan naroon ang ina. Agad siyang pumasok at lalapitan na sana ang kama nito nang biglang may humawak nang mahigpit sa kaniyang braso. Bago pa man siya makapiyok ay naisara na ng babae ang pinto at nai-lock bago siya hinila malapit sa kama ng matanda."Ikaw ba ito?" Nalilitong sinulyapan ni Ashreen ang litratong pilit na inginungudngod nito sa kaniyang pagmumukha. Bahagayang inilayo naman nito iyon at bago pa man niya pabulaanan na siya nga ang babaeng iyon, halos mapaigik na siya sa higpit nang paghawak na ginawa nito sa kaniyang braso. "Ikaw ito! Nasaan ang donation box?" naniningkit ang mga matang saad ng babaeng ilang ulit na rin naman niyang nakitang nagbabantay sa matanda.
Napatda man sa narinig, hindi nagpahalatang nagulat si Ashreen. Patay siya kapag umamin siya dahil wala nang natirang pera. Ipinambayad na niya lahat para makalabas ang ina kahit paano. Medyo malabo naman ang litrato dahil malayuan ang kuha niyon. Pare-pareho naman ang damit nila at nakatali ang buhok niya roon samantalang nakalugay ang buhok niyang hanggang bewang ngayon.
"Ano bang pinagsasabi mo? Hindi ako 'yan! At puwede ba?" Ipiniksi ni Ashreen ang kamay na nakahawak sa kaniyang braso bago pagalit na tiningnan ng masama ang babaeng nakatikom na ang bibig sa inis. "'Yung nanay ko, kailangan ako. Kung anuman ang problema mo sa babaeng kung sino man 'yan, wala akong alam dahil hindi ako 'yan!" Tinalikuran ni Ashreen ang babaeng biglang ngumisi nang mapang-uyam habang matalim na nakatingin sa kaniyang likuran.
"Magsinungaling ka man, hindi ka matatahimik. Kung ako sa 'yo, ibalik mo na lang. Sa 'yo na ang pera, wala kaming paki roon, ang kailangan namin ay 'yung kahon."
Saglit na natigilan si Ashreen bago huminga nang malalim. Ramdam niyang nasa likuran niya lang ang babaeng may katangkaran sa kaniya, pero napalunok na lang siya at dumiretso na sa ina. Paninindigan na niya ang pagsisinungaling. Dahil baka kaya sinasabi nito na wala silang pakialam sa pera ay para magsabi siya ng totoo. Pagkatapos ay kukuhain din naman pala ang pera.
Tulog ang ina nang datnan ni Ashreen. Nakatihaya ito at parang himbing na himbing ang tulog. Mayamaya na lang niya ito gigisingin para makapag-ayos at nang makaalis na sila. Inaayos na niya ang upuan para magpahinga saglit nang bumukas ang pinto. Napalingob siya roon at sunud-sunod na pumasok ang halos anim na tao kasama ang lalaking laging kasama ng babaeng nauna. Pare-parehong matatalim ang tingin ng mga ito sa kaniya. Nagdala nang kilabot iyon kay Ashree pero hindi niya binigyan ng pansin. Halos lahat sila ay nakaputi, mula pang-itaas hanggang sa sapin sa paa.
Itinalikod na lang niya ang upuan sa mga ito at paupo na sana nang mapasinghap si Ashreen. Gising na ang ina at malawak itong nakangiti sa kaniya habang nanlalaki ang mga mata. Parang may kakaiba rito dahil hindi man lang ito gumalaw, puwera ang nakapaling na ulo paharap sa kaniya. Nanatili kasi ang ayos nito noong abutan niyang natutulog kanina. Ang kaibahan na lang ay nakangiti ito at titig na titig sa kaniya ang naglalakihan nitong mga mata.
"'Nay, ayos ka lang ba?" Hahawakan sana ni Ashreen ang braso nito nang magulat dahil bigla itong nagpapalag. Tumirik ang mata nito habang tuwid ang katawang nangisay-kisay. Halos napatulala si Ashreen sa nakikitang nangyayari sa ina. Rinig ang ingit ng kamang kinahihigaan nito dahil sa matinding paggalaw ng katawan.
Natatarantang tumalikod si Ashreen para tawagin ang doktor, pero napatda siya sa nakita. Ang mga taong naroon ay halos lahat nakatingin sa kaniyang ina at bumubuka-buka ang mga bibig ng mga ito pero hindi niya marinig ang sinasabi. Parang umuusal ang mga ito ng kung ano na sabay-sabay ang bibig nila sa pagbigkas. At lahat sila ay nasa gawi ng ina nga nakaharap.
Nais man niyang tanungin ang mga ito ay hindi na lang pinansin ni Ashreen. Mas kailangan ng doktor ng ina, lalo pa tunguhin niya ang pinto ay rinig pa rin ang lagatak ng kama nito, indikasyong patuloy pa rin itong nangingisay.
Donation Box
jhavril
2016
BINABASA MO ANG
Donation Box
HorrorAangkinin mo ba ang isang bagay na hindi naman talaga sa 'yo? Kahit pa ito ang magsasalba sa iyong problema? Paano kung kakaiba ang nakuha mo? At maaaring bumalik ang iyong maling ginawa sa... Donation box!