Hindi makatingin sa kaniyang ina si Ashreen nang tanungin siya nito kung saan siya kumuha ng pera. Alam kasi ng ina na wala naman siyang ipon at kakarampot lang naman din ang sinasahod niya. Sinabi na lang niya na nangutang siya sa opisina at may kalakihan din naman ang nakuha niyang sahod. Mukhang naniwala naman ito dahil hindi na muling nag-usisa pa. Kumagat muna siya sa burger na nabili niya sa labas ng hospital bago sinubuan ng kanin at ulam ang ina. Mahal kasi ang bilihin sa canteen ng nasabing hospital. Kailangan niyang magtipid. Baka nga, hanggang hapunan na niya iyon at puro tubig na lang din ang ilalaman niya. Sanay naman siyang nalilipasan ng gutom kahit noon pa man.
Nakakatatlong subo pa lang ito nang umiling at iniabot ang bote ng mineral water at doon lumagok.
"Kailangan n'yo pong kumain ng marami."
"Busog na ako. Itabi mo riyan at mamaya ay kakainin ko." Ininom nito ang gamot na iniabot niya. Dalawang klase ng gamot iyon na iinumin nito kada anim na oras. Iba pa ang mga dalawang naunang maintenance nitong gamot na tatlong beses naman kada araw. Lahat ay may kamahalan.
Inubos ni Ashreen ang burger at tumayo habang lumalagok sa sariling bote ng tubig. Kinuha niya ang plastik na pinaglagyan ng stryrofoam ng pagkain at ibinalik doon iyon bago inilagay sa ibabaw ng lamesang nasa kanan ng ina.
Nilamukos niya ang balat ng burger habang hinahagilap nang paningin ang basurahan. Nakita niya iyon malapit sa pinto. Agad niyang tinungo iyon at basta na lang itinapon ang balat. Pabalik na siya sa puwesto ng ina nang mapatingin sa matandang madaraanan. Nanatili ang posisyon nito nang huli niyang makita. At muli, wala iyong bantay.
Habang naglalakad ay tinititigan niya ito. Sobrang kulubot na ang balat nito at kita ang paghihirap sa kaniyang mukha. Nakanganga dahil may tubong nakapasak sa kaniyang labi na nakakonekta sa isang aparato na siyang nagsisilbing buhay nito.
Nagkibit-bilikat na lang si Ashreen at nakaramdam ng awa sa matanda dahil wala man lang nagbabantay rito. Kahit pa sabihing comatose na iyon, baka lang magkaroon ng emergency, iyon bang indikasyon na magigising na ito, walang makakatawag agad ng doktor.
Humikab si Ashreen. Kulang nga pala ang tulog niya. Pero, agad na ipinilig ang ulo at nag-inat na lang.
"Ma, labas lang ako, ha? Magpahinga po muna kayo. Puntahan ko lang 'yung doktor mo, baka puwede ka nang lumabas."
Tipid na ngumiti ang kaniyang ina. Bakas sa mukha nito ang pag-alala sa anak kung saan ba nito kukunin ang pambayad doon. Nais man niyang tanungin, alam niyang magsisinungaling ito at sasarilinin lang kung saan man nito kukunin ang pera. Ngayon siya nagsisisi kung bakit niya pa nagawa ang ganoon. Pangako, kapag gumaling siya, tutulungan na lang niya ang anak. Nakalimutan niyang mas kailangan pala siya ng anak ngayong wala na itong ama.
***
Nagbanyo muna si Ashreen. May sariling banyo ang kuwarto kaya 'yun na lang ang ginamit niya. Naghuhugas siya ng kamay habang nakatingin sa pahabang salamin na nasa kaniyang harapan. Tsinek niya ang ngipin at baka may mga sumingit sa kinain niya kanina at makikipag-usap pa siya sa doktor ng ina mamaya. Pinatay niya ang gripo at bahagyang inilapit ang mukha sa salamin. Tutok na tutok sa pagtanggal ng sumingit sa kaniyang ngipin gamit ang kuko nang makarinig ng hagikgik.Hagikgik ng babae!
Napalingon niya sa kanan, pero wala namang tao. Bukas ang dalawang pinto ng cubicle at nasisilip niya ang loob niyon kaya baka naulinigan lang niya.
Pinagpatuloy niya ang ginagawa at pagkatapos ay nagmumog, gamit ang sinahod na kamay sa gripo. Pagkabuga niya ng tubig, tsinek niyang muli at ibinuka pang maigi ang bibig para ma-tsek na rin niya ang loob niyon. Subalit, natigil sa ere ang kaniyang nakabukang bibig ng may makita sa kaniyang kanang tagiliran, gamit ang salamin sa harapan.
Ang babaeng nakatakip ang mukha!
Nais man niyang ituloy na lang sa sigaw iyon ay walang tinig na lumalabas sa kaniya. Nanatili lang iyong nakabuka nang malaki kasabay ng kaniyang naglalakihang mga mata habang hindi mapaknit ang pagkakatingin sa babaeng dalawang beses na rin naman niyang nakita. Pakiramdam niya ay tumigil sa pagtibok ang kaniyang puso at pati paghinga ay bahagya na rin niyang nagagawa.
Sino ba ang babaeng ito?
Unti-unting kumiling ang ulo nito sa kanan habang hindi rin inaalis ang pagkakatingin sa kaniya. Dire-diretsong bumababa ang pagkakakiling ng ulo nito habang nanatiling tuwid ang kaniyang katawan. Hanggang makarinig siya nang lagatok nang naputol na buto. Bago bumagsak ang ulo nito sa sahig, isang malakas na sigaw ang kaniyang nagawa.
Napabalikwas nang bangon si Ashreen nang gisingin ng ina. Napasinghap pa siya habang nagtatakang nakatingin sa kaniya ang inang agad na iniabot ang bote ng mineral water.
"Sabi ko naman sa 'yo, huwag kang matutulog pagkatapos kumain. Hayan, binangungot ka."
Pinunasan ni Ashreen ang labi gamit ang likod ng kanang kamay bago pilit na ngumiti sa ina. Nakatulog pala siya. Napabuga pa siya ng hangin at kagyat na napalingon sa likuran nang makarinig ng anasan. May mga tao sa may paanan nang nakaratay na matanda; tatlong lalaki, kasama 'yung nakita niya kahapon at dalawang babae na nakapuwesto sa likuran ng mga ito. May isang babae sa kaliwang gilid ng kinahihigaan ng matanda. Nakilala niya ito kahit pa nakatalikod, ang babaeng kausap no'ng lalaki kahapon nga. Hindi kasi nakatabing ang puting kurtina, kaya kita niya ang mga ito. Halos magkakasing edad lang ata sila.
Napatayo si Ashreen at uminat, tuluyan na siyang humarap sa mga ito. Sobrang inaantok pala talaga siya. Nanatili siyang nakatingin sa mga taong nasa unahan na pawang mga nakaputi at nakayuko. Ipinagdarasal ba nila ang matanda?
Napaigtad si Ashreen nang sabay-sabay na napalingon sa gawi niya ang mga ito, halos lahat sila. Nanlilisik ang mga mata at tikom ang labi. Parang galit dahil nahuli siyang nakatingin sa kanilang ginagawa. Agad na hinila ng babaeng malapit sa kurtina ang tabing na puting tela at tuluyang isinara para matakpan sila.
Napasimangot si Ashreen. Parang ang weird naman ng mga ito. Nakatingin lang siya ay nagalit na?
Nagpaalam na siya sa ina na lalabas na muna para puntahan ang doktor nito. Tango lang ang itinugon nito bago pumikit.
Hindi na muling sinulyapan ni Ashreen ang mga taong pakiramdam niya ay sinusundan siya nang tingin hanggang makalabas siya ng pinto.
Donation Box
jhavril
2016
BINABASA MO ANG
Donation Box
HorrorAangkinin mo ba ang isang bagay na hindi naman talaga sa 'yo? Kahit pa ito ang magsasalba sa iyong problema? Paano kung kakaiba ang nakuha mo? At maaaring bumalik ang iyong maling ginawa sa... Donation box!