UNANG PAGKAKAMALI: PREMARITAL SEX

1.3K 26 11
                                    

Pumunta ka sa likod ng Bichara mamayang alas-tres. Doon tayo magkita. Magsuot ka ng maganda. Ide-deyt kita.

–P

LIHIM na napangiti si Pablo matapos isulat ang isang maikling liham sa pinilas na papel. Nais niya muling makita ang mayuming ngiti ni Lea. At alam niyang isa itong ginagawa niya sa magiging rason para mamalas ulit iyon. Matagal-tagal na rin mula nang huli silang nag-deyt. Masyado silang naging abala dahil pareho na sila gradweyting sa hayskul.

Ang huling alaala niya pa nga kay Lea ay iyong nahalikan niya ito sa labi imbis na sa pisngi. Pareho silang namula noon. Hindi niya maitatangging kinilig siya. Iyon ang unang halik nila. Mabilis lang, hindi gaanong madiin. Hindi katulad ng mga napapanood niya sa mga teleseryeng paborito ng kanyang lola. Pero ang epekto, ilang araw siyang parang timang kung ngumiti. Ilang beses din siyang nasita ng kanyang Lola Mensing dahil sa pagngiting iyon.

Tumayo na siya mula sa papag na inuupuan at kinuha mula sa ilalim ng damitan ang isang mahabang kawayan. Nakaukit sa katawan nito ang tatlong letrang nakaukit na rin sa puso niya.

LEA

Kumalansing ito nang bahagya niyang yugyugin ang laman. Mabigat na at hindi na gaanong matunog. Lumawak ang ngiti niya. Mukhang marami-rami na rin ang naipon niya. Walang ano-ano ay biniyak niya na ito gamit ang sundang at bumulwak sa kanyang papag ang mangilan-ngilang isandaang papel, beynte, at barya. Napakaraming barya. Tuwing uuwi kasi siya sa bahay, nakaugalian niya nang ihulog ang natirang pera sa kawayang alkansya. Isa-isa niyang hiniwalay ang perang papel base sa halaga nito. Binilang niya rin kung ilan ang barya at laking tuwa niya nang mapag-alamang umabot sa isang libo at isang daang may butal na beynte tres ang ipon niya. Inilagay niyang lahat iyon sa isang supot at pangiti-ngiting iniwan sa loob ng bag. Kailangan niya pang maligo dahil may pasok pa siya nang alas-siete y medya.

RECESS na nang makita ni Pablo si Lea na naglalakad kasama ang mga kaibigan nito. Napakaganda talaga nito kahit lumang-luma na ang suot na uniporme. Idagdag pa ang ngiti nitong ubod nang tamis. Gusto niya sana itong lapitan ngunit pinigilan niya ang sarili dahil alam niyang mas lalo lang gugulo ang lahat kung ipaaalam niya sa lahat kung ano ang mayroon sila ni Lea.

Kahit walong buwan na rin buhat nang ibigay ng dalaga ang matamis na oo nito, hindi niya pa rin magawang ipagsigawan sa mundo ang pagmamahalan nila. Bawal pa raw kasing magsyota ang mahal niya. Kaya pinagkasya niya na lamang ang sarili sa pasulyap-sulyap at pagnakaw ng kaunting oras, makasama lang ang dalaga.

Akmang maglalakad na sana siya para lumapit kay Lea at ilagay sa dala nitong bag ang liham niya nang biglang dumating si Rufo—ang kaklase niyang varsity player. Medyo mahangin dahil MVP ng huling basketball game nito kalaban ang isa pang national highschool. Hindi sana niya iintindihin ito ngunit uminit na lamang ang ulo niya nang biglang dakmain ng ulupong ang puwit ni Lea.

Dinig na dinig niya ang sigaw ni Lea. Halatang hindi nito nagustuhan ang kabastusan ni Rufo.

Sa sobrang inis, hindi na siya nakapag-isip. Dali-dali niyang binigwasan si Rufo kahit pihong mas matangkad ito sa kanya. Itinulak niya ito nang buong puwersa hanggang sa mabuwal si Rufo sa pagkakatayo. Hindi niya sinayang ang pagkakataon. Pinaulanan niya ito ng mga suntok. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang ipaghiganti si Lea. Wala siyang pakialam kung ipatawag pa siya sa guidance office. Ilang dagok at suntok din ang nagawa niya nang pigilan siya ng mga guro at sekyu na naroon sa lugar—ngunit galit na galit si Pablo. Patuloy pa rin siya sa pagtadyak at sipa kay Rufo. Natigilan lamang siya nang marinig niya ang pagtawag ni Lea.

Ang Sampung Pagkakamali ni PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon