NATIGIL ang pag-alala ni Pablo sa nakaraan nang bigla niyang maulinigan ang mga nagsasalitang tao sa labas ng dampa. Dahil sa tumila na ang ulan ay dinig na dinig niya na ang bawat pangyayari kahit pa nasa labas ng bahay na iyon. Sa pagkabigla ay inabot niya sa ina ang sanggol.
"'Nay, tumakbo na kayo! Doon kayo lumabas sa likod, walang makakakita sa inyo d'on. Bilisan ninyo! Susunod ako!"
"Sumuko ka na lang kasi, Pablo . . ." pagmamakaawa pa ng matanda. Nakita niyang umiiyak at nanginginig na ito sa takot ngunit nagmatigas pa rin siya. Hindi niya na matitiis pang makulong nang ilan pang taon sa kulungang iyon.
Hindi niya pagbabayaran ang isang kasalanang hindi naman talaga dapat pagbayaran.
Marahas siyang umiling at hinanap ang bagay na makatutulong sa kanya para ipagtanggol ang sarili mula sa mga nanghuhuli sa kanya.
Namuo na ang pawis sa noo niya ngunit hindi pa rin siya tumigil hanggang sa makita ang hinahanap na nakasilid sa ilalim ng kabinet. Isang kalibre .45 baril na ibinigay sa kanya ng retiradong sundalong kapitbahay noong minsang pautangin niya ito ng pera. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran kaya hindi pa rin iyon nababawi sa kanya. Kahit papaano'y may lakas siyang nahugot mula sa maliit ngunit mabigat na bagay na iyon.
"Sumuko ka na, Durante!"
Narinig ni Pablo ang sigaw ng isa sa mga pulis. Napailing siya. Sumuko? Bakit siya susuko kung wala naman siyang dapat pagbayaran? Bakit siya susuko kung hindi naman niya talaga kasalanan na ganoon ang kinalabasan ng mga pangyayari sa nakaraan?
Isang tapik sa balikat ang nagpabalik kay Pablo sa kasalukuyan. Nang tingnan kung sino ito ay nakita niya ang inang lumuluha na. Hindi niya maintindihan kung bakit ipinakikita nito ngayon ang pag-iyak gayong dati nama'y madalas nitong itinatago ang nararamdaman gamit ang maskara ng pagpapanggap. Kailanma'y hindi niya nakitang umiyak ang ina—kahit noong namatay na ang kapatid niyang si Lea.
"Anak, sumuko ka na, tutulungan ka Niya . . ." Isang parisukat na bagay ang inaabot ng matanda ngunit hindi ito pinansin ni Pablo. Tinabig niya lamang ang ibinibigay ng ina. Nahulog ito sa sahig at hindi niya na pinansin pa.
"Hindi ko 'yan kailangan! Aanhin ko ba 'yan? Mapipigilan ba niyan ang mga bala?" Imbes na intindihin pa ang sinasabi ng ina ay tumingin na lang siya sa maliit na siwang ng bintana para makita ang mga pulis na nag-aabang sa labas. Dalawa lamang ang mga ito. Dalawang putok lang ng .45 niya'y magagawa niya na ulit tumakas.
Dadalhin niya na ang anak palayo sa lugar na iyon. Wala man ang mahal niyang si Lea ay pipilitin niyang maging masaya kasama ang bunga ng pagmamahalan nila. Tatakas ulit siya. Nagawa niya iyon noon. Imposibleng hindi niya magagawa iyon ngayon.
Buong-buo na sana ang plano ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, isang putok ang nagmula sa labas.
Halos mawalan si Pablo ng ulirat nang makita kung saan tumama ang bala ng baril. Parang isang malaking biro. Ang planong sana'y mabibigyang katuparan ay naglaho na lang bigla. Animo'y tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Pablo nang makita ang pagtama ng bala sa ulo ng inosenteng anak niya.
Dali-dali niya itong nilapitan ngunit isang putok na naman ng baril ang nanggaling sa labas. At walang ibang sumalo ng bala kundi si Pablo. Napahawak na lamang siya sa tinamaan ng bala at mapait na napangiti.
"Anak ko! Anak ko!" lumuluha niyang turan, pilit na nilalapitan ang anak na wala nang malay. Ang kaisa-isa niyang anak na hindi niya man lang pinadapuan sa lamok. Pilit niya itong nilalapitan kahit alam niya sa sariling halos mamatay-matay na rin siya dahil sa sobrang sakit ng tama ng bala sa kaliwang braso niya.
"Diyos ko po! Patnubayan N'yo po kami . . ." Narinig niyang dasal ng ina.
At saan naman sila hihingi ng tulong? Mas lalo lang siyang naiyak sa narinig mula sa ina. Wala nang pag-asa. Para saan pa't susuko siya ngayong wala na ang anak niya?
"'Nay, magtago ka sa banyo. Makikipagpatayan na 'ko. Ingatan mo ang sarili mo," walang kaabog-abog na utos niya habang masaganang umaagos ang mga luha mula sa kanyang mga mata.
Isang marahang halik sa noo at mahigpit na yakap muna ang iginawad niya sa anak bago tumayo. Sumasakit man ang kaliwang braso ay hindi iyon naging hadlang para ipagpatuloy niya ang plano.
Akmang bubuksan niya na sana ang pinto ng dampa para harapin ang mga pulis na nag-aabang nang bigla namang bumukas ang pintong iyon. Dahilan para tumilapon siya sa sahig dahil sa sobrang lakas ng puwersa.
Nasasaktan man ay muli siyang bumangon. Wala nang lugar para sumuko. Wala na siyang kinatatakutan. Wala na rin namang silbi ang lahat kung susuko pa siya. Kaagad siyang tumayo at kinuyom nang buong pwersa ang baril na tanging pinanghahawakan niya ngayon.
"Sumuko ka na lang kasi, Durante," utos sa kanya ng kalbuhing pulis. Napangiti nang mapakla si Pablo. Bakit pa siya susuko kung mas gugustuhin niya na lang ding mamatay?
"Sumuko? Pinatay n'yo na nga ang anak ko, susuko pa ba ako sa mga hayop na katulad ninyo?" Nanginginig ang mga tuhod na gumalaw si Pablo at itinutok sa kalbuhing pulis ang baril. Nakita niya ring itinutok naman ng kasamahang pulis ang baril nito sa kanya.
Ngunit ang mas nakapagtataka ay hindi man lang siya nakaramdam ng kahit ano mang kaba kahit dalawang baril pa ang nakatutok sa kanya.
Siguro nga'y wala na talaga siyang pakialam sa kahihinatnan ng sariling buhay.
Wala na rin namang mawawala.
Ilang segundo pa at tiim-bagang niyang kinalabit ang gatilyo ng baril at walang habas na pinatama ang bala sa kalbuhing pulis. Nakita niya ang paghandusay nito sa sahig. Alam niyang ilang segundo lang din ay may tatama ring bala sa kanya.
Maya-maya pa'y narinig niya na nga ang isang putok—animo'y isang musika sa pandinig niya. Tumama ito sa dibdib niya. Kitang-kita niya kung paanong umagos mula rito ang sariwang dugo.
Sa wakas.
Ngunit imbis na alalahanin ang sugat ay naidako niya ang tingin sa retratong nakasabit sa pader. Ang retrato ni Lea. Ilang saglit pa'y muli na namang pumasok sa kanyang gunita ang nangyari sa nakaraan na kailanma'y hinding-hindi niya makalilimutan. Hindi dahil ito'y isang masayang alaala kundi dahil gumuhit iyon ng malaking sugat sa puso niya.
Isang malakas na putok ng baril ang naging dahilan para manumbalik ang gunita ni Pablo sa kasalukuyan. Nang idako niya ang tingin sa dibdib ay doon niya napansing isa na namang tama ng bala ang tumama sa kanya. Hindi pa pala nakontento ang pulis sa unang pagpapaputok nito. Sa sobrang sakit na nadarama ay naipikit na lamang ni Pablo ang mga mata. At sa muling pagmulat niya'y nanlalabo na ang kanyang paningin.
Batid niyang ito na ang katapusan niya. Hindi na siya naghahangad ng kung ano pa man. Wala siyang ibang pinagsisisihan. Ni hindi niya pinagsisisihang minahal niya ang kapatid.
At sa bawat paghugot niya ng hininga ay naalala niya ang ibinibigay sa kanya ng ina. Pinilit niyang hanapin ito sa sahig at hindi naman siya nabigo. Nakita niya itong pakalat-kalat malapit sa kinahahandusayan niya.
Hirap man ay pinilit niya itong abutin. At nang mahawakan ang parisukat na bagay ay marahan niya itong idinikit sa kanyang dibdib.
"Mapapatawad Mo pa ba ako?" Iyon na lamang ang huling nasambit niya bago tuluyang malagutan ng hininga habang inaalala ang nakasulat sa unang pahina ng librong nakapatong sa dibdib niya.
Bibliya.
BINABASA MO ANG
Ang Sampung Pagkakamali ni Pablo
Ficción GeneralNagkamali siya. Nagkamali siya nang makailang beses. At dahil sa mga pagkakamaling 'yon, kahit baligtarin pa ang mundo at pilitin niya mang ibalik sa dati ang nasira na, hinding-hindi niya na magagawang ayusin pa ang lahat. #WW1