IKAWALONG PAGKAKAMALI: PAGPATAY

381 17 4
                                    

"PABLOOOOO!"

Ang kaninang galit at pagpupuyos ay napalitan ng pag-aalala nang marinig niya ang sigaw ng asawa. Malayo-layo pa man siya sa bahay ay alam niyang sigaw ng asawa niya ang narinig. Halos liparin niya na ang pagpasok sa bahay nila dahil doon. At halos maestatwa siya nang makita si Lea na nakahiga sa papag nila. Pawisan ito, habol-habol ang bawat paghinga.

"Pablo!"

Sa muling pagtawag ni Lea ay natauhan na si Pablo. Dali-dali niya itong nilapitan at hinawakan ang kamay. "Mahal, ano'ng nangyayari?"

"Manga . . . manganganak na yata ako—" nahihirapang sagot ng asawa.

Binalot si Pablo ng kaba. Hindi niya alam ang gagawin. Wala siyang ibang maisip kundi ang mataranta. "Ano—ano ba ang gagawin ko . . . ? Pablo, mag-isip ka!" Kung saan-saan siya dinadala ng paa. Sa kusina, sa labas ng bahay, hindi alam ang gagawin sa sobrang pagkataranta.

"Pablo, tawagin mo si Aling Mila . . ." Hindi niya naintindihan ang sinabi ng asawa. Kinakabahan siya. Nang tingnan niya ang asawa ay humahangos-hangos ito. Ngunit ang kaibahan, hindi ito natataranta, hindi katulad niya. Kalmado ang mukha nito kaya naman pinilit niya ring pakalmahin ang sarili.

Nang maproseso ang sinabi ni Lea ay saka lamang nangunot ang noo niya. "Si Aling Mila? Sa hilot? 'Di ba't napag-usapan na nating sa ospital ka manganganak?"

Hindi niya gustong ang kapitbahay nilang si Aling Mila ang magpaanak kay Lea. Una sa lahat ay maselan ang pagbubuntis ng asawa. Pangalawa ay usap-usapan na rin sa lugar na iyon na walang nabubuhay na sanggol sa tuwing si Aling Mila ang kumadrona.

"Kay Aling Mila na lang kasi. Nakausap ko na siya . . . Hindi niya kami pababayaan ni Hope . . ."

Umiling si Pablo. May pera pa naman siyang naipon para sa panganganak ng asawa. Magkakasya na siguro iyon. Maghahanap na lamang siya ng trabaho kapag nanganak na ang asawa. "Sa ospital ka manganganak, Lea. Ako ang masusunod."

Akmang kakargahin niya na ang buntis nang bigla itong humiyaw na para bang nasasaktan nang husto. "Hindi na ako aabot sa ospital. Trapik pa. Tawagin mo na si Aling Mila! Parang awa mo na!"

DALAWANG oras matapos niyang dalhin si Aling Mila sa kanilang munting bahay, hindi mapigilan ni Pablo ang maglakad nang pabalik-balik sa papag. Pinipigilan lamang siya ng ibang babaeng kapitbahay na naging malapit na rin kay Lea sa ilang buwan nilang pamamalagi sa Maynila.

"Dapat kasi, sa ospital na, e. Ang tigas ng ulo . . ." kinakabahang sambit niya. Napaupo na lamang siya sa isang sulok ng bahay, pilit na kinakalma ang sarili. Parang kani-kanina lang ay nasuntok niya ang doktor na pinagtatrabahuhan niya. Ngayon naman ay manganganak na ang asawa niya.

Para siyang tutang ulol. Ni hindi siya makahinga nang maayos sa tuwing maririnig niyang umiire si Lea.

"Iire mo pa. 'Wag kang sumigaw. Ire . . . Ganiyan nga," malakas na utos ng matandang kumadrona.

Narinig ni Pablo ang muling pag-ire ni Lea at parang baliw na sinasabayan niya rin ang pag-ire nito. Pinikit niya na lamang ang mga mata sa sobrang kaba. Hindi niya na alam ang gagawin. "Diyos ko po, ikaw na po ang bahala sa mag-ina ko," maluha-luha niyang sambit habang nakatingin sa krus na nabili nila sa may Baclaran nang minsan silang magsimba.

Ilang sandali pa'y isang malakas na pag-ire ang pinakawalan ni Lea. At kasabay ng pagmulat ng mata ni Pablo ay ang pag-iyak ng sanggol. Halos sumabog ang puso ni Pablo. Mabilis niyang tinungo si Lea, 'di alintana ang mga taong nakikitingin din sa panganganak ng asawa.

Nang makalapit ay walang pagsidlan ang tuwa niya nang makita ang asawang karga-karga ang isang maliit na anghel. Awtomatikong nangilid mula sa mga mata ni Pablo ang mga luha ng saya. Nangangatog man ang mga tuhod ay nakalapit siya sa asawa.

Ang Sampung Pagkakamali ni PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon