MADALING nagpatuloy ang buhay matapos ang pagpapagamot ni Lea. Nairaos niya ang lahat sa tulong ni Dr. Defeo. Isang gabing pagkakamali para sa isang bagay na hindi niya kayang ipagpalit—ang buhay ng mag-ina niya.
Walang alam si Lea sa ginawa ni Pablo. Wala na rin siyang pakialam kung sa paningin ng iba ay binababoy niya ang sarili. Unang beses pa lamang iyong ginawa ni Pablo sa tanang buhay niya: ang makipagniig sa kapwa lalaki, at hindi niya pinagsisisihang magsakripisyo para sa minamahal niya.
Nasa loob sila ng munting bahay, nakatingin sa mga bituin mula sa bintana. Habang tinitingnan niya si Lea na hinihimas-himas ang namumukol nitong tiyan, hindi niya napigilan ang pangingilid ng mga luha. Sa dami ng dinanas nila ni Lea, animo'y langit na ang makita itong maaliwalas pa rin ang mukha sa kabila ng lahat. Lumapit siya rito at yumakap.
"O, ano'ng problema, mahal ko?" nagtatakang turan ni Lea nang ipatong ni Pablo ang ulo sa dibdib ng asawa. Naramdaman ni Pablo ang masuyong paghalik ng asawa sa kanyang noo. Mas lalo siyang naluha. Napakasuwerte niya. Sa dinami-rami ng kasalanang nagawa niya, napakasaya niya pa rin ngayon.
"Ano'ng gusto mong pangalan ng anak natin?" Tiningnan niya na ang buntis na asawa at yumakap sa baywang nito.
"Puwedeng Rachel o Brida, pero may isa akong gustong ipangalan sa kanya . . ."
"Teka, hindi pa nga natin alam kung babae o lalake, e," natatawang singit ni Pablo habang hinihimas ang tiyan ng minamahal.
Ngumiti naman nang mahinahon si Lea at yumakap sa asawa. "Babae siya, alam ko."
"E, paano ka naman nakakasigurado?"
Tumawa naman ang buntis at kinurot ang ilong niya. "Ako ang nanay, ako ang pipili." Humalakhak pa ito na parang bata—na kung tutuusin ay bata pa naman talaga.
"Hmm. Ano ba'ng gusto mong pangalan sa panganay natin?"
Napansin niya ang paglawak ng ngiti ni Lea. Tumingala ito sa langit at muling pinagmasdan ang mga bituin. "Hope."
Napakamot ng ulo si Pablo. "Sa pangalan ng sigarilyo mo ipapangalan ang anak natin? Lea, naman! Puwede namang iba, e. Iyong matino naman. Baka pagtawanan 'yan ng mga kaklase niya 'pag lumaki na siya," nagmamaktol na turan niya. Pinisil niya ang kamay ng misis at muling tiningnan ito sa mga mata.
Umiling lamang ang asawa at muling ngumiti. "Hope ang ipapangalan natin sa kanya, ha? Mangako ka."
"Gusto mo ba talagang iyon ang maging pangalan niya?"
Tumango si Lea at pinisil ang pisngi niya. Hindi man pabor ay niyakap niya nang mahigpit si Lea at hinalikan ito sa pisngi. "Hope ang pangalan niya."
LINGGO ng hapon, naisipan nilang magsimba. Matagal-tagal na rin mula nang makapagsimba silang dalawa. Abot-langit ang ngiti ni Lea habang naglalakad sila palabas ng simbahan. Relihiyosa at madasalin kasi ito noon pa man. Kaya naman hindi na nakapagtatakang para itong batang nabigyan ng regalo nang makapagsimba.
"Uwi na tayo?" alok nito sa kanya.
Umiling lamang si Pablo at inakbayan ang asawa.
"Saan mo ako dadalhin?"
"Basta . . ." Kung titingnan ay parang bata si Pablo. Tuwang-tuwang hinihila papunta sa kung saan si Lea.
Naguguluhan man ay sinabayan ni Lea ang paglalakad niya hanggang sa tumigil sila sa harapan ng isang mamahaling kainan.
"Teka! 'Wag d'yan, mahal d'yan!" Halata sa mukha ni Lea ang pagkabigla.
Inaalis nito ang pagkakaakbay ni Pablo at hinihila ito palabas ngunit hindi siya nagpatinag. Pinisil niya ang kamay ni Lea at nginitian. "May pera ako. Nang nagpapagaling ka sa ospital, nakakuha ako ng magandang trabaho," nakangiting turan niya kay Lea. Minsan lang naman kaya lulubus-lubusin na ni Pablo.
Magtatanong pa sana ang asawa ngunit hindi na ito natuloy nang may lumapit sa kanilang waiter at itinuro ang puwesto kung saan sila maaaring umupo.
Nang makaupo ay kinuha niya agad ang menu at walang kagatol-gatol na um-order si Pablo. "Ito nga, at saka ito. Ito na rin." Itinuro niya ang lahat ng pagkaing magustuhan niya—sabik na makatikim ng masarap pagkatapos ng ilang buwang pagtitiis na hindi makatikim ng matinong pagkain.
Nang marinig siya ni Lea ay kaagad naman itong nagsaway, "Hoy, hinay-hinay lang. Baka maubusan tayo ng pera."
Tumawa lang si Pablo. "Dagdagan mo na rin ng ice cream at leche flan. 'Tsaka dalawang malaking iced tea." Pilyo niyang kinindatan ang asawa at inakbayan ito.
Napansin niya ang pag-iling ni Lea. Hindi niya na lang ito inintindi; bagkus ay nakangiti niyang hinintay ang mga pagkaing in-order niya.
BINABASA MO ANG
Ang Sampung Pagkakamali ni Pablo
Ficción GeneralNagkamali siya. Nagkamali siya nang makailang beses. At dahil sa mga pagkakamaling 'yon, kahit baligtarin pa ang mundo at pilitin niya mang ibalik sa dati ang nasira na, hinding-hindi niya na magagawang ayusin pa ang lahat. #WW1