IKAPITONG PAGKAKAMALI: GANID

403 17 3
                                    

"SAAN ko na po ito ilalagay, Dok?" Tiningnan ni Pablo si Dr. Defeo na pasimple ring sumusulyap-sulyap sa kanya. Alam niyang may iba sa mga sulyap na iyon. Matagal na siya nitong kinukulit na ulitin muli ang ginawa nila noon. Lagi lamang siyang humihindi dahil ayaw niya nang dagdagan pa ang kasalanan at tinatago sa asawa. Tama na ang isang beses. Hindi niya gustong maulit pa iyon.

"Doon mo na lang sa may desk ko ilagay," sagot naman nito na abala sa pag-aanalisa ng mga papeles na nakapatong sa lamesa ng sariling clinic.

Napatingin si Pablo sa orasang nakasabit sa pader. Alas-siyete na ng gabi. Pihadong nag-aalala na si Lea dahil alas-singko madalas ang pag-uwi niya. Suspetsa niya ay hindi pa ito kumakain. Hindi kasi ito sanay kumain nang wala siya. Ang problema, napakaraming gagawin sa clinic ni Dr. Defeo. Ngayong absent ang isa nitong volunteer nurse ay siya na rin ang gumagawa ng ibang mga bagay na hindi niya naman dapat ginagawa bilang clerk sa klinikang iyon.

Ilang sandali pa ay nakakuha na ng lakas ng loob si Pablo para magpaalam. "A, Dok, puwede na ho ba akong umalis? Naghihintay na kasi si Lea."

Ang akala ni Pablo, papayagan siya agad ng doktor ngunit nanlaki na lamang ang mga mata niya nang padabog na ilapag ng doktor ang papel na binabasa nito. "Marami akong ibinigay sa 'yo. Buhay ng mag-ina mo, trabaho, pera! Ano pa ba? Hindi ka man lang marunong tumanaw ng utang na loob?" Inirapan pa siya nito.

Napayuko si Pablo. Hindi niya maintindihan kung bakit isinasampal sa kanya ni Dr. Defeo ang mga naitulong nito. Ang akala niya'y bukal sa loob nito ang mga ginagawa. Pakiramdam niya'y tinapak-tapakan ang pagkatao niya. Ngunit wala siyang magawa kundi tanggapin ang bawat salita.

Malaki-laki ang suweldo niya bilang clerk ng klinika nito. Sa oras na umalis siya, hindi niya alam kung saan pa makakakuha ng trabahong kayang pantayan ang sahod na natatanggap niya. Lalo pa't malapit nang manganak ang asawa. Hindi niya maaaring unahin ang sarili.

Naiinis man ay nagpatuloy siya sa pag-aayos ng mga gamit sa klinika. Nagawa niya ring linisin kahit ang sahig. Maya-maya pa ay nakita niyang nag-iimpake na rin ang doktor. "I-lock mo na lang," malamig at may halong pagtataray na turan nito habang naglalakad palabas ng klinika.

Nakahinga siya nang maluwag nang makita niyang wala na ito sa pasilyo. "Tiis lang, Pablo. Para kay Lea at Hope. Para sa kanila . . ." mahinang sambit niya habang isinasarado na rin ang klinika.

MATUTULOG na sana si Pablo dahil sa sobrang pagod nang mapansin niya ang asawang nakaupo pa rin sa papag. "Mahal, may masakit ba?" nag-aalalang tanong niya.

Umiling naman ang asawa at pinisil ang kamay niya. "Ano kasi . . ."

"Ano 'yon, Mahal?" Bumangon siya at yumakap sa baywang ng minamahal. Ipinatong niya rin ang baba sa balikat nito.

"Nakakatakot tumitig 'yong si Mang Jerry. Parang aswang," nanlalaki ang mga matang sambit ni Lea.

Natawa siya sa narinig. Nasa Maynila na sila at lahat ngunit nagpapaniwala pa rin ang asawa sa mga aswang. "'Wag kang matakot. Maglagay ka ng bawang sa bulsa mo para hindi ka kagatin," nakangising sagot niya.

Nagkibit-balikat lamang si Lea at muling tiningnan siya sa mata.

"May gusto ka pa bang sabihin, mahal ko?"

Tumango si Lea at huminga nang malalim bago nagsalita. "'Yong kaibigan mo kasi . . .'yong tumulong sa 'tin nang bago tayo rito. Sino nga ulit 'yon?"

"A, si Hernan," wala sa loob na sagot niya. Ang kaninang nakangiting mukha ay napalitan ng blangkong ekspresyon. Hindi niya pa rin nakalilimutan ang ginawa nito nang nangungutang siya ng pera. Ang akala niya'y pahihiramin siya dahil nga na-ospital si Lea ngunit hindi siya nito pinahiram at maraming sinabing dahilan. "Ano'ng tungkol sa kanya?"

"Pumunta kasi siya rito kaninang hapon . . ."

"Ano'ng ginawa niya?" di-interesadong tanong niya.

"Nagtatanong kung puwede mo rin daw ba siyang ipasok sa pinagtatrabahuhan mo ngayon." Yumakap sa kanya si Lea at nilaro-laro ang kamay niya. "Nangangailangan daw kasi ng pera, mahal ko. Inatake raw kasi sa puso 'yong nanay niya. Kawawa nga, e. Umiiyak-iyak pa habang nagkukuwento kanina. Kung nakita mo lang talaga siya."

"Ah." Wala siyang masabi. Naglalaro pa rin sa isipan niya ang oras na hindi rin siya natulungan ng sinasabi niyang 'kaibigan'.

Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap ni Lea sa kanya. Yumakap din siya pabalik at pailing-iling na nagsabi: "Wala akong maitutulong sa kanya."

Iyon na lamang ang nasambit niya. Sarili niya muna ang iisipin niya. Pamilya niya na muna ang uunahin niya. Wala na muna siyang pakialam sa iba. Dahil ang mga taong inakala niyang magiging katulong niya sa mga oras na walang-wala siya ay hindi rin naman nakatulong sa kanya.

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay kumalas ang pagkakayakap sa kanya ni Lea. Halata sa mukha nito ang pagtataka at may halong lungkot. Hindi niya na lamang iyon pinansin at inalalayan na ang asawa sa paghiga sa papag. Hirap na rin kasi itong gumalaw-galaw dahil sa laki ng tiyan.

"Mahal kita," paglalambing niya sa asawa.

Nakatingin lang ito sa kawalan kaya niyakap niya na lamang ito nang mahigpit. Alam niyang hindi gusto ni Lea ang sinabi niya. Ngunit sa palagay niya'y tama rin naman ang ginagawa niya.

Unti-unti na siyang dinadalaw ng antok. Ngunit bago pa man siya makatulog ay malinaw niyang narinig ang bulong at hikbi ng asawa. "Ano na'ng nangyari sa 'yo? Hindi na kita kilala. Hindi na . . ."

KARARATING niya pa lamang sa trabaho ngunit nagtataka siya nang makita ang doktor na nauna pa sa kanya. Nang tingnan niya naman ang orasan ay hindi pa naman siya nahuli. Maaga pa siya ng limang minuto. Madalas ay alas-nuwebe na dumarating ang doktor sa klinika. Kaya nagtataka siya na alas-siyete y medya pa lang ay narito na ang naturang doktor.

"Good morning, Dok. Napaaga ka po yata?" Kinuha niya ang mga monoblock chair at paisa-isang inayos sa bakanteng espasyo ng klinika. Napansin niyang naglakad naman si Dr. Defeo papunta sa may likuran niya.

"Oo, e . . ."

Hindi pa man siya inaabot ng limang minuto sa loob ng klinika ay naramdaman niya na ang paghawak ng doktor sa maselang bahagi ng kanyang katawan. Nanlaki ang mga mata niya at walang kaabog-abog na naitulak ang doktor.

"Ano po ba'ng gusto ninyo?" inis na sigaw niya.

Ngumisi lang ang doktor at akmang hahalikan siya sa labi nang maitulak niya ulit ito nang mas malakas. "Tangina po! Hindi ako bayaran! Nagtatrabaho ako sa inyo nang matino! 'Wag n'yo akong babuyin!" Nanginginig na ang mga kamay niya sa galit. Hindi niya rin alintana ang pamumuo ng butil-butil na pawis sa noo.

Narinig niya ang biglang pagtawa ng doktor. "Sino ka ba para sabihin mong binababoy kita? Isang hamak na probinsyanong nagpapakantot sa mga doktor na katulad ko para lang mairaos ang pagpapagamot ng asawa niya?"

Naikuyom ni Pablo ang mga kamay. Nanggagalaiti na siya. Kung hindi niya mapipigilan ang sarili'y mabibigwasan niya ang kaharap.

"'Wag kang magmalinis. Kaya kitang sirain sa asawa mo. Ano'ng akala mo? Tatanggapin ka pa kaya ng Lea mo kung sabihin ko sa kanyang nagpatira ka sa bakla?" mapang-inis na tudyo nito sa kanya.

Nagdilim ang mga mata ni Pablo. Walang ano-ano'y hindi niya na nakontrol ang sarili at nasuntok nang malakas sa mukha at tiyan ang doktor. Hindi niya tinigilan ang pagpapaulan ng suntok. Wala siyang pakialam kung ano ang mga konsekwensya ng pananakit niya. Gusto niyang makaganti. Matagal niya nang tinitiis ang mga pagpapasaring nito.

Nang makitang napuruhan na ang doktor ay dali-dali na siyang naglakad palabas sa klinika. Baon ang pangako sa sariling kahit kailan, hinding-hindi na siya babalik pa.

Ang Sampung Pagkakamali ni PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon