HINDI madali ngunit nagawa ni Pablo ang makalayo mula sa dati nilang tinitirhan ni Lea. Hindi alam ng mga tao sa lugar na iyon ang buong pangalan nila at kung saan sila nanggaling. Ang alam lamang ng mga ito ay mag-asawa silang nagsisimulang mamuhay nang magkasama.
Batid niyang mahihirapan ang mga pulis na matunton sila. Limitado ang mga taong mapagtatanungan ng mga ito. Ultimong ang mga katabing bahay nila ay hindi talaga sila kilala kaya napakadali sa kanilang mag-asawa ang maglaho.
Isang buwan matapos ang pagtakas ay nagawa nilang manirahan sa isang liblib na parte ng Tagkawayan, Quezon.
Unti-unti'y nanumbalik si Pablo sa paghahanap-buhay para sa kanilang mag-anak. Ngunit kahit pilitin niya mang ibalik sa dati ang sigla ng pamilyang binuo nila ni Lea ay hindi niya na ito magawa pa. Waring matagal na itong sinukuan ng asawa. Pakiramdam ni Pablo ay mag-isa na lamang siyang lumalaban.
Hindi na nanumbalik ang dating mahal niya. Palagi na lamang itong nakatingin sa kawalan. Hindi rin kumakain. Gumagalaw lamang ito para kay Hope. At sa tuwing matatapos na nitong padedehin ang anak ay muli itong tutunganga. Paminsan-minsa'y magigising na lamang si Pablo na umiiyak si Lea. Nananaginip kasi ito nang masasama.
Namatay na si Mang Jerry ngunit patuloy pa ring minumulto si Lea ng kababuyang ginawa nito, dahilan para mas lalong magpuyos sa galit si Pablo. Hindi ang katulad ni Lea ang dapat makaranas ng ganoon. Hindi ang asawa niya na walang ibang ginawa kundi ang kabutihan para sa iba.
Ngunit isang araw, nangyari ang akala niya'y hindi na mangyayari pa. Kagagaling niya pa lamang noon sa trabaho nang maramdaman niya ang mahigpit na yakap ni Lea. Maluha-luha niyang ikinulong sa bisig ang asawa. Labis-labis ang pagpapasalamat niya dahil sa wakas ay nagbalik na ito sa kanya.
"Pasensya na . . ." mahinang sambit nito habang mas lalong isinisiksik ang sarili kay Pablo.
Hindi napigilan ni Pablo ang mapangiti. Buo na ulit ang lahat. Magiging maayos na ang lahat. Alam niyang hindi na siya iiwan ng asawa. Ngayon ay magkatuwang nilang bubuuin ang mga nasira. Kukulayan ang buhay na nadungisan ng puti at itim. Ibabalik sa dati ang lahat nang magkasama.
Subalit sa hindi na mabilang na pagkakataon, nagkamali na naman siya.
Minsan, ang buhay ay parang isang malaking biro. Ipapalasap sa iyo ang tagumpay, ang saya, ang ganda ng buhay . . . ngunit babawiin din, ilang segundo pa lang ang itinatagal sa palad mo.
Ilang araw pa lang matapos magbalik si Lea sa dati ay napansin ni Pablo ang pagbagsak ng katawan nito. Lagi itong nanghihina. Bumalik din ang pag-ubo nito. Tuwing gabi nama'y nilalagnat at hindi sapat ang mga gamot na nabibili niya sa tindahan para lunasan iyon.
Unti-unti, hinihilang muli palayo sa kanya ang asawa. At ang mas malala pa, literal ang ginagawang paghila. Hindi katulad noon na may posibilidad pang bumalik. Ginugupo si Lea ng sakit nito. Idagdag pa ang trauma at depresyon na sinapit nito sa nagawa ni Mang Jerry. Walang magawa si Pablo kundi ang pagmasdang mangyari ang bagay na kinasusuklaman niya—ang maiwan.
Isang mapait na katotohanan ang laging isinasampal sa kanya. Mahirap lamang sila. Wala silang pera para ipagamot at mabuhay si Lea. Walang silang karapatan para maging masaya.
ISANG gabi, habang tinitingnan nila ang anak na matulog, biglang nagsalita si Lea. "Mahal na mahal kita. Pasensya na, hindi . . . hindi ko na kayang lumaban pa." Halata sa boses nito ang katotohanang kahit bali-baligtarin man ang mundo'y hindi sila para sa isa't isa.
Alam niya namang hirap na hirap na ito. Kung sana'y may pera lang siya para dalhin sa ospital ang asawa'y dinala niya na. Ngunit wala. Sapat lamang para sa gatas ni Hope at pagkain nila sa araw-araw ang nakukuha niyang sahod sa pagkakargador sa palengke ng Tagkawayan.
BINABASA MO ANG
Ang Sampung Pagkakamali ni Pablo
Ficción GeneralNagkamali siya. Nagkamali siya nang makailang beses. At dahil sa mga pagkakamaling 'yon, kahit baligtarin pa ang mundo at pilitin niya mang ibalik sa dati ang nasira na, hinding-hindi niya na magagawang ayusin pa ang lahat. #WW1