Napadaan si Sharlene sa malaking bahay nila Francis, o mas tamang sabihin na sinadya niya talaga na dumaan doon. Ilang araw na kasi niya itong hindi nakikita at miss na miss niya na ito. Anong miss? Babawi lang tayo.
Napa-iling siya. Kakaiba talaga ang nagagawa ni Francis sa kanya. Pati left and right hemisphere ng utak niya ay nag aaway na.
Napabuntong hininga siya. Ang galing niyang magmaganda noon, pinahabol-habol at inalila niya ito tapos ngayon para siyang desperadang naghahabol dito. Ipinapangako niya sa sarili niya na sa oras na magmahal ulit siya ay hinding-hindi na niya uulitin ang ginawa niya kay Francis. Iingatan niya ang kung sino mang lalaki na iyon.
Pero sa ngayon, kailangan muna niyang harapin si Francis.
“Ah!!!!!” napatili siya ng malakas. Nahulog siya sa kanal. Buti na lang ay walang laman ang kanal na iyon dahil kung hindi ay baka lumalangoy na siya sa nakakadiring tubig kanal ngayon.
Pinilit niyang maka-alis doon dahil nakakahiya kapag may nakakita pa sa kanya. Naupo na muna siya sa gutter sa gilid ng kalsada nang maka-alis sa kanal, nararamdaman niya kasi ang paggapang ng sakit sa binti niya. Mabuti na lang ay kakaunting galos lang ang nakuha niya pero mukhang napilayan yata siya.
Bakit ba tuwing iniisip ko si Francis lagi na lang akong napapahamak? Close siguro si Francis at si Kamatayan.
Hinilot niya ang nasaktang binti pero wala pa ring nangyari, mas lalo lang yatang sumakit iyon dahil sa ginawa niya.
“What happened?” hindi na niya kailangan pang lingunin ang nagsalita dahil kilalang-kilala niya iyon. Naman! Sana si Zuma na lang ang dumating imbis na si Francis.Baka kasi sabihin na naman nitong nananadya talaga siyang magpa-disgrasya para lang iligtas nito.
Tumayo siya pero hindi niya ipinahalata na nahihirapan siya. Ang sakit talaga promise walang joke! Kausap niya sa sarili. “W-Wala, nagpapahangin lang.”
“Ang layo naman. Wala bang hangin sa inyo?” he said, mocking her.
“Meron, mas malamig nga lang dito. Sige aalis na ako.” Sabi niya dito pero hindi gumagalaw para umalis doon. Hihintayin niyang mauna itong pumasok sa gate bago siya maglalakad palayo para hindi nito makita na paika-ika siya.
Pero lumipas na yata ang isang minuto ay hindi pa rin ito pumapasok sa gate. “Hindi ka pa ba papasok?” tanong niya.
“Hindi ka pa ba aalis?” tanong naman nito sa kanya.
Ano ba naman! Umalis ka na, saka na lang tayo mag-chikahan. Baka maputulan na ako ng binti.
“Pumasok ka na muna saka ako aalis, babantayan kita.” Pilit ang ngiting sabi niya. She knows she’s talking nonsense but she’s left with no other choice. Kailangan niya nang mapaalis ito doon.
Mas alanganin na ang ngiti niya ngayon dahil nararamdaman niya nang ilang minuto na lang babagsak na talaga siya sa kalsadang iyon.
“Wait.” Sabi nito saka lumapit sa kanya.
Hindi niya alam kung anong gagawin nito pero nagulat siya nang pisilin nito ang binti niya. Huli na para mag-isip pa siya ng cool na salitang pwedeng isigaw dahil sa ginawa nito. Kaya tahimik na lang siyang napa-upo sa sementadong kalsada. Hahawak sana siya sa balikat ni Francis para doon humugot ng suporta pero natatakot siya nab aka tanggalin lang nito ang kamay niya.
Makapal lang ang mukha niya na sumilay dito pero hindi pa rin siya immuned sa sakit tuwing nire-reject siya nito.
“Ouch.” Sabi niya na halos pabulong na.