KARAPATAN

1.7K 1 0
                                    

Pagdating ng panahon, gusto kong magkaroon ng karapatang itext ka sa umaga para sabihing "mahal kita". Gusto kong mahawakan ang kamay mo habang naglalakad sa kalsada. Gusto kong mayakap ka sa tuwing napapagod na at mahaplos ang likod mo sa tuwing hinihingal ka. Gusto kong tumawa sa mga biro mo at kiligin sa mga banat mong gumigising sa diwa ko. Gusto kong malunod sa mga ngiti mo at mabigti sa higpit ng yakap mo sa tuwing tinititigan mo ang mga mata ko habang nangangakong tayo pa rin hanggang dulo.

Pagdating ng panahon, gusto kong magising sa mga halik mo. Gusto kong titigan ang mukha mo habang nahihimbing ka sa pagtulog mo. Gusto kong halikan ang noo mo at ibulong sa tenga mo ang mga salitang pilit na kumakawala sa dibdib ko na hinding-hindi ko masabi dahil palagi akong napipipi sa tuwing nakikita ko ang mata mong parang mga bituin sa langit, maningning, pero sa iba nakatingin.

Pagdating ng panahon, sana ako naman. Ako na muna. Habang natutulog pa ang mundo at wala pa ang bida sa kwentong isinulat mo, ako na muna ang mag-aalaga sa 'yo. Ako na muna ang hahaplos sa mga labi mo. Hayaan mong punasan ko ang luha sa pisngi mo habang kinakantahan kita ng paboritong awit mo. Hayaan mong ako na muna ang magbantay sa 'yo habang wala pa ang prinsipeng pinapangarap mo at sa gabi, hayaan mong bantayan kita hanggang sa maabot mo ang panaginip na kung saan ang paraiso mo'y hindi ang aking bisig kundi ang kanlungan ng ibang taong hindi ka naman iniibig.

Nagdadasal ako. Ipinapanalangin ko na sana'y may isang ipo-ipong dumaan sa harap ko at tangayin ako nito patungo sa isang mundo na kung saan ang "ikaw" at "ako" ay magiging "tayo". Handa akong sumugal kung laro man to. Handa akong masaktan kung laban man to. Handa akong mapahiya kung biro man to at handa akong huwag magising kung panaginip man to dahil mahal, kung sa bawat pagpatak ng luha ko ang katumbas ay kaunting pagmamahal mo, hayaan mong pigain ko ang mga mata ko hanggang sa tuluyan na akong mabulag-- mabulag sa pag-asang bukas, magkasama na tayong sumusulat ng sarili nating kwento.

Masakit umasa. Masakit maghintay. Masakit mag-abot ng iyong mga kamay sa isang taong iba naman pala ang gustong kaakbay. Pero ganun naman talaga siguro ang nagmamahal. Iaalay mo ang lahat. Sisimulan mo sa pagpupuyat at magtatapos kang namamayat. At handa akong mamayat. Handa akong magpuyat. Handa akong baguhin kahit ang lahat-lahat. Hindi na ako magmumura. Lagi na akong sisimba. Hindi na ako maninigarilyo kahit yun na nga lang ang pampalipas-oras ko pero pag sinabi mong ayaw mo, umasa kang susunod ako!

Bilanggo ako ng tinig mo. Nakakulong ako sa kagandahan mo. Kinokontrol ako ng mga mata mong nakangiti at kinikilabutan ako sa tuwing naririnig kong binabanggit mo ang pangalan ko. Gusto kong sumigaw ng "Huwag! Kinikilig ako!" pero ano bang karapatan ko? Isa lang akong tanga na umaasang bukas, maging akin ang mundo mo.

Pero tanga na kung tanga. Mangmang na kung mangmang. Hatulan man ako ng mapanghusgang mga mata, wala akong pakialam kasi bakit ba, kasalanan bang magmahal?! Yun lang ang pagkakamali ko. Nagmahal lang ako! Mali bang magmahal? Kailan ba nagiging mali ang pagmamahal?

Ito ang maling pagmamahal. Tamang damdamin sa maling panahon. Tamang hangarin sa maling pagkakataon. Lahat ng ito'y mga pangarap lamang, at sana'y patawarin mo ako. Para tayong mga tauhan sa isang kwento. Ang masakit nga lang, apat pa tayo. Ang isang nagmamahal, ang isang minamahal, ang isang umaasa, at ang isang pinapaasa. Bakit ba kasi kailangang tayo pa? Bakit ba kailangang sa 'yo pa? Bakit ikaw pa? Bakit nga ba ikaw pa?

Nahulog ako sa isang taong nahulog na sa iba. Pero ang kwento ko'y sadyang kakaiba dahil ngayon lang ako nakaranas na mahulog sa dalawang magkaibang bangin, habang ang mukha ko'y hinahaplos ng hangin, patuloy ko pa ring tinitimbang ang aking damdamin kasi kahit naman papaano'y alam ko rin na maling sa dalawang tao'y parehong maglambing, at dapat ay may isa lang ako na siyang piliin.

Pakinggan. Damhin. Huwag nang suklian pero wag naman din sanang balewalain. Sa lahat ng karanasan, ito lang ang di ko maimagine. Pero mahal, kung hindi man ngayon, patuloy pa rin akong aasa. Patuloy pa rin akong maniniwala sa prinsipyo na kung para talaga kayo sa isa't isa, kayo pa rin sa huli ang magkakasama. Mahalin mo sya habang nandyan pa at mamahalin ko sya habang nasa 'kin pa, pero mahal, patuloy akong aasa, na kung bukas ang inakala kong panghabambuhay ay matapos na, sana'y nandun ka pag hinanap kita. Sa ngayon, mangarap muna kayo, at mangangarap din kami. Pero kapag ang isa sa 'tin ay lumaya na, kapag ang isa sa 'tin ay bumitaw na, o kapag ang isa sa 'tin ay nawalan na ng gana, mahal, ang pangarap ko'y hindi namamatay, na sana bukas, magkaroon ako ng karapatang sabihing "akin ka"... kapag pwede na.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 08, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Spoken Words PoetryWhere stories live. Discover now