HINDI AKO IIYAK

975 2 0
                                    

Wala akong kinatatakutan.
Hindi multo, hindi aswang, hindi maligno o tikbalang.
Walang iisang bagay ang makapagpapatayo ng balahibo ko sa takot kahit gaano pa yang nakakakilabot dahil matapang ako.
Matapang ako.
Hindi ako marunong umiyak.
Hindi kahit kailan pumatak ni isa mang butil ng luha mula sa mga mata ko o ni minsa'y di kinabahan ang dibdib ko kasi nga matapang ako.
Iharap mo ako kahit kanino at wala akong pakialam kahit sino pa yang sanggano basta hindi ako natatakot.
Hindi ako umiiyak.
Hinding-hindi ako iiyak.

Kasi yun din naman ang turo mo.
Ipinakita mo sakin kung pano maging matatag sa gitna ng bagyo kahit na wala ka nang ibang pinanghahawakan kundi ang sarili mo.
Tinuruan mo akong lumaban, na huwag magpaapi at wag pumayag na mayurakan ang dignidad at pagkatao kasi sabi mo, yun lang ang meron tayo.

Tinuruan mo akong magalit para hindi ko makalimutan lahat ng pait pero tinuruan mo din akong magpatawad at natuto ako.
Natuto ako.
Natuto akong sumabay sa agos ng buhay na to.
Natuto akong makibagay, makiuri, magbigay.
Tinuruan mo akong maging mabuting tao at natuto ako.
Natuto ako sayo.

Ikaw ang nagpakita sakin na hindi kailangan ang salita para maramdaman ang pagmamahal at ang pag-aalaga.
Ipinakita mo sakin ang pagmamahal sa bawat sandaling sobra akong napapagal.
Sa bawat kwento ko, nakinig ka.
Sa bawat biro ko, humalakhak ka.
Sa bawat problema ko, may payo ka.
Sa bawat pag-iyak ko, nanatili ka.
Inaalagaan mo ako sa tuwing mainit ang aking balat at maingat mong nilalanggas ang aking mga sugat.

Kilala mo ako.
Alam mo ang bawat paghinga ko.
Alam mo kung anong oras ang pasok ko at kung anong oras ako tataas sa kwarto.
Kabisado mo ang timpla ng kape ko at maging ang luto ng paboritong ulam ko.
Napuntahan mo na ang bawat sulok ng buhay ko at kabisado mo ako.
Walang ibang nakakakilala sakin kundi ikaw, tanging ikaw, ikaw lang.

Sayo ko hinuhugot ang tapang ko.
Sayo nagmumula ang pagmamahal na nararamdaman ko.
Bayaran man ako ng 'sang milyong salapi o bigyan man ako ng isang kalupi na may lamang kayamang hindi nagagapi, hindi kita ipagpapalit.
Hindi kita ipagpapalit.
Walang tutumbas na halaga sayo.
Walang papantay sa mga turo mo.
Walang bagay ang mas hihigit pa sa pag-aalaga mo.

Ikaw lang kasi yon.
Ikaw lang ang nanatili nang tinalikuran ako ng mundo.
Nang nadapa ako, ikaw lang ang nandyan para ibangon ako.
Nang naging mangmang ako, ikaw lang ang nagtyaga na turuan ako.
Nang nawalan ako ng silbi, ikaw lang ang hindi nang-iwan.
Nakita mo ang halaga ko at hindi ang mga pagkukulang ko.
Hindi mo ako sinukuan nung sumusuko na ako.
Hindi mo ako pinabayaan nung nagpabaya ako.
Hindi mo ako tinawanan nung napahiya ako at nung nagwawala ang dibdib ko, nanatili kang mahinahon, para lang maiparamdam sakin na may halaga rin ako.

Akala ko matapang ako.
Akala ko malakas ako.
Akala ko kaya ko nang harapin kahit sino pang humarang sa daan ko o ang kahit na sino pang adik na magbanta sa buhay ko.
Akala ko hindi ako iiyak.
Akala ko lang pala.
Kasi di mo naman sinabing aalis ka.
Akala ko naman sa habambuhay, kasama kita, pero hindi pala.

Sino na ang magtatanggol sakin?
Sino na ang magtatanong kung kumain na ba ako, kung napagod ba ako, kung may problema ba ako, kung ayos lang ba ako?
Sino na ang hahaplos sa likod ko sa tuwing napapagod ako?
Sino na ang magluluto ng mainit na sabaw sa tuwing nilalagnat ko?
Sino na ang iihip sa mga sugat ko sa tuwing napapaso ako?
Ngayon na wala ka na, sino na ang magpapakita sakin ng konti kong halaga?
Sino na ang magpapalakas ng loob ko ngayong umalis ka na?
Kanino na ako iiyak sa tuwing pinagagalitan ako ni ama at ina?

Salamat dahil nanatili ka.
Dahil sayo, nakita ko yung tunay kong halaga.
Salamat kasi di mo ako iniwan, tinalikuran, pinabayaan.
Naging mabuti akong tao dahil sayo.
Salamat sa makukulay nating mga taon.
At ngayon, sa huling pagkakataon
Hayaan mo namang sabihin ko sayo:
Mahal kita. Mahal na mahal kita.
Tanggap kong ito'y wakas na.
Hanggang sa muli nating pagkikita.
At pangako, kung bibigyan man ako ng isa pang pagkakataon na makatabi kang muli sa pagkakaupo,
Sa sunod nating pagtatagpo, hindi na yun magwawakas pa.
Habambuhay na tayong magsasama.
Pero sa ngayon, paalam na muna.
Paalam na.

Spoken Words PoetryWhere stories live. Discover now