Isang Pasasalamat

13 0 0
                                        

Saan nga ba patutungo 'tong buhay ko?Kung minsa'y ito'y nasa gilid na ng bangin

At kung minsan nama'y ito'y parang dinadala ng mga ibon patungo sa langit

Ngunit kadalasa'y ito'y walang buhay na naglalakbay patungo sa hindi malaman na destinasyon

Saan nga ba hahantong 'tong buhay na mayroon ako?

Isang tanong ngunit kung ito'y tumakbo sa aking isipan ay parang ito'y 'di napapagod

Isang tanong na nag-iiwan pa ng maraming mga katanungan

Isang tanong na nagnanakaw sa aking katinuan

Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon

Ika'y aking nakilala

Nang dahil Sa'yo, ako'y naliwanagan

Sa Iyong pagdating, tila ako'y nabuhay muli

Sa Iyong pagdating, ang buhay ko'y nagbago

Sa isang iglap, ako'y nagkaroon ng direksiyon


Hindi ko lubos maisip kung Ika'y hindi ko nakilala

Kaya't ako'y nagpapasalamat

Hindi lamang sa pagbibigay Mo ng direksiyon sa aking buhay

Ngunit pati na rin sa pagbibigay Mo sa akin ng buhay

Ako'y nagpapasalamat din sa pagbibigay Mo ng kulay sa aking buhay

Sa paglalagay Mo ng mga ngiti sa aking mga labi

Sa pagpapaindak Mo sa aking puso't mga paa sa musika ng buhay

Sa pag-iilaw Mo sa aking daan

Sa pagtatagpi-tagpi sa aking katauhan

Sa pagdadala ng pag-asa sa aking munting buhay

Sa pagtatanggol Mo sa akin mula sa kasamaan

Sa pagiging aking Kaibigan at higit sa lahat

Sa pagmamahal na Iyong ibinibigay

Salamat, O Panginoon

PoesiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon