Ano'ng Nangyari?
Naaalala mo pa ba, ikaw ang unang nagparamdam na ako ay maganda?
Tuwing napapansin ko na tahimik ka, pero sa akin nakapako ang mga mata.
Walong taon na ang nakararaan, natatandaan mo pa ba?
Noon nagsimula ang ating istorya.
Pero nakakatawa lang, kasi ang gusto ko noon ay yung kaibigan mo talaga.
Hinayaan kong maging malapit sayo noon, kasi una,
Hindi naman ako ganun kaganda para mamili ng kakaibiganin di ba?
Pangalawa, malapit kayong magkaibigan ng aking noon ay sinisinta.
Ngunit bawat mensahe mo noon sa akin,
Hindi ko namalayan na umukit na rin sa aking damdamin.
Nakakataba ng puso kung iisipin,
May isang lalaking sa akin ay nakapansin.
Pero noon pa man alam ko na,
Na ikaw ay mahiyain talaga.
Noong mga panahong 'yon nga,
Uso ang mga emo pa.
Naaalala ko, madalas mong porma,
Kulay itim na damit at may eyeliner ang mga mata.
Minsan pa nga ay may sukbit na gitara.
Hindi mo man noon naamin,
Naramdaman ko naman na ako'y gusto mo rin.
Hindi ko na rin siguro nasabing
Sayo ako'y ganoon din.
Siguro nga, mga bata pa tayo noon.
Wala pang alam sa paghawak ng emosyon.
Hindi ko na rin maalala kung ano ang naging rason.
Bakit nga ba nawala ang ating komunikasyon?
Walong taon ang lumipas.
Nakalimutan mo na kaya ang mga pag-uusap natin noon tungkol sa bukas?
Walong taon ang nakaraan,
Inakala ko sa ating kinabukasan ikaw ay mag-aabang.
Marahil pareho tayong nakalimot.
Pagkatapos ng walong taon, heto tayo ngayon, magkaiba ang mundong iniikot.
May kasama kang iba,
Ako naman ay nag-iisa.
Nakakaawa bang pakinggan?
Pero hindi, marahil nga ay sadyang ganyan.
Nagkasalubong muli ang ating landas,
Siguro para sa atin ay maipamalas:
Ang nakaraan ay tapos na.
Kasalukuyan ang syang mahalaga.
Nakakalungkot lang na tila tayo'y di magkakilala.
Siguro sa ngayon, ganoon talaga.
Pero sana, dumating ang araw,
Pag tayo'y nagkasalubong muli,
Tayo sa isa't isa na ay bumati.
Pagka't sayang din naman ang pagkakaibigan nating nabuo noong mga nakaraang sandali.

YOU ARE READING
Random thoughts on random things
RandomRandom thoughts whenever I travel... Whenever I eat alone, Whenever I roam around, Whenever I see interesting things, Whenever I listen to (overhear) ramdom people's stories. Things that makes up my mind.