"TIGILAN MO na nga 'yan! Akala mo naman totoo."
"Totoo naman talaga. Ano pa bang patunay ang gusto mo?" tanong ni Aldrin. "Gusto mo bang ipagsigawan ko pa rito sa ospital na gusto kita? Na mahal kita?"
"Bespren, 'wag ka namang masyadong rude kay Aldrin. Dati naman okay kayo, ah. Parang bigla ka lang nagbago mula nung nakilala mo si Altaire," ani Maya. Kahit siya ay lubhang nagtataka sa mga pambabara ni Emong sa kaklase.
Parang walang narinig si Emong. Ipinikit lang nito ang mg mata at nagkunwaring natutulog.
Hindi na nagsalita si Maya. Si Aldrin naman ay tumahimik na lang din. Hindi ito ang tamang pagkakataon para ipilit niya ang pagkakagusto niya kay Emong. Saka na lang. Kapag magaling na ito at nakalabas na ng ospital.
Nang dumating na si Aling Rosita ay nagpaalam na ang dalawa. "Maaga pa po kasi ang pasok bukas kaya kailangan na naming umuwi. Babalik na lang po ako bukas," sabi ni Aldrin.
"Ako rin po, babalik ulit bukas," pagsegunda ni Maya.
"Maraming salamat sa inyong dalawa, ha? Mag-iingat kayo sa daan."
"Opo," sabay na sagot nina Maya at Aldrin.
"Anak, aalis na ang mga kaibigan mo."
Kinawayan ni Emong si Maya. "Ingat kayo, bespren. Salamat."
"Nanay, matulog na po kayo," sabi ni Emong nang makaalis na sina Maya at Aldrin. "Maghapon na kayo rito. Alam ko pong pagod na kayo."
"Huwag mo akong alalahanin. Ayos lang ako. Ikaw ang magpahinga para gumaling ka kaagad."
"Saan po tayo kukuha ng pambayad dito sa ospital? Wala po tayong pera."
"Ako na ang bahalang mamroblema niyan. Nasa akin pa naman 'yong napanalunan mo sa Ms. Gay. Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Basta magpagaling ka kaagad."
"Sorry, 'nay ha? Napagastos ka pa tuloy ngayon."
"Ang importante buhay ka. Ang pera, kikitain pa natin 'yan. Pero ang buhay ng tao kapag nawala, the end. Hindi na maibabalik. Mas importante ka kesa sa pera anak. Mahal na mahal kita."
Parang hinaplos ang puso ni Emong sa sinabi ng ina. Higit kailanman, ngayon niya naramdaman kung gaano siya kahalaga sa taong pinagkakautangan niya ng buhay at kung gaano rin ito kahalaga sa kanya.
"Good evening po."
Sabay na napalingon sa pintuan ang mag-ina. Dumating ang doktor ni Emong at lumapit ito sa pasyente.
"Kumusta na ang pasyente ko?"
"Ayos na po ako, dok. Medyo masakit lang itong mga sugat ko," pagbibigay impormasyon ni Emong.
"Titingnan natin bukas ang result ng MRI mo para masiguro natin na walang naapektuhan sa loob ng ulo mo. Pati na rin diyan sa binti mo."
"Dok, sa tingin mo po kelan makalalabas ng ospital ang anak ko?" nag-aalangang tanong ni Aling Rosita.
"Kung okay na ang resulta ng MRI at wala namang ibang pinsala, puwede na siyang lumabas sa makalawa. Sa bahay na lang siya magpahinga," nakangiting sabi ng doktor.
"Mabuti naman kung ganoon. Salamat, dok. Akala ko talaga eh matatagalan dito ang anak ko."
"Kung lalabas na po ako sa makalawa, puwede na rin po ba akong pumasok sa school?" tanong ni Emong.
"Mas makabubuti kung next week ka na lang papasok. Pagalingin mo muna ang sugat mo para wala ka ng iniinda pagpasok sa klase," payo ng doktor. Naglabas ito ng reseta at iniabot kay Aling Rosita. "Pakibili na lang po nito, mauubos na kasi 'yung dextrose niya."
BINABASA MO ANG
Emong Alembong
General FictionHindi siya nagbibinata. Hindi rin nagdadalaga. NAGBIBINAKLA! Rank 88 in Gen Fiction - Dec 20, 2017 Rank 171 in Gen Fiction - Oct 2, 2017 Rank 146 in Gen Fiction - Oct 1, 2017 Rank 212 in General Fiction (May 8, 2017)