Chapter Thirty-two

1.7K 115 26
                                    

KAHIT na ginawan siya ng hindi maganda ni Neiji ay ikinalungkot pa rin ni Altaire ang pagpanaw nito. Alam niyang nagawa lang ni Neiji na pagtangkaan ang buhay nila ni Grace dahil sa matinding pagmamahal nito sa dalagang inakala nito ay nanloko sa kanya. Kung sabagay may kaunting katotohanan naman na niloko nga ito ni Grace. At maging siya na biktima rin ng panlolokong iyon ay nanganib rin ang buhay. Pero ganoon talaga, sadyang hanggang doon na lang siguro ang buhay ni Neiji. Ipagdarasal na lang niya na matahimik na ang kaluluwa nito at magkaroon ng maluwalhating kapayapaan.

ANG pagsundo ni Altaire kay Emong sa eskuwela ay nasundan pa, at nasundan pang muli. Minsan nga, hinahatid na rin niya ito kapag nagigising siya nang maaga. Si Aldrin naman ay sumasabay pa rin sa dalawa dahil na rin sa pakiusap ni Altaire, at sa pamimilit ni Emong. Pero may mga araw na sinasadya niyang huwag sumabay kay Emong sa paglabas ng gate dahil nahihiya na rin siyang makisakay sa kotse ng seminaristang itinuturing niyang karibal.

MABILIS na lumipas ang tatlong linggo. Dumating na ang araw ng pagbabalik ni Altaire sa seminaryo.

"Aling Rosita, kayo na po ni Emong ang bahala sa mommy ko, ha?" bilin niya rito. "Tawagan n'yo po ako kaagad 'pag may problema."

"Huwag kang mag-alala. Hindi ko pababayaan ang mommy mo."

Hinawakan niya ang kamay ng nanay ni Emong. "Maraming salamat po... Nasaan po si Emong?"

"Eh, naroon sa kuwarto niya. Ayaw lumabas," nahihiyang sagot ni Aling Rosita.

"Pupuntahan ko na lang po." Malalaki ang hakbang niya papunta sa silid ni Emong.

Kumatok siya ng tatlong beses sa pinto. "Emong, buksan mo itong pinto."

Nang bumukas ang pinto ay nakita niya si Emong na ang mga mata ay halatang galing sa matinding pag-iyak. "Anong kailangan mo?"

"Aalis na ako. Babalik na ako sa seminaryo. Kalungkutan ba ang ipababaon mo sa akin?" tanong niya rito.

"Mapipigilan ko ba ang pag-iyak? Mapipigilan ko ba ang malungkot?" tanong rin ang isinagot niya kay Altaire.

"Nasa seminaryo lang naman ako. Hindi naman ako mawawala."

"Kahit na. Iba pa rin siyempre 'yong nandito ka at nakikita kita," naiiyak niyang sabi. "Wala na akong crush."

Napangiti si Altaire. "Alagaan mo ang mommy ko, ha?"

"Paglabas mo ng seminaryo, pari ka na. Waaaaah! I cannot!!!" Umatungal na parang kinakatay na baka si Emong.

"Tahan na." Niyakap siya ni Altaire at hinaplos-haplos sa likod. "Basta, we will always be friends. Malay mo, ako pa ang magkasal sa'yo 'pag ikinasal ka."

Naitulak ni Emong ang seminarista. "Tse! Hindi ako mag-aasawa, 'noh!" Pinandilatan niya ito. Natawa lang si Altaire sa kanyang reaksyon.

"O, paano? Seryoso na... See you soon. Kailangan ko na talagang bumalik doon, eh. Iyon ang calling ko. I can't imagine my future na hindi ako pari."

Marahang napatango na lang si Emong. "Mag-iingat ka lagi..."

"Oo naman." Matamis na matamis ang ngiti ni Altaire na mas lalong nagpaguwapo rito. "Halika na. Ihatid mo naman ako kahit hanggang sa kotse lang. Ihahatid daw ako ni mommy, eh. Sabi ko nga magtataksi na lang ako. Ayaw pumayag."

"Puwede ba akong sumama hanggang seminaryo?"

"Gusto mo?"

Sunod-sunod ang tango niya. "Oo... Oo!"

"Hmm... Sige. Halika na, para 'di kayo gabihin ni mommy pag-uwi."

NANG makabalik na si Altaire sa seminaryo ay nagbago na naman ang pakikitungo ni Emong kay Aldrin. Lagi na lang itong mag-isa sa school at hindi nakikihalubilo sa kanya o maging sa iba pa nilang mga kaklase. Lagi itong humihiwalay sa kanila at kung saan tumatambay nang mag-isa. Katulad ngayon, nakita niya itong nasa isang waiting shed sa gilid ng school gymnasium.

Nilapitan niya ito at kinausap. "Kanina pa kita hinahanap. Nandito ka lang pala. Bakit nag-iisa ka rito?"

"Kanina mag-isa ako rito. Ngayon, dalawa na tayo," mataray nitong sagot kay Aldrin.

"Eto naman... Nag-aalala lang ako sa'yo, sinusungitan mo na kaagad ako."

"Sino ba ang nagsabi sa'yo na mag-alala ka sa akin? Kaya kong pangalagaan ang sarili ko. Hindi mo kailangang buntutan ako." Tumayo si Emong at dinampot ang kanyang mga gamit. Handa na itong umalis pero hinawakan siya ni Aldrin sa braso.

"Teka, sandali!" Hindi niya binitawan ang braso ni Emong.

"Bakit na naman ba?" asik nito sa kanya.

"Ano ba kasi ang problema mo sa akin?" tanong ni Aldrin na puno ng hinanakit ang tinig. "Dati sa province, okay naman tayo, ah. Dumating lang si Altaire, bigla ka na lang nagbago. Noong lumuwas kami ni Maya para makita ka, mukhang okay na ulit tayo. Nagkuwentuhan pa nga tayo noong gabi. Akala ko talaga ayos na, wala nang problema," mapait siyang ngumiti. "Tapos ngayon, bumalik na si Altaire sa seminaryo, biglang nagbago ka na naman. Galit ka na naman sa akin. Hindi ko na alam kung ano na naman ang nagawa ko." Mas lumapit pa siya kay Emong. Halos magdikit na ang mga mukha nila. "Lagi bang nakadepende kay Altaire ang mood mo sa akin? Tapatin mo nga ako. Gusto mo ba ako o hindi? Iyong totoo. Ayoko ng kabaklaang sagot. Sabihin mo na ngayon kung ayaw mo sa akin para kusa na akong iiwas sa'yo," malungkot niyang sabi. Tinitigan niya si Emong nang buong pagmamahal.

Hindi nakasagot si Emong. Ano ba ang isasagot niya ganoong gulong-gulo rin siya sa nararamdaman? Gusto niya si Altaire, kahit umpisa pa lang alam niyang hindi puwede. Kaya ayaw niyang may papasok na iba na mas magpapakomplikado pa sa sitwasyon. Kaya initsapuwera niya si Aldrin. Dahil tingin niya, pampagulo lang ito.

Pero alam niya sa sarili na gusto rin niya si Aldrin. Totoo naman ang sinabi nito na okay sila bago dumating si Altaire sa probinsiya. Nagbago lang talaga siya nang makita niya si Altaire. Bakit ba kasi ang landi-landi niya? Bagay na bagay talaga ang tawag sa kanya ni Maya na Emong Alembong.

"S-sorry, Aldrin..." Hinila niya ang braso niya para mabitawan ni Aldrin at saka siya nagtatakbong palayo rito. Naiwang nakatanga si Aldrin. Tama ba ang narinig niyang sinabi ni Emong? Nag-sorry ito sa kanya.

Isa lang ang ibig sabihin.

Ayaw sa kanya ni Emong. Kahit wala na sa eksena si Altaire ay hindi pa rin siya magustuhan ni Emong.

Nakadama siya ng awa sa sarili. Matagal na niyang tinitiis ang pambabalewala sa kanya ni Emong. Kumbaga, handa na siyang mabasted. Pero hindi niya inaasahang makararamdam pa rin siya ng grabeng sakit sa deretsahan nitong pagtanggi sa kanya.

Hindi namalayan ni Aldrin na dumadaloy na ang luha mula sa kanyang mga mata. Nag-uunahan ang mga ito na makapaglandas sa kanyang pisngi. Hanggang hindi na niya makayanan ang pinipigil na emosyon at tuluyan na siyang napahagulgol.

Emong AlembongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon