NAPATINGIN KAY Emong si Altaire at bahagya itong ngumiti sa kanya. Nag-aalangan man ay ginantihan rin niya ng ngiti ang guwapong seminarista.
"Oo, luto na ang ulam. Umupo ka na riyan at ipaghahain na kita," nakangiting sabi ni Aling Rosita na agad kumuha ng plato at kubyertos para kay Altaire.
Walang imik na umupo ang binata.
Nang makapaghain si Aling Rosita ay muling nagsalita si Altaire. "Sabayan n'yo na po ako. Malungkot kumain nang nag-iisa."
"Emong, sabayan mong kumain si Altaire," utos nito sa anak. "Tanghali na rin naman. Oras na talaga para mananghalian."
"Eh, ikaw po, 'nay?"
"Mamaya na ako. Kumain na kayo ni Altaire." Bumaling siya sa binata. "Kumain ka nang marami, ha? Hindi ka pa nag-aalmusal."
Nahihiyang ngumiti sa kanya ang binata.
"Emong, ikaw na ang bahala rito. Magtutupi lang ako ng mga damit sa kuwarto." Lumakad na siya papunta sa silid.
"Opo, 'nay." Sinundan pa niya ng tingin ang ina. Nang wala na ito sa kusina ay saka niya kinausap si Altaire. "Kumusta?" Parang gusto niyang matawa sa kanyang sinabi. Kinukumusta niya ang isang taong kasama naman niya sa bahay araw-araw. Isn't it amazing? No, mas bagay ang isn't it crazy?
Tinitigan siya ni Altaire at bigla ay parang nahiya siya rito. Hindi niya alam ang sasabihin. "Okay lang, hindi mo kailangang sumagot." Asiwa siyang ngumiti rito.
"I'm good." Sa pandinig ni Emong ay parang hindi naman talaga good si Altaire. Baka iyon lang ang sinabi nito para tapos na ang usapan.
"Sige kain ka na muna. At kumain ka nang marami, sabi ni nanay."
"Kumain ka rin..."
"Oo..." matipid niyang sagot. At wala na silang imikan habang kumakain. Pero paminsan-minsan ay nagnanakaw siya ng tingin sa guwapong seminarista. Crush na crush pa rin niya si Altaire kahit na mukhang napabayaan na nito ang sarili. Napakaguwapo pa rin talaga nito. Ruggedly handsome!
"Ako na ang bahala rito," sabi niya kay Altaire nang makita niyang tapos na itong kumain. "Kung may kailangan ka, sabihan mo lang ako."
"Salamat..." Pagkasabi niyon ay umalis na si Altaire at muling bumalik sa kanyang silid.
"Ano kayang problema no'n?" bulong niya sa sarili. "Ayaw namang magkuwento." Nagkibit-balikat na lang siya at sinimulan nang iligpit ang pinagkainan nila ni Altaire. Hindi pa siya natatapos maghugas ng mga plato at kubyertos nang tumunog ang doorbell. Isinara niya ang gripo at nagmamadaling nagtungo sa gate.
Pagbukas niya ng gate ay ang masayang mukha ni Grace ang sumalubong sa kanya.
Nandito na naman ito, bulong niya sa sarili. Nagsimulang magbago si Altaire mula noong pumunta ito rito."Si Altaire?" tanong nito nang hindi inaalis ang pagkakangiti. Ewan pero napaplastikan si Emong sa kilos ng bisita.
"Nasa loob. Pumasok ka muna," anyaya niya rito. Agad namang pumasok si Grace. Dire-diretso itong naglakad patungo sa salas.
"Maupo ka muna. Tatawagin ko lang si Altaire..."
"Altaire? You don't call him sir?"
Ano ba naman ang babaeng ito at pati tawag niya kay Altaire ay pinakikialaman? "Iyon na kasi ang nakasanayan kong itawag sa kanya." Sinamahan niya ng ngiti ang sagot kay Grace.
"Kahit na. Bilang kasambahay, you should give him due respect." Bahagyang umarko ang kilay ng babae. Kitang-kita iyon ni Emong at umakyat ang dugo sa ulo niya.
"Hindi lang naman sa pagtawag ng sir maipapakita ang respeto. Ikaw, puwede kitang tawaging ma'am, senyora o senyorita pero hindi ibig sabihin no'n ay nirerespeto kita," mataray na pahayag ni Emong. Bahala nang mapagalitan siya ng nanay niya pero hindi niya palalampasin ang kamalditahan ng Grace na ito.
"So, that's how you treat your master's guest? So disrespetcful!" Kulang na lang ay mangalmot ang babae.
"Ano bang ipinaglalaban mo, 'teh? Si Altaire nga hindi nagde-demand na tawagin ko siyang sir. Ang gawin mo, maupo ka diyan at tatawagin ko si Sir Altaire," ipinagdiinan niya ang salitang sir. Iniwan niya ang babae at umakyat ng hagdan papunta sa silid ni Altaire.
Kumatok siya ng tatlong beses sa pinto. "Altaire... May bisita ka."
Ilang saglit lang ay bumukas ang pinto.
"Nandiyan si Grace. Hinahanap ka," sabi niya kay Altaire.
"Ha?" Hindi alam ni Emong kung nabingi na ba ang kausap niya.
"Sabi ko, nasa salas si Grace."
At saka lang parang natauhan si Altaire. "Sige, bababa na ako..."
Umalis kaagad si Emong at nagkulong sa kanyang kuwarto. Siguradong magsusumbong ang Grace na 'yon kay Altaire. At hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito. Magagalit ba si Altaire sa kanya? Ang alam niya, mahal na mahal ni Altaire si Grace at umiyak ito noong mag-break sila. Kaya malamang na kay Grace kakampi si Altaire kapag isinumbong siya nito sa binata.
"Ah, bahala sila!"
Malawak ang matamis na ngiti ni Grace nang makita si Altaire. Lumapit pa siya rito para humalik sana sa pisngi pero umiwas ang binata.
"What brought you here?" tanong ni Altaire sa parang tinatamad na boses.
Sumimangot si Grace. "Para namang hindi ka masaya na nagpunta ako rito. Na-miss kasi kita, masama ba 'yon? Hindi ba dati naman, ikaw ang laging nagsasabi sa akin na sobrang miss mo na ako?"
"Grace, let's set this straight. Wala na tayo. Matagal na. At alam mo ang rason kung bakit. In few months time, babalik na ako sa seminaryo para ituloy ang pagpapari ko," diretsahang sabi niya sa ex-girlfriend. "Huwag nating gawing mahirap ang sitwasyon."
"Babalik ka pa sa seminaryo? My God, Altaire! Kung noon pumayag akong makipag-break ka sa akin kahit ayaw ko, puwes hindi na ngayon. Pumayag ako noon dahil girlfriend mo lang ako. Wala kang mabigat na obligasyon sa akin. But now? Altaire, hinding-hindi ako papayag na lumabas sa mundong ito ang anak ko nang walang kikilalaning ama!"
Parang binagsakan ng langit si Altaire. Pakiramdam niya ay biglang lumaki ang ulo niya. Ang mga mata niya'y nanlalaki na tila nakakita ng multo. Gusto niyang isigaw na nagbibiro lang si Grace. This is just a joke.
"You heard it right, Altaire. I'm pregnant and you are the father of this child. At nandito ako para ipaalam sa'yo na kailangan mong panagutan ang dinadala ko or else ipalalaglag ko ito! Hindi ako nagbibiro, Altaire I'm going to abort this child!"
BINABASA MO ANG
Emong Alembong
General FictionHindi siya nagbibinata. Hindi rin nagdadalaga. NAGBIBINAKLA! Rank 88 in Gen Fiction - Dec 20, 2017 Rank 171 in Gen Fiction - Oct 2, 2017 Rank 146 in Gen Fiction - Oct 1, 2017 Rank 212 in General Fiction (May 8, 2017)