BIGLANG NATAKAM si Emong sa tila masarap na pagkaing nasa kanyang harapan. Hindi niya inasahang ganito pala kaganda ang katawan ni Aldrin. Gusto sana niyang bumalik sa loob ng kuwarto pero huli na. Nakita na siya ng kanyang kaklase.
Nagulat si Aldrin nang makita si Emong na nakatingin sa halos hubad niyang katawan. Agad niyang ipinulupot ang tuwalyang hawak sa kanyang baywang.
"Sorry, akala ko kasi tulog na kayo," paghingi niya ng paumanhin. Pakiramdam niya ay pulang-pula ang kanyang mukha.
"W-wala 'yon. Kukuha lang sana ako ng tubig. Hindi ko alam na gising ka pa... rin." Lumakad na siya patungo sa ref.
"Ah, Emong..."
Napahinto sa paglalakad si Emong. Nanuyo bigla ang kanyang lalamunan. "Ano iyon?"
"Itatanong ko lang kung inaantok ka na ba?"
"Ahm, hindi pa naman." Hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan. "Bakit?"
"Yayayain sana kitang magkwentuhan muna. Pero pumunta ka na muna sa ref at kumuha ng tubig. Napako ka na riyan sa kinatatayuan mo, eh." Sinundan niya iyon ng mahinang tawa.
"Ah, oo nga pala..." Nagmamadali siyang kumuha ng tubig sa ref at agad na uminom. Hawak pa rin niya ang basong may lamang tubig nang muling magsalita si Aldrin.
"Ano, puwede ba tayong mag-usap?"
"A-ano ba ang pag-uusapan natin?" Sumagot siya nang hindi nililingon ang kausap.
"Kahit ano. Tungkol sa'yo... tungkol sa akin. Sa atin."
Humarap siya kay Aldrin at pilyong ngumiti. "Sige, pero magbihis ka muna." Inginuso pa niya ang bahagi ng katawan ni Aldrin na natatakpan ng tuwalya.
"Naku po! Oo nga pala. Nakalimutan ko nang magbihis." Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa salas at kinuha ang kanyang damit at mabilis na isinuot. "Ayan, okay na ako." Tabingi ang pagkakangiti niya kay Emong. Halatang nahihiya siya rito.
Umupo si Emong sa sofa. Tumabi sa kanya si Aldrin.
"Anong gusto mong pag-usapan?" magkasabay nilang sabi tapos ay sabay din silang natawa.
"Sige na, mauna ka nang sumagot," pagbabaubaya ni Emong.
"Kahit ano lang. Ang totoo, gusto lang naman kitang makasama..." Nahihiya pa rin si Aldrin. Alam niyang hindi pa rin naaalis ang pamumula ng mukha niya mula sa nakahihiyang itsura niya kanina na nakita ni Emong.
Bago pa nakapagtanong si Emong ay nagsalita na ulit si Aldrin. "Alam mo naman kung bakit, 'di ba?"
"Ha?" Napailing-iling siya. "Hindi..."
"Alam mo 'yun. Ayaw mo lang aminin kasi hindi mo 'ko gusto." Napayuko siya pagkasabi noon. Hindi niya kayang tingnan nang diretso si Emong. "Si Altaire ang gusto mo. Kahit malabo na maging kayo."
Nakikinig lang si Emong.
"Suwerte nga ni Altaire. Hindi niya kailangang mag-effort. In an instant gusto mo na siya," malungkot sa sabi ni Aldrin.
"Crush ko lang naman si Altaire..."
"Ako, hindi."
"Mabait siya at masayang kausap..."
"Ako ba hindi?"
"Hindi ko naman sinabing hindi ka ganoon."
"Pero hindi mo pa rin ako nagustuhan..." Nag-angat siya ng mukha at kitang-kita niya si Emong na nakatingin sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. "Hindi mo ba talaga ako magugustuhan?"
BINABASA MO ANG
Emong Alembong
Ficção GeralHindi siya nagbibinata. Hindi rin nagdadalaga. NAGBIBINAKLA! Rank 88 in Gen Fiction - Dec 20, 2017 Rank 171 in Gen Fiction - Oct 2, 2017 Rank 146 in Gen Fiction - Oct 1, 2017 Rank 212 in General Fiction (May 8, 2017)