BINALOT ng hilakbot ang buong pagkatao ni Aling Rosita. "Ang anak ko! Anong nangyari sa anak ko?"
"Nabundol siya ng traysikel, Aling Rosita. Nasa ospital na po si Emong ngayon," sagot ng bata.
Napatingin si Aling Rosita kay Altaire na tila nagpapasaklolo. Agad namang nag-alok ng tulong ang seminarista. "Puntahan na po natin siya sa ospital." Bakas sa mukha ni Altaire ang pag-aalala. Sa maikling panahon ng pagkakakilala nila ni Emong ay kaibigan na ang turing niya rito.
"Salamat, Altaire. Teka lang at kukunin ko ang pitaka ko sa kuwarto." Nagmamadaling pumasok ang ina ni Emong sa loob ng bahay.
"Aalis na ako, kuya." Nagpaalam na ang bata kay Altaire.
"Sige, salamat sa'yo. Mag-iingat ka."
"Opo." At tumakbo na papalayo ang batang lalaki.
Hindi naman nagtagal at lumabas din kaagad si Aling Rosita.
"Nanginginig po kayo, Aling Rosita. Okay lang po ba kayo?" tanong ni Altaire.
Tumango ang ina ni Emong. "Oo, okay lang ako. Kinakabahan lang ako ng sobra."
"Huwag po kayong masyadong mag-alala. Magiging maayos rin ang lahat," pagpapakalma ng binata sa kausap.
"Sana nga maayos ang lagay ng anak ko."
"Tayo na po." Si Altaire. Pinara niya ang unang traysikel na dumaan at sumakay silang dalawa. "Sa ospital po tayo."
SA INFORMATION desk agad na nagtungo sina Altaire at Aling Rosita.
"Nasaan po si Guillermo Flores, 'yung nabundol ng traysikel? tanong ni Aling Rosita sa receptionist.
"Nasa operating room pa siya. Hintayin n'yo na lang po na lumabas sa operating room ang doktor."
"Diyos ko, 'wag mong pababayaan ang anak ko," naiiyak na usal ng ina ni Emong.
"Gusto mo po bang pumunta muna tayo sa chapel? Magdasal tayo doon," alok ni Altaire.
"Oo sige," pagsang-ayon ni Aling Rosita.
Habang papunta sa chapel ay nakasalubong ng dalawa sina Maya at Aldrin.
"Aling Rosita!"
"Maya! Anong nangyari? Paanong nabundol ng traysikel si Emong?"
"Naglalakad po kami pauwi. Hindi po namin namalayan nang bigla na lang dumating 'yong rumaragasang traysikel. Nawalan po yata ng preno, nahagip si Emong," mangiyak-ngiyak na kuwento ni Maya. "Sorry po, Aling Rosita. Wala po kaming nagawa para maiwasan ni Emong 'yong traysikel."
"Huwag mong sisihin ang sarili n'yo. Aksidente ang nangyari. Wala namang may gusto na mapahamak ang anak ko. Nag-aalala lang talaga ako sa kalagayan n'ya."
"Nasa operating room pa po siya. Napuruhan po ang paa niya," sabi ni Aldrin. "Pero hindi pa po tayo sigurado kung paa lang niya ang apektado. May sugat din po siya sa ulo."
"Pupunta kami sa chapel. Kayo ba?" tanong ni Aling Rosita.
"Uuwi po sana muna kami," maikling sagot ni Maya. "Pero babalik po kami mamaya."
"Ganun ba? O, sige mag-iingat kayo, ha?"
"Balik na lang po kami mamaya, Aling Rosita," sabi ni Aldrin.
Tumango ang matandang babae. "Salamat sa inyong dalawa."
Ngumiti sina Aldrin at Maya sa nanay ni Emong bago tuluyang naglakad papalabas ng ospital.
"Sana walang grabeng pinsalang tinamo si Emong," nag-aalalang sabi ni Aldrin habang naglalakad sila ni Maya. "Naiinis ako sa sarili ko, wala man lang akong nagawa para hindi siya nasagasaan nung tricycle."
BINABASA MO ANG
Emong Alembong
Fiksi UmumHindi siya nagbibinata. Hindi rin nagdadalaga. NAGBIBINAKLA! Rank 88 in Gen Fiction - Dec 20, 2017 Rank 171 in Gen Fiction - Oct 2, 2017 Rank 146 in Gen Fiction - Oct 1, 2017 Rank 212 in General Fiction (May 8, 2017)