T. A. E.

3.6K 19 2
                                    

    Makaraan ang ilang oras, ubos ng laman ng maliit na lamesita sa sala, pa-sapit na rin ang dilim, at halos wala pang mga kasambahay namin – tila hindi nanaman ako mapakali. Paulit-ulit na umiikot sa utak ko ang mga numero ng silid ni Carmen. 438….438…438. Parang nanggagago. Parang nanga-asar.

   Isang linggo akong nag-ipon. Tapos wala? Tae. Balisa kong tinahak ang sarili kong silid sa pinaka-mataas na bahagi ng boarding house – rooftop na pinatayuan ng maliit na kwarto’t palikuran. Parang penthouse. Di miminsang umiwas ako sa ilang basang lugar sa semento. Dito din kasi ang nagsisilbing labahan namin.

   May kalamigan na ang hangin sa mga oras na yon. Pero mainit parin ang ulo’t kalamnan. Palibhasa naman – aapitin mo na, naunsyami pa.

   Mataman kong pinagmasdan ang mga gusali sa paligid, nagkokompetensya sa laki at kinang sa gabi. Hindi na rin bago sa akin ang ganitong tanawin. Ito yata ang karamay ko sa bawat gabing sawi – sawi sa grades, sawi sa babae. Si Carmen na nga lang ang natitirang salbasyon ko. Kolehiyo na ko pero gang ngayon di pa tuli – este nayayari. Tapos ganun lang. Tae talaga.

   Parang ulol naman ang utak kong biglang naalala ang litratong pinaabot ng isang kaklase nung isang buwan – ang unang pagkakataon na masilayan ko ang ganda ni Carmen. Parang dyosang bumaba sa lupa. Katamtaman ang liit at sakto sa laki ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan, mapupulang mga labi na tila babad sa sariwang dugo at mapupungay na mga matang tila hindi nawawalan ng kinang. Ilan lamang yan sa mga kaakit-akit na asset ni Carmen.

   Napabuntong hininga akong muli. Malayo ang isip. Magulo. Frustrated na parang ewan. Tae – tae – tae…

   Bale sa puntong iyon hindi ko halos napansin ang – o sadyang ayaw ko lang pansinin ang mga nagaganap na pagkaluskos sa aking likuran. Hanggang sa ito’y magdulot ng napaka-lakas na ingay na akala mo may nag wre-wrestling federation sa loob ng mga nagpatong-patong na mga kahon sa isang sulok.

“Pst! Huy!!” asar akong napa-sigaw.

   Bahagyang humina ang kaluskos, pero hindi tumitigil. Nagpaindayog pababa at pataas sa aking paningin ang mga naturang kahon – tila naghihikaos sa paghinga.

  Bigla akong kinilabutan, kasabay ng malamig na bugso ng hangin mula sa itaas.

“Hoy sino yan? Tangna.”

  Mataman kong inabot ang uuga-ugang kahon

“Kanina ka p-!”

   Napaatras ako ng biglang may tumalong kulay itim mula sa likod ng mga kahon. Isang itim na pusa. Namputsa. Pusa lang pala.

“Shoo!”

   Tinalikuran ko na itong muli. Pero ang hindi ko maintindihan ay ang patuloy na pag-taas ng balahibo ko sa mga paa. Parang nitong umaga. Gusto na nilang tumakbo. Balisa kong dinukot ang natirang yosi sa bulsa. Pampa-kalma.

“Bat andito ka pa? Alis dyan!” Sabay hagis ng walang laman na kahon ng Malboro.

   Tumindig lamang sandali ang itim na pusa. Tumingin ito ng diretso sa aking mga mata na siyang nagpa-nginig sa akin. Bago pa kumonekta ang kahon rito, lumundag na itong muli paalis. Paglingon ko, wala ng pusa…

  Bigla kong naramdaman ang sarili kong mga paa na patakbo na papasok sa loob. Mabilis kong inabot ang handle ng screen door. Mas malakas pa sa ingay ng trapiko sa baba ang bilis ng pintig na humahawi sa aking tenga habang patuloy kong pinepwersa ang pintuan pabukas.

“PUTA*na! Naka-lock?!”

   Nanlamig akong bigla. Parang manhid ang mga daliri na pinipilit pa ring buksan ang pintuan. At doon ko na mismo napansin – na kahit pala tila palakas ng palakas ang bugso ng hangin kanina pa, wala ni isa man sa mga nakasampay sa mga alambre ang gumagalaw.

   Napalunok ako. Marahan kong nilingon ang pinanggagalingan ng malakas na hangin.

“Anak ng-?! Tito!!! Tito!!! Tito!!!!”

   Halos mawala ako sa bait sa pagwawala mabuksan lamang ang pintuan. Palakas ng palakas ang paghampas ko sa manipis na screen, wala ng paki-alam kung masira pa to o mabutas.

“TULONG!!! Tito!!! Tito!!! BUksan nyo tong pinto!!! TiiiTO!!!”

   Mabilis ang kaluskos na mula sa aking likuran. Ramdam na ramdam ko ito habang papalapit sa akin. Mas lalo akong nanlamig, mas lalong tila namanhid ang mga kamao sa kaka-suntok ng pinto. Mas nilakasan ko pa ang paghila rito – hanggang sa marinig ko nga ang unti-unting pagkasira ng maliliit na turnilyong nagkakabit sa screen at sa kahoy na pundasyon ng silid.

  Marahas ko itong kinabog-kabog, sinipa-sipa at panay parin ang sigaw ko.

“TITO!!!!!”

   Palapit na siya sakin. Isang hininga nalang. Naramdaman ko ang pagtigas ng bawat ugat sa aking mga binti. Parang yelo. Napaka-lamig. Parang de-kuryente namang nagsitayuan ng tuluyan ang bawat balahibo’t libag sa buo kong likuran.

  Matinding takot na hindi maipaliwanag. Parang asidong binuhos sa buo kong katawan. Parang nakaka-paralisang sakit na biglang kumulong sakin. Hindi ako maka-galaw. Hindi maka-hinga. Isang impit na sigaw na lamang ang nagawang lumusot mula sa tuyot na lalamunan…

“Mael? Ano ba yan, ba’t ka ba nagsisi-sigaw dyan?”

   Isang kumpas – dalawa, tatlo, mula sa pagiging marahas hanggat sa naging ilusyon nalang ang lahat, nawala ito. Matagal pa kong nakahawak sa pintuan bago rumehistro sa utak kong malabo ang lahat.

“Mael! Huyy!” sigaw nila mula sa ibaba.

  Puno ng nginig, napilitan na rin akong silipin ang pinanggagalingan ng panibagong ingay. Naroon sa harapan ng bahay ang ilan sa mga senior citizen ng boarding – sila Kuya Toots na may hawak-hawak pang plastic ng kakanin.

“Ano Mael, bubuksan mo ba kami?”

   At si Kiko Man, ang maitim na kalbong katabi ni Kuya Toots. Napa-pikit-pikit nalang ako. Mabilis na hinawi ng paningin ang paligid. Wala pa ding pagbabago. Naroon parin ang mga naka-sampay. Ni hindi man lang nakusot. Naroon pa rin ang yosi sa pagitan ng aking hintuturo’t daliri. Nanginginig parin.

“Ano ba Mael? Bilisan mo naman, kanina pa kami ditto!” Sigaw nila Kuya Toots mula sa baba.

   Umikot na rin ako, hawak sa pintuan na milagrosong bumukas. Doon ako napa-tigil. Anong klaseng tae bang naganap kanina? At ano yung lumilipad na taeng nakita ko?

>>>Itutuloy

     (Pasensya na po kung ubod ng bagal ang update ng Carmen. Marami pong salamat sa pagsubaybay….

                                                                                                   +LisL+ )

Carmen Room 438 (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon