Dasalan
Umatras abante ang ilang magarang sasakyan para lamang sulyapan ang kasa-kasama naming tatlo. Hindi lamang kalalakihan ang napapatingin kay Carmen kundi pati na rin mga babaeng parang tangkay at halamang walang kulay kung ikukumpara sa kanya. Maingat naman ang dalawang kumag sa pagaasikaso sa aming dyosa na tila ito’y mamahaling antigo na kinakailangang protektahan, akayin at ipagbukas ng marahan ng pinto kung kinakailangan.
Hindi rin naman lingid sa pansin ng dalaga ang atensyong ibinubuhos sa kanya. Napaka-hinhin nito, di makabasag-pinggan, taliwas na taliwas sa kwento ni Manong na ito pala ay nangangain ng tao at ako ang balak niyang pagpyestahan ngayong gabi.
“Ang daming tao” pagbanggit ni Kuya Toots pagkarating namin sa harap ng simbahan. Tagos hanggang labas ang mga nagsisimba ngayong gabi. Ang ilan pa nga ay naki-upo na lamang sa mga nagtitinda ng pandesal at sampaguita sa labasan.
“Ang sabi ko kasi kanina dumiretso na tayo. Nak nang. Pano tayo makakapasok nyan?”
Nagyaya pa kasi ang dalawang walang kwentang kumag na magmeryenda bago pumunta. Gutom na gutom na daw kasi si Kiko Man dahil hindi pa to kumakain buhat kaninang umaga. Tanging may toyo’t suka lang sa utak ang magpapagutom dahil tinatamad raw itong bumaba ng pent ng mag-isa.
“Ok lang sakin ang maupo ditto sa labas, Mael” matamis na ngiti ni Carmen sa akin sabay hawak ng mahinhin sa kanang braso ko.
Espesyal din ang naging pagtrato sakin ng dalaga buong araw. Ni hindi nito halos kinakausap ang iba at ni hindi nito sinusulyap ang mga nagpapa-swit sa kanya. Basta’t nakatutok paibaba ang kanyang tingin, takip na takip ng mahahabang pilik-mata ang mga mata. Lilingap lamang ito kapag ako na ang nagsalita.
Maka-ilang beses din akong halos mamatay sa paniniko at pananakal ng dalawa ko pang kasama. Panay ang kantyaw ni Kiko Man na nagpapamula sa mga pisngi ni Carmen. Subalit hindi naman ito ang ipinunta ko talaga sa simbahan. Minsan sa isang taon lang ako magawi ditto. Ngayon, dahil may mabigat akong problema.
Ibinulsa ko ang aking kamay para sunggaban ang maliit na boteng ibinigay sakin kanina ni Manong. Kailangan ko itong punuin ng agua bendita para ibasbas mamya sa buong paligid ng pent at sa lahat ng pintuan at bintana ng buong boarding house. Napag sabihan ko na rin kanina bago kami umalis ang tiyahin kong hindi maitago ang tuwa sa nakitang kagandahan ni Carmen. Malamang nakapag-dikdik na yon ng bawang at asin. Ilang bigkis din naman ang ipinamigay ni Manong para lamang sa operasyon namin ngayong gabi.
Tanging ang pent na pinamamahayan naming tatlo nila kuya Toots at Kiko Man lang ang pwepwedeng pasukin ng mga kampon ni Carmen ngayong gabi. Nakalkula ko nang lahat. At nagawa kong iambang ang lahat ng kakailanganin namin mamayang gabi.
“Ano Mael, uupo ka ba sa tabi ng dyosa o hahayaan mo na talagang iba ang lumapa sa kanya?” pabulong ng malakas ni Kiko Man sa kaliwang tenga ko. Nakahampas pa ang braso saking balikat. Kung bat kasi sumama pa tong dalawa?
“May kailangan lang akong lakarin sa loob”
“Sasama ako” biglang tayo ni Carmen mula sa kinauupuan.
Napatulala ang lahat. Napatingin naman ang ilang mga di pinalad na makakuha ng upuan sa loob sa kanya at sa marahan ngunit eleganteng pagtabi nito sakin. Agad na humalukipkip ang kanyang mga daliri sa kanang braso ko. Medyo napa-atras ako ng kaunti. Nahalata yata iyon ng dalaga kaya nagbaba siya ng tingin.
“Wag na. Saglit lang ako sa loob.”
Isang malutong na sapok sa batok ang binigay sakin ni Kuya Toots na hindi na marahil masama ang loob sa husga ng Dyos.
BINABASA MO ANG
Carmen Room 438 (Editing)
Paranormal"Peste! Aswang pala kala ko pwede!" - Mael (ang bida ng kwento) May Book 2 na po ito... Please read also Kalye Zamora. Thanks!