KABANATA IX
--------
DALAWANG araw ang matuling lumipas. Nakaupo sa harap ng isang makeup table si Margaret Estrada. Isang salamin at iba't ibang klase ng makeup ang nasa harap niya. Sa kaniyang gilid naman ay nakatayo ang celebrity makeup artist na si Hans Uy. May hawak itong maliit na makeup brush.
"Dear, pikit na muna para ma-achieve ang smokey eyes na gusto mo," ani Hans.
"Okay," aniya.
Katulad nga ng sinabi ng makeup artist niya ay ipinikit na ni Margaret ang mga mata. Ilang saglit pa'y naramdaman na niya ang paglagay ni Hans ng eye shadow sa talukap ng kaniyang mga mata. Sa pwesto niyang iyon ay dinig niya ang tila mga bubuyog na tunog ng mga taong naghuhuntahan sa labas ng silid kung nasaan siya.
"Lumabas ako kanina, ang dami ng fans. Sana sa mas malaking lugar ang meet and greet, 'no?" saad ni Hans sa kaniya.
"It's okay, Hans. Baka naman hindi ko mapuno ang venue kapag sa mas malaki," pabiro niyang sagot dito.
Natawa rin ang bading na makeup artist sa tinuran niya.
"I highly doubt that. Ang balita ko lumakas daw ang sales ng Maybeline mula noong pinalitan na 'yung dating model at ikaw na ang ipinalit," dagdag nito.
Sa loob nga ng ilang oras ay gaganapin ang meet and greet niya sa kaniyang mga fans para sa iniindorsong makeup product. Sa branch ng Maybeline sa isang malaking mall nga gaganapin ito.
Ngiti na lamang ang itinugon na niya kay Hans. Ipinirmi niya ang mukha at hindi na gumalaw pa para hindi masira ang makeup. Maya-maya lang ay naramdaman na niya ang paglagay nito ng liquid eyeliner.
"H'wag ka muna dumilat dear. Nakalimutan ko pala 'yong curling iron sa kotse. Saglit lang, ha? Hihiram lang ako sa salesday, I'm sure there's one though," paalam nito sa kaniya.
"Uh okay," sagot niya rito.
Ilang saglit lang ay narinig na niya ang pagbukas at sarado ng pintuan sa hindi kalayuan. Kung hindi siya nagkakamali'y mayroon pang tumili. Sa isip-isip niya'y may isang fan marahil ang nag-akalang siya na lumabas mula sa dressing room.
"Woah, parang lumamig ata," aniya sa sarili sabay hagod ng mga kamay sa magkabilang braso.
Kasalukuyan pa rin siyang nakapikit sa mga oras na iyon. Ramdam pa rin niya kasi na hindi pa tuluyang natutuyo ang eyeliner na ipinahid ni Hans. Ayaw naman niyang magbaka-sakali at baka sa huli'y kumalat lamang ito sa mga mata niya.
Ramdam ni Margaret ang biglaang paglamig sa kaniyang paligid. Kakaibang lamig iyon na nagpatayo sa mga balahibo niya sa katawan. Alam naman niyang may nakabukas ang aircon sa loob ng silid ngunit hindi iyon ganoon kalamig bago lumabas si Hans. Isa pa'y kahit hindi niya nakikita'y nasisiguro niyang walang ibang tao roon upang lakasan iyon. Tutal maririnig niya ang langitngit ng pintuan kung sakali man na may pumasok na iba.
BINABASA MO ANG
A Demon's Child [A Demon's Touch Book 2 Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara sa kamay ng isang demonyo'y nagbunga ng isang sanggol. Si Anya. Kaakit-akit ang taglay niyang kagandahan na siyang magiging daan upang makabalik siya sa lugar kung saan nagsimula ang lahat. Kung saan...