ANG SIMULA
****
"FRED, natatakot ako. A-Anong gagawin natin?" balisa ang boses na wika ni Wilma sa kanyang kapatid.
Nanginginig ang kamay niyang hinaplos ang braso nito. Mababakas sa kanyang mga mata ang labis na takot habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa katawan ng walang buhay na pamangkin at kay Fred. Ang huli'y tila naestatwa na sa kinatatayuan habang ang mga mata'y nakatutok din sa hindi kaaya-ayang tanawin na iyon.
Si Lara. Ang walang buhay na katawan ng dalaga. Nakahimlay ang kanyang bangkay sa isang lumang papag sa maliit na silong sa likod-bahay. Nakasarado ang talukap ng mga mata at mababanaag ang itim na linyang iniwan ng lubid na kumitil sa buhay nito. Naglalawa rin ang pulang likido sa magkabila nitong mga hita.
Ilang saglit pa'y narinig ni Wilma ang paghugot ng buntong-hininga ng kapatid. Nagulat pa siya sa biglaan nitong paghawak sa magkabila niyang balikat. Mariin.
"F-Fred..."
"Makinig ka, ate." Matigas ang boses na sambit ni Fred. Puno ng awtoridad. Diretso ang seryoso niyang mga mata na nakatitig kay Wilma. "Walang dapat makaalam nito. Hindi nila maaaring malaman ang nangyari kay Lara. Naiintidihan mo ba?"
Uminit ang sulok ng mga mata ni Wilma. Naiintidihan niya ang ibig sabihin ng kapatid. Alam niyang pagpipiyestahan ng lahat ang istoryang ito kung sakaling lumabas ang katotohan. Hindi ang tungkol sa pagpapatiwakal ng pamangkin ang kanyang inaalala kung hindi higit pa roon.
"Alam ko, Fred. Alam ko," halos pabulong niyang sagot. Muli niyang nilingon si Lara. Pinasadahan niya ito ng tingin mula sa maamo nitong mga pababa sa magkapantay nitong mga paa.
Napapikit siya nang mariin nang muling magflash sa kanyang isip ang natunghayang nakalambitin na katawan ng pamangkin sa puno caimito ilang oras lang ang nakakaraan. Nakakagimbal ang eksenang iyon na alam niyang kailanman ay hindi na mawawaglit sa kanyang isipan. Na habangbuhay siya nitong gagambalain kahit sa pagtulog.
"Ililihim natin ang lahat. Hindi natin ito sasabihin kahit kanino. Kahit sino. Nagkakatintindihan ba tayo, ate?"
Hindi kumibo si Wilma.
Tila hinahalukay ang buo niyang pagkatao pagkatapos ilahad ng kapatid ang nais nitong mangyari. Paano niya maaatim na itanim sa isipan ng mga tao na umalis si Lara nang walang paalam? Na ipagkalat ang kasinungaling nagpakalayo-layo ito sa lugar na hindi niya alam dahil sa labis na kalungkutang naidulot ng kamatayan ni Lola Caridad?
"Ate, magsalita ka naman." Tila nagpipigil na saad ni Fred. Bahagya pa niyang ginalaw ang mga kamay sa balikat ng kapatid upang makuha ang buo nitong atensyon. "Walang ibang paraan. Kailangan nating gawin 'to para sa ikatatahimik ng lahat. Naiintindihin mo ba?"
Nanginginig ang kamay ni Wilma na isinuklay ang buhok. Nanatili roon iyon dahilan upang kumapit ang pawis ng kanyang anit.
"Si Lara..." Napasinghap siya. "Ganoon na lamang ba 'yon? Ibabaon na lamang natin siya na parang patay na aso sa likod-bahay? Nakakapangilabot. Pamangkin ko 'yan Fred. Kadugo 'yan ng asawa ko. Si Lara 'yan. Hindi siya ibang tao sa'kin."
"Anong gusto mong gawin ko? Magsisigaw ako r'yan sa labas?" Mababa ngunit mariin ang boses na wika ni Fred. Itinuro pa nito ang daan patungo sa bahay ng mga Hermoso kung saan kasalukuyang nakaburol si Lola Caridad. "Ipangalandakan ko sa lahat na nagpakamatay ang pamangkin mo? Na habang nakabitin siya sa lintek na punong 'yon, nagdadalang-tao siya?"
"F-Fred, hindi mo ko naiintindihan---"
"Naiintindihan kita pero intindihin mo rin ang sitwasyon. Sinong maniniwala na nagsilang ng sanggol si Lara nang ganoon kabilis? Kung maniwala man sila, sa tingin mo ba pabor iyon sa inyo? Hindi! Isusumpa kayo ng lahat. Iiwasan ka, ang mga anak mo, ang bahay na 'yan!"
"Bakit ba nangyari ang lahat ng 'to sa'tin?" puno ng hinanakit na saad ni Wilma. Garalgal na ang kanyang boses habang patuloy ang pagbagsak ng masaganang luha sa kanyang mga pisngi.
Napasalampak siya sa matigas na lupa. Hindi alintana ang duming maaring kumapit sa kanyang kasuotan.
"A-Ate, hindi makakatulong 'yan ngayon. Magpakatatag ka," pag-alo ni Fred. Mahinahon na ito.
"Natatakot ako. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa susunod. Demonyo lang ang maaaring gumawa niyan. Demonyo, Fred, demonyo."
Natigil sa kanyang paghikbi si Wilma nang marinig ang impit na iyak ng isang sanggol. Kapwa sila nahintakutan. Ano't sa narinig ay muling gumapang matinding takot sa buo niyang katawan. Lumakas ang tahip ng kanyang dibdib. Kahit nanghihina't pigil ang paghinga'y nagawa pa rin niyang tumayo sa kinasasalampakan. Mabilis niyang idinako ang paningin sa gilid ng bangkay ng pamangkin. Doon nila inilapag kanina ang hindi humihingang sanggol na babae.
Buhay siya.
Buhay ang anak ni Lara. Buhay ang anak ng demonyo.
BINABASA MO ANG
A Demon's Child [A Demon's Touch Book 2 Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara sa kamay ng isang demonyo'y nagbunga ng isang sanggol. Si Anya. Kaakit-akit ang taglay niyang kagandahan na siyang magiging daan upang makabalik siya sa lugar kung saan nagsimula ang lahat. Kung saan...