KABANATA I

9.6K 215 0
                                    

KABANATA I

__________

HALOS kalahating oras na ring nakahilig si Anya sa headboard ng kanyang queen size na kama nang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa sa kanyang silid. Bagaman nakapikit ang mga mata't mayroong nakasalpak na headset sa mga tainga'y nasisiguro niyang may pumasok doon.

"Ate?" aniya.

Walang sumagot. Iniulit pa niya ang pagtawag ngunit sa ikalawang pagkakataon ay wala pa rin siyang nakuhang tugon sa nakakatandang kapatid. Si Donna, ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid at ngayon nga'y kasama niya sa kabibili lamang na condominium unit sa Maynila.

Ipinagkibit-balikat niya ang nangyari. Ni hindi na rin niya nagawa pang sumulyap kahit isang beses man lang sa sobrang pagod. Pakiramdam niya'y napakabigat ng buo niyang katawan sa halos maghapong pictorial para sa movie poster ng susunod na pagbibidahang pelikula.

Ilang minuto pa ang lumipas ay kakaibang pakiramdam ang sumalakay sa kanya. Tila bumigat ang hangin sa paligid. May kung anong bumalot sa loob ng silid na iyon na para bang nagpapabagal sa kanyang paghinga na hindi niya maintindihan.

"Anya..."

Kasabay nang pag-alingawngaw ng malamig na boses na iyon sa kanyang tainga'y ang biglaan niyang pagdilat. Napabalikwas siya mula sa pagkakahilig sa kama. Mabilis niyang tinanggal ang kulay itim na headset at hinayaan iyong nakasabit sa kanyang leeg. Panay pa rin ang pagtunog dito ng isang banyagang awit.

"Ate?" wala sa sarili niyang tawag habang palinga-linga sa kabuuan ng kanyang silid. Gayunman, nasisiguro niyang lalaki ang pinagmulan ng boses na iyon.

Ngunit paanong magkakaroon ng lalaki sa unit niya sa ganitong oras? Nakumpirma niyang pasado alas-diyes na ng gabi ang oras nang mahagip ng kanyang paningin ang digital clock na nakapatanong sa sidetable.

"Anya..." mas mahinang sambit muli ng tinig. Malamig. Tila nanggagaling sa isang napakalalim na hukay.

Hindi naman iyon kalakihan para mahirapan siyang malaman kung may tao nga ba o wala ngunit nag-abala pa rin siyang tapunan ng tingin ang bawat sulok ng silid. Malinaw na malinaw ang tinuran ng tinig na iyon. Tinawag nito ang kanyang pangalan sa paraang sa tingin niya'y minsan na niyang narinig. Kung kailan iyon, hindi niya alam. Ang nasisiguro lamang niya'y pamilyar ito sa kanya. Iyong tipong parte na ng kanyang pagkatao.

"A-Ate, nandiyan ka ba?" kinakabahang tanong niya sa kawalan. Lumikot ang kanyang mga mata sa paligid.

Maya-maya'y hinawi niya ang kulay rosas na kumot na bumabalot sa kanyang katawan. Tuluyan na rin niyang tinanggal ang headset mula sa kanyang balikat at ipinatong iyon kasama ng portable music player sa ibabaw ng lamesita. Kahit unti-unti na siyang nakakaramdam ng takot ay napagpasyahan niyang bumangon.

Maliban sa malamig na sahig ay kaagad siyang nakaramdam ng kakaibang klase ng lamig. Nanuot iyon sa kanyang kalamnan nang dumampi sa nakalantad niyang mga braso na siyang kitang-kita sa suot na sando at maikling shorts. Bahagya siyang natigilan nang mapagtanto kung saan nagmumula ang hangin.

Mabilis niyang nilingon ang pintuang gawa sa salamin patungo sa balkonahe. Kataka-takang nakabukas ang sliding na salamin doon kahit sa pagkatatanda niya'y palagi iyong nakakandado. Malayang nakikisayaw sa hangin ang ga-sahig na kulay kremang kurtina.

"Anya...halika..." ani ng tinig.

Natigilan sa kanyang kinatatayuan si Anya. Ang buong atensiyon niya'y nakatuon na roon. Isang pares ng nagbabagang mga mata ang nahagip ng kanyang paningin. Pagkuwa'y tila nawala siya sa kanyang sarili.

A Demon's Child [A Demon's Touch Book 2 Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon