Nilingon niya ito. Gulat na gulat siya sa kanyang nakita. Hindi siya makapaniwala. Ilang kurap pa ang ginawa niya, ngunit sadyang mukha ng nakatatanda niyang kapatid ang naaaninag niya.

"Hindi maaari." Nausal na lang niya sa sobrang pagkabigla.

Matagal ng wala ang kanyang kuya. Mga tatlong taon na siguro ang lumipas. Bigla na lang itong naglaho at idineklarang patay na.

"Kamusta na ang pinakamamahal kong kapatid?" Sarkastikong bati ng kanyang kapatid.

Pilit kumakawala si Monban sa pagkakahawak ng kapatid niyang si Otoko, ngunit sadyang malakas ito at ayaw siyang bitawan.

"Bitawan mo ako!" Matigas na utos niya sa kanyang kuya.

Umiling-iling ito ng may nakakaloko pang ngiti. Tila may binabalak na di maganda.

Pumalibot na sa dalawa ang hindi mabilang na tsumino. Napakarami. Lahat ay parang gutom na gutom. Kung di pa sila kikilos ay maaaring gawin na silang hapunan ng sandamakmak na tsumino.

"Bitawan mo ako! Baka lapain na tayo ng mga tsumino!" bulyaw niya sa kapatid.

Binitiwan naman siya nito. Akmang susugod na si Monban ng pigilan siya ng kanyang kuya.

"Hindi sila ang kalaban." aniya.

"Bulag ka ba, kuya? Kumakain sila ng tao! At may balak silang manggulo sa langit!"

"Nagkakamali ka. Lahat ng 'yong nalaman ay pawang gawa-gawa lang. Hindi sila kumakain ng tao. Hindi sila pumapatay."

"Ano bang pinagsasabi mo?!"

"Kakampi ang mga tsumino. Lahat ng kwento tungkol sa pagpatay nila ng tao ay kasinungalingan lang."

Lumapit siya sa isang tsumino at hinimas himas ang balahibo nito. Naging maamo ang mukha ng halimaw. Hindi na nakakatakot tulad ng itsura nito kani-kanina lang.

"Lahat ng tsuminong namataang pumapatay ay imahinasyon lang. Ginamit lang ang kanilang anyo upang sila'y katakutan."

Dahan-dahang umikot ang kanyang kuya. Bawat tsuminong madaanan ay napapaamo niya.

"Hindi ba't pinatay ka na din ng tsumino? Ano't nabubuhay ka ngayon? Baka ikaw ang imahinasyon!"

"Hindi ako namatay. Sa katunayan, tsumino ang nagligtas ng aking buhay."

Lumapit ito kay Monban. Inilagay ang kanang kamay sa noo ng kapatid.

"Panuorin mo." utos ng nakatatanda niyang kapatid.

Parang nalipat sa ibang dimensyon si Monban. Nakikita niya ang kanyang kuya na nakikipagsagupaan sa isang taong may malaking pangangatawan. Hindi niya maaninaw ang mukha ng kalaban dahil natatakpan ito ng maskara.

Ilang saglit pa'y napatumba ng kalaban ang kanyang kuya at iniwan na itong naliligo sa kanyang dugo.

"Hindi malalaman ni Monban ang katotohanan." Narinig niyang inusal ng kalaban.

Gusto niyang lumapit sa kanyang kuya, ngunit di siya makagalaw. Parang napako siya sa kanyang kinatatayuan.

Kitang kita niya kung pano magsuka ng dugo ang kanyang kapatid. Hirap na hirap ang kanyang kuya. Tila babawian na ito ng buhay.

Ilang sandali pa'y, nilapitan siya ng isang tsumino. Naalarma si Monban. Baka lapain ng halimaw ang kanyang kuya.

Taliwas dito ang nangyari. Tinulungan ng tsumino ang kanyang kuya. Ngayon lang niya nalamang may kakayahan pa lang manggamot ang halimaw na ito. At totoong kakampi ang mga ito.

Biglang nagbalik sa kasalukuyan si Monban. Hindi niya alam kung paanong gagalaw. Nagdadalawang-isip pa din siya kung ano ang dapat paniwalaan.

Patakbong tinungo ni Osu ang Hilaga. Gusto niyang tumulong sa pagtugis sa mga tsumino. Nababalot siya ng kasuklaman laban sa mga ito. Nais na niyang maubos ang bilang ng mga halimaw ng Kozan.

Kitang-kita niya si Monban na nakatayo at kampanteng kasa-kasama ang mga tsumino. Nagtataka siya kung bakit nag-traydor ang taga-pangalaga ng langit. Sa isip-isip niya'y sa lahat ng tao dito sa Kozan, siya dapat ang unang kumikitil sa buhay ng mga halimaw na yan.

"Monban!" sigaw niya.

Nakuha niya ang atensyon ng magkapatid at ng mga tsumino sa paligid. Lumapit sa kanya si Monban at hinawakan siya nito sa may braso.

"Osu, tara na't bumalik kay sensei.. hindi na natin kailangan pumatay ng tsumino, mababait sila."

Nagpumiglas si Osu. Gustong-gusto na niyang patayin lahat ng nakikita niyang tsumino. Nagdidilim na ang kanyang paningin, pati si Monban ay baka mapatay na din niya dahil sa poot na nararamdaman.

"Hindi! Papatayin ko sila! Pinatay nila ang magulang at kapatid ko!"

"Nagkakamali ka." Sabat ni Otoko sa usapan ng dalawa. Lumapit ito at inilagay ang kanang kamay sa noo ni Oso.

Kagaya ni Monban ay nadala din sa ibang dimensyon si Osu. Nakita niya ang isang lalaking nagpalit ng anyo bilang isang tsumino.

Unti-unti niyang nakita ang pigura ng kanyang magulang at kapatid. Palapit ng palapit ang lalaking nagkatawang tsumino sa kanyang pamilya.

Wala siyang nagawa kundi ang panuorin ang kanyang pamilyang binabawian ng buhay ng walang awang tsumino.

Matapos pagpapatayin ay nagkatawang tao ulit ang lalaki. Kitang kita niya ang mukha nito. Sigurado siyang kilala niya ito ngunit hindi siya makapaniwala sa taong may dahilan ng lahat.

GATE KEEPERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon