t w o

284 20 3
                                    


NAGSIMULA ang fascination niya kay Andres Claveria noong minsan nyang nabasa ang akda nito. Nasa ikatlong taon na siya sa high school noon. Bakasyon at wala siyang magawa sa bahay ng kanyang Lola Trinidad nang maisipan niyang pakialam ang mga lumang libro nito. Sa isang antolohiya ng mga maiikling kwentong isinulat sa linggwaheng Ingles, doon niya unang nakadaupang palad si Andres.

Hindi pa nga niya alam ang pangalan nito noong una. Binasa lamang niya ang maikling kwento nitong may pamagat na Evenfall. Kung tutuusin ay hindi naman ganoong kalalim ang kwento. Ito ay tungkol sa pagtatagpo ng dalawang estranghero, dalawang kaluluwa sa hindi inaasahang pagkakataon at paghihiwalay ng kanilang mga landas noong sumapit ang dapithapon. Sa panahon ngayon ay tipikal na lamang ang kwentong ito, pero dahil na rin sa paraan ng pagkukwento ay tila ba nadala si Elystine sa mundo ng mga pangunahing tauhan na sina Roberto at Cristina. Bihira lamang siya makatagpo nang ganoong klase ng karanasan sa pagbabasa kaya naman agad niyang hinanap kung sino ang sumulat... At doon na nagsimula ang pagkahumaling niya sa pagkatao ni Andres Jose Claveria.

Si Andres Jose Claveria o mas kilalang Andong ay anak ng isang abogado at guro. Ipinanganak siya sa Ermita, Maynila noong Abril 17, 1920. Nang siya ay tatlong taong gulang pa lamang, nasangkot sa isang eskandalo sa politika ang kanyang ama kaya napilitan siya at ang kanyang ina na manirahan sa kalapit na probinsya ng Quezon sa katimugan upang mailayo siya sa kaguluhan. Nanirahan sila sa nasabing lugar sa loob ng limang taon.

Nakamulatan na ni Andres ang pagbabasa dahil na rin sa impluwensya ng kanyang ina na isa ring guro. Sa edad na limang taon ay natuto na siyang magbasa sa sarili lamang. Ang pagkahumaling sa pagbabasa ay nadala niya hanggang siya ay lumaki at nakabalik sila sa Maynila noong siya ay walong taong gulang na.

Sa Maynila ay nanirahan sila malapit sa isang silid aklatan. Halos araw-araw siyang tumutungo doon upang magbasa. Mula sa hilig sa pagbabasa ay nadiskubre niya ang talento sa pagsusulat. Ayon sa mga naisulat tungkol sa kanya, nais sana ng kanyang ama na maging abogado rin siya tulad nito ngunit malayo ito sa pangarap ni Andong. Nang siya ay tumuntong sa mataas na paaralan, naisip niyang hindi siya para sa akademikong larangan kaya naman kahit na sa ikaapat na taon na siya noon sa haiskul, tumigil na lamag siya sa pag-aaral at namasukan sa isang kompanyang naglalathala ng mga dyaryo.

Doon na nagsimula ang pagiging manunulat niya. Nakapaglathala siya ng hindi mabilang na mga nobela at mga maiikling kwento. Naging sikat rin siyang manunulat sa dyaryo at biographer ng mga bayani tulad na lamang ni Jose Rizal. Nang siya ay 27 pa lamang ay ginawaran siya bilang National Artist for Literature dahil sa mga naiambag niya sa larangang ito.

Sa walong dekada na inilagi niya sa mundo, masasabing naging matagumpay ang buhay ni Andres. Noong mga nalalabing taon ng buhay niya ay napili niyang muling bumalik sa bayan ng Quezon na minsang kumupkop sa kanya—sa mansion mismo kung nasaan ang grupo nina Elystine ngayon.

Para sa isang tao na sumikat dahil sa angking talento, masasabing pribadong tao si Andres. Bihira ang mga interbyu na nagawa kasama siya. Limitado rin lamang ang detalye tungkol sa kanyang personal na buhay. Walang sagot sa tanong kung nagkaroon ba siya ng asawa o anak. Ang sabi ng isa niyang biographer ay namatay siyang matandang binata. Wala siyang asawa at wala ring naging anak. Sinasabing nabigo sa pag-ibig si Andres noong kabataan niya.

May teoryang namatay noong panahon ng giyera ang dilag na inibig niya. Ngunit ang pinakapaborito ni Tin ay ang kwentong konektado sa paborito niyang akda nitong The Evenfall. Si Cristina na siyang pangunahing tauhan sa kwentong ito, di umano ang unang pag-ibig ni Andres at ang The Evenfall ay hango sa tunay niyang karanasan.

Wala namang makapagpatunay nito dahil mahigit labing limang taon nang patay si Andres. Ito ay isa lamang sa mga napakaraming misteryo na bumabalot sa pagkatao ni Andres Jose Claveria. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit sumama si Tin sa field trip na ito. Higit sa bagong karanasan, nais niyang lubos na makilala si Andres. Kabisado na niya ang buong buhay ng hinahangaang manunulat ngunit tila kulang pa rin ang lahat.

EvenfallWhere stories live. Discover now