TIN was wrong though. Working in the field was not any piece of cake at all.Puñeta. Usal ni Tin habang buhat-buhat ang isang bungkos ng dayami mula sa mga palay na inani kaninang umaga.
Nasa bukid sila ngayon, isang maliit na lupang pag mamay-ari ng mga Claveria. Sa maliit ang ibig sabihin ay tatlong ektarya ng lupaing pinagtatamnan ng mga palay. Dahil na rin sa pagnanais ni Tin na sumunod kay Andres ay napadpad siya dito. Pagal na ang mga binti at braso niya mula sa pagbubuhat.
Pero nandito na siya. Napagod na siya. Abot kamay na niya si Andres. Ngayon pa ba siya bibitaw?
"Andong, bakit mo naman pinagtatrabaho ang iyong bisita?" Tanong ni Ka Julian nang mapadaan si Tin sa kanila buhat buhat ang dayami.
"Oo nga naman. Tignan mo't napakaganda niya at nakabestida pa. Hindi nababagay sa kanya ang pagbubuhat." Pinasegundahan ito ni Ka Kiko.
Napatingin si Andres sa direksyon ni Celestina. Mukhang wala nga sa personalidad ng bisita ang pagtatrabaho sa kabukiran. Napailing siya at minarapat na lumapit papunta dito. Nakaharap si Tin sa gabundok ng dayaming naipon niya mula nang magsimula higit isang oras na ang nakakalipas. Tumayo naman si Andres sa likuran nito. Para sa isang babae ay nakapagtatakang matangkad si Celestina. Maikli ang buhok nitong hanggang balikat lamang. Kahit kanina pa ito nagpapaikot-ikot sa tindi ng sikat ng araw ay hindi pa rin ito nangangamoy pawis.
Sa puntong iyon naman ay humarap si Tin at laking gulat ng makita si Andong na nakatayo sa likod lang niya. Napasigaw siya at sa di inaasahang pagkakataon ay nawala sa balanse. Babagsak sana siya sa dayaming hinakot kung hindi nahawakan ni Andres ang kaliwang kamay niya. Mabilis siyang hinila nito palapit upang mapigilan ang muling pagkahulog.
Kasing bilis ng mga pangyayari ang bilis ng tibok ng dibdib ni Tin. Parang bumagal ang ikot ng daigdig noong hinawakan ni Andres ang kamay niya higit lalo noong hinila siya nito palapit upang mapigilan ang muling pagbulusok.
Sa pagdurugtong na iyon ng guhit ng kanilang mga palad, tila ba nagtagpo rin ang dalawang mundong kay tagal nang naghihintay na magdugtong.
"Ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ng binata.
Mabilis na naitulak ni Tin si Andres palayo sa kanya dahil sa takot na baka marinig nito ang lakas ng tibok ng puso niya na tila na ume-echo na sa likod ng tainga niya. "A-ayos lang ako."
Napatingin ang binata sa dalaga. Sa paningin ni Tin ay mayroon itong nais sabihin sa kanya at pakiramdam niya ay hindi siya handang marinig ito.
"Magpapahinga muna ako," wika niya saka napatingin sa suot na sapatos.
"Mabuti pa nga siguro." Tugon ng binata.
Nanatili pa rin silang nakatayo at walang imik matapos bitiwan ang mga katagang iyon.
"Okay. Totoo na. Babalik muna ako doon." Paika-ikang naglakad si Tin para sumilong sa kamalig.
"Kailangan mo ba ng tulong sa paglakad?" Tanong nito nang tumalikod na siya.
Hindi pa man nakakasagot si Tin ay nariyan na si Andres upang tulungan siya. Sa paglapat ng palad ni Andres sa palad niya ay tila ba nanindig ang mga balahibo niya. Bakit ba ganito na lamang ang epekto sa kanya ni Andong? Kinikilig siya sa isang lumang tao? Minura niya ang sarili dahil sa kung anu-anong pinag-iisip. Nang maihatid siya ni Andres sa kamalig ay bumalik na ulit ito sa ilalim ng initan.
Si Andres na ang tumapos ng ginagawa niya.
---
Habang abala si Andres sa labas ay nanatili naman sa kamalig si Elystine. Doon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na tignan ang sarili, sunog na ang balat niya sa pagkabilad sa ilalim ng araw. Marumi na rin ang suot niyang damit. Hindi pa nga siya nakakapagsuklay mula kanina. Paano niya nagagawang magpa-cute kay Andres na ganito ang hitsura niya.
YOU ARE READING
Evenfall
Historical FictionOne day, two souls, three names *subject to major revisions due to lack of research and grammatical errors/unpublishing due to lack of ganaps charot*