PROLOGUE

2.2K 68 2
                                    

MAS ibinaba pa ni Sandeul ang hood ng suot niyang sweater. Malamig ang panahon ngayon kaya masarap maglakad-lakad sa kalsada---at siyempre masarap kumain.

Luminga siya sa mataong paligid na iyon ng South Triangle, kahit ganitong alanganing oras ng gabi ay marami pa din ang bystanders sa lugar na iyon. Itinaas niyang muli sa mukha ang face mask at tumawid sa kalsada papunta sa paborito niyang kainan---ang Mang Inasal.

"Mabuhay! Ano pong order niyo?" nakangiting bati sa kanya ng maliit na babae sa counter.

"Thigh part, iyong unli rice," sagot niya at itinuro ang may pinakamalaking manok na display sa menu board. "Tapos up-sized ang iced tea."

Ngumiti ang babae. "Baka gusto niyo rin po ng dessert, sir? May leche flan at halo-halo po kami."

Napakagat-labi si Sandeul sa kabila ng face mask na suot. Siguradong malilintikan na naman ako kay Manager Abilar kapag nalaman niyang nag-dessert ako... bulong niya sa isip. Pero hindi niya naman malalaman... maagap namang sagot ng kabilang bahagi ng utak niya.

Hindi maalis ni Sandeul ang mga mata sa leche flan dessert sa menu. Ngayon lang naman... "Sige! Dalawang leche flan!"

Pagkakuha ng number tag ay nagtungo na siya sa paborito niya ding pwesto---sa dulong pandalawahang mesa, pero may umuokupa na doon.

Alangan siyang lumapit, wala nang ibang bakanteng mesa sa paligid na tago katulad ng mesang palaging niyang inookupa. Sinipat niya ang plato ng kumakain sa pupwestuhan niya, paubos na ang kanin nito. Siguro naman ay aalis na pagkatapos.

Nanatili muna siyang nakatayo sa bandang likuran ng kumakain, naghihintay sa pagtayo nito---pero ganon na lang ang pagkadismaya niya nang bigla itong tumawag ng waiter at humingi pa ng isang kanin.

Ganoon na lang din ang pagkakunot sa noo niya nang mapansing babae pala ito. Nakasuot kasi ito ng bull cap at nakaipit ang buhok sa sumbrero.

"Number 35?" narinig niyang tawag ng dine in crew. "Sir Junghwan?"

Itinaas niya ang number tag na hawak, agad namang lumapit sa kanya ang dine in crew dala ang order niya.

"Sir, dito po may bakante," suhestyon nito nang makitang wala pa siyang inookupang mesa.

Umiling siya, hindi siya pupwede sa lamesang iniaalok nito dahil nasa bandang gitna ang pwesto niyon at kitang-kita mula sa entrance ng resto. Ang lamesa na kailangan niya ay ang inookupa ng babaeng wala pa atang balak tumayo kahit buto-buto na ang manok sa plato.

"Dito ako uupo," aniya at pasimpleng itinuro ang lamesa.

Lumihis ang paningin ng lalaking waiter sa lamesang nasa gilid niya, nangunot-noo ito. "Makiki-share kayo? Sige po," sagot nito at mabilis na inilapag ang order niya sa lamesa ng babae.

Agad siyang napailing, wala siyang balak maki-share ng lamesa! Pero wala na siyang nagawa nang kausapin ng waiter ang babae.

"Okay lang," narinig niyang pagpayag ng babae, hindi naman ito nag-abalang lingunin pa kung sino ang makikihati dito sa pandalawahang mesa na 'yon.

"Okay lang daw, Sir," sabi ng waiter sa kanya. "Enjoy your meal."

Wala nang nagawa si Sandeul, kanina pa din siya natatakam sa manok ng Mang Inasal. Dahan-dahan siyang nagtungo sa kabilang bahagi ng lamesa. Maliit lang ang lamesang iyon, halos limang dangkal lang ang layo nila sa isa't-isa ng babaeng katapat.

Nakayuko ang mga ulo siyang naupo sa katapat na upuan, hindi man lang nag-angat ng tingin sa kanya ang babae, abala ito sa paglalagay ng toyo sa kanin.

Bahagya niyang ibinaba ang face mask para langhapin ang walang katulad na aroma ng chicken inasal sa Pilipinas. Napapikit pa siya habang ginagawa iyon.

Hay bahala na nga... gutom na ko... bago niya hubarin ang face mask ay tumingin siya sa babae. Parang hindi siya nito nakikita.

That's good... aniya at tinanggal na ang mask---pero siya namang pagbaling ng mga mata ng babae sa kanya! Halos mapasinghap siya sa pagkagulat, dali-dali niyang ibinalik ang mask.

Nangunot-noo ito, ang maliliit nitong mata ay tumitig sa kanya. Inaakala siguro nitong nababaliw na siya. Bumaba ang paningin nito sa pagkain niya, mayamaya ay napailing.

"Lalamig na 'yang pagkain mo," komento nito.

Nanlalaki ang matang tinanguan niya ito. "O-oo nga, eh."

Nag-iwas na ito ng tingin sa kanya, dinampot nito ang lagayan ng toothpick, kumuha ng isa at walang pag-aalinlangan na nag-tinga sa harapan niya.

Siya naman ang napailing. Bastos 'to... hinawakan niya ang tray ng pagkain, tumayo siya at lumipat sa ibang mesa. Mawawalan siya ng gana kung ganoon ang kasabay niya. Babae pa man din.

Inokupa niya ang mesang inirekomenda sa kanya kanina ng waiter, naupo siya patalikod sa entrance pero halos nakaharap sa lahat ng kumakain sa buong resto. Napailing na naman si Sandeul, kailangan na niyang bilisan ang pagkain dahil siguradong hahanapin na siya sa studio mamaya. Nakayukong tinanggal niya ang mask, hindi din siya tumitingin sa paligid, iniiwasan niya ang kahit kaninong eye contact.

Nagsisimula na siya sa pagkain nang mapansin ang pagtayo ng babaeng nasa lamesang ookupahin niya sana. Maliit na babae lang pala ito. Hindi niya ito pinansin at sumubo na ng kanin.

Mabilis na dumaan ang babae sa gilid ng mesa ni Sandeul. Sa pagmamadali nitong maglakad ay nadaplisan ng shoulder bag nito ang hood na tumatakip sa ulo niya, natanggal iyon sa pagkakasuot... at nasundan ng biglang pagtili ng isang babae sa kaharap na mesa.

"Sandeul! Sandeul! Oh my gosh! Si Sandeul!" hindi makapaniwalang tili ng babae habang binabanggit ang pangalan niya.

BEAUTIFUL TARGETTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon