"ATE Rima..."
Mula sa inililistang mga gastusin nila sa bahay ay lumingon siya sa kapatid na si Mark. Napangiti siya nang mapansin ang pag-aalangan sa mukha nito. "Ano na naman 'yon?"
"A-ano kasi..." simula nito. "M-may... project kasi kami sa school."
"Oh, e ba't parang may nagawa kang kasalanan kung makapagsabi?" natatawang tanong niya.
Muling nag-alangan ang labing-anim na taong gulang na kapatid. Walong taon ang tanda niya dito kaya kahit binatilyo na ito ay ibini-baby niya pa din. "Medyo... mahal kasi."
"Magkano ba ang kailangan mo?" kinuha niya ang bag sa ilalim ng lamesita niya sa kwarto. Bumunot siya sa wallet ng limandaang piso. "Kasya na ba 'to?"
Tinanguan siya nito at kinuha ang perang iniaabot niya. "Pasensya ka na Ate. Nakalimutan ko kasing humingi kay Papa kagabi."
"Ayos lang," sagot niya. "Sige na bumili ka na ng kailangan mo."
Silang dalawa lang ng Papa niya ang nagtatrabaho, ang Mama niya ay may edad na kaya hindi na pinagtatrabaho ng Papa niya. Messenger ang ama niya sa isang kompanya na mababa magpasahod. Siya naman ay tumatanggap ng raket sa kung saan, undergraduate siya sa kolehiyo kaya nahihirapan siyang makahanap ng permanenteng trabaho.
Kailangan niyang tulungan ang ama sa paghahanap-buhay dahil nag-aaral pa ang kapatid niyang si Mark at nangungupahan lang sila sa isang apartment sa Pateros. Napagkasunduan nila ng ama na pagtutulungan munang patapusin ng pag-aaral si Mark bago niya ituloy ang kurso.
"Rima!" kahit hindi niya lingunin alam na niyang kay Gemie ang boses na iyon. "May magandang balita ako sa'yo."
"Baka tsismis," hindi lumilingon na sagot niya.
Tinapik nito ang balikat niya. "Hindi!" sigaw nito. "Narinig ko si Mama kanina, nangangailangan daw iyong isang client nila ng delivery boy sa flower shop."
Doon na siya nag-angat ng tingin sa kaibigan. "Bastos ka talaga, eh no? Boy ba ako?"
"'Wag ka ngang pabebe. Kahit nga panlalaking trabaho pinapatos mo 'di ba? Basta legal."
Hangga't maaari sana ay iniiwasan ni Rima ang tumanggap ng panlalaking trabaho. Panay na kasi ang reklamo ng Nanay niya sa nakikitang pagbabago sa hitsura niya. Ang dating maputi niyang balat ay nangungulay Kopiko brown na dahil sa pagbibilad sa arawan, dumadami na din ang sunburn niya sa mukha. At ang long, black and shiny hair niya ay nagiging dry at nagkakaroon na ng split ends.
"Ano? Go ka?"
Nangunot-noo siya. "Parang iri-recommend naman ako ni Mudang mo," HR staff sa isang recruitment agency ang ina ng kaibigan. Ayaw nito sa kanya dahil daw panay ang gala niya sa kung saan. Pero ang hinala niya, hindi lang talaga ito fan ni Dora.
"Mag-direct ka. Kukunin ko sa phone ni Mama iyong pangalan ng flower shop at landline," pagpupumilit ni Gemie.
"Matatanggap ba ako? Boy ang hinahanap, eh."
"Malay mo, subukan mo muna. At isa pa, kurso mo ang pagpapatubo ng bulaklak 'di ba? Magpa-impress ka. Baka gawin kang regular doon."
Horticulture major siya, pero dahil may kamahalan ang kurso ay nahinto siya sa pangalawang taon. Pitong taon na din siyang tengga sa pag-aaral kaya nangangalawang na ang utak niya sa mga pinag-aralan.
Napabuntong-hininga si Rima. Kailangan na niya nga ng permanenteng trabaho dahil magkokolehiyo na si Mark, at isa pa nararamdaman niyang gusto nang magbitiw ng ama sa trabaho nito.
"Sige," aniya. "Susubukan ko!"
---
"PINAPAYAGAN ka na ba lumabas ni Nollet?"
Tumangu-tango si Sandeul sa tanong na iyon ng Ate Agnes niya, ang tinutukoy nitong Nollet ay si Manager Abilar. Naging magkaibigan na kasi ang ate niya at ang manager nila simula noong maging miyembro siya ng The Wiggles.
"Sa susunod kasi mag-iingat ka na," sabi nito habang inaayos ang mga bulaklak sa ginawang boquet. "Mabuti na lang nahanap ka ni Karla, kung hindi baka nalamog ka na ng mga Wigglets."
Bumuga siya ng hangin. "Hindi naman kasi talaga ako dapat makikilala ng mga tao doon kung hindi dahil sa babaeng 'yon."
"Sinong babae?" kunot-noong tanong ng ate niya.
Ngumuso siya. "Iyong---"
"Magandang umaga po! Ako po iyong aplikante na tumawag kahapon."
Itinakip muna ni Sandeul ang itim na face mask sa mukha bago humarap sa aplikante ng Shinu Flower Shop. Nilapitan ito agad ng ate niya, hindi niya ito makita dahil nakaharang ang likod ng ate niya. Nauulinigan niya lang ang pag-uusap ng mga ito.
"Ano nga ba uli ang name mo?" tanong ng ate niya.
Lihim siyang natawa. Iisa na nga lang ang aplikante ng shop nakalimutan pa ang pangalan. Sumi-senior moments na naman ang ate niya.
"Rima Dulcera po," narinig niyang sagot ng babae, parang pamilyar sa kanya ang boses nito.
"Marunong ka bang mag-motorsiklo? Lalaki kasi talaga ang hinahanap ko."
Inabot ni Sandeul ang mga bulaklak na inilalagay ng ate niya sa display ng shop. Kung pupwede lang ay siya na lang ang mag-di-deliver ng mga bulaklak para sa ate niya. Pero katulad nga ng palaging ipinapaalala sa kanya ng Manager niya---iba na ang buhay niya ngayon.
Ibinaba niya ang mask na suot para amuyin ang pinagsamang halimuyak ng iba't-ibang mga bulaklak sa display vase.
"Titingnan ko ang mga requirements mo," sabi ng ate niya at lumapit sa kanya.
Doon na niya din nakita ang mukha ng babaeng aplikante. Nagkatitigan sila nito. At parehas na nagulat. Pero ang higit na mas nabigla ay siya!
"Ikaw na naman?" napapangiwing sambit ni Sandeul.
Nangunot-noo ang babae. "Ako? Bakit? Sino ka ba?"
Natigilan siya. Hindi niya ko nakikilala? Maging ang ate niya ay napakunot-noo din.
"Ah! Natatandaan ko na..." biglang bulalas nito.
Napalunok si Sandeul, hinintay niya ang susunod na sasabihin ng babae.
Ngumisi ito bago nagsalita. "Ikaw 'yong beki na bumili ng penoy sakin noong isang gabi. Kasama mo 'yong dyowa mong singkit."
"Beki? Dyowa?" hindi siya makapaniwala sa narinig. "Sinong beki? Ako?"
Bago pa makasagot ang babae ay nangibabaw na ang malutong na pagtawa ng ate niya. "Ang sinasabi mo bang singkit ay iyong lalaki na medyo matangkad at payat? Tapos ay laging serysoso ang mukha?"
Tumango ang babaeng mapanghusga. "Opo," sagot nito at bumaling sa kanya. "Dyowa mo 'yon 'di ba? Ang sweet niyo nga, eh. Ang higpit ng kapit niya sayo."
Lalong lumakas ang tawa ng Ate Agnes niya. "Rima, dear. I think, I should hire you."
"Ate!" kontra niya pero wala na din nagawa nang ayain na ito ng Ate niya sa opisina. "Aish! Bakit naman siya pa?"
*****
Now playing: Tadhana

BINABASA MO ANG
BEAUTIFUL TARGET
FanfictionPOSTED: July 29, 2017 COMPLETED: August 14, 2017 Minsan na nga lang kung makalabas ng dorm si Sandeul ay minalas pa. Ang gusto niya lang naman sana ay makakain ng paboritong chicken inasal, pero dahil sa isang babae na parang bagyong dumaan sa gilid...