Tagalog Spoken Words #2

4.3K 26 15
                                    

Dedicated sa lahat ng mag-isang umiibig. Sa madaling salita, yung mga taong nagmamahal diyan na hindi naman nasusuklian. </3

"Mahal kita, pero mahal mo siya"

Bago ko ito simulan, gusto ko sanang sabihin sa'yo na oo, mahal kita. Alam kong matagal mo ng alam na may nararamdaman ako sa'yo, at alam kong hindi mo kayang tanggapin ang pagmamahal na ito.

Pero kahit saglit lang, sana pakinggan mo ako. Pakinggan mo yung tinitibok ng puso ko. At pakinggan mo kung ano yung gusto kong sabihin sa'yo.

Gusto ko itong simulan, kung paano nagsimula ang lahat, kung paanong nabigyan mo ng saya ang buhay ko at kung paano ako nahulog sa isang katulad mo.

Unang araw palang noong nakita kita, alam ko na, alam ko na mayroon akong nararamdamang kakaiba. Tila bumagal ang lahat, bawat pintig ng puso ko ay para bang walang kasing bilis. Kabog sa aking dibdib ay hindi ko maipaliwanag.

Alam ko na agad sa sarili ko na may spesiyal akong nadarama, love at first sight ika nga nila.

Yung matamis na ngiti na nagmumula sa iyong labi, yung mga mata mong kumikislap, at yung mga tawa mong wala katumbas.

Mula sa malayuan, palagi kitang tinititigan. Sa iyo ay sumusulyap paminsan-minsan. Tinitingnan kita nang hindi mo alam.

Bawat ngiti mo, inaabangan ko. Halos lumundag ang puso ko masilayan lang ang mapupungaw na mata mo.

Hanggang sa nagkakilala tayo, naging magkaibigan, oo. Pero hindi tayo ganun kalapit sa isa't-isa, pero kahit papaano masasabi kong ako'y masaya at kontento na.

Kahit paano mayroong ako sa mundo mo, kahit paano kilala mo ako, hindi man bilang malapit sa loob mo, pero kahit paano kilala mo ako bilang ako.

Sa paglipas ng panahon, nararamdaman ko sayo ay lalong lumalim, kahit na alam kong imposible, umasa parin ako, umasa parin ako na balang araw mapapansin mo rin ang nararamdaman ko para sa'yo.

Maging mga kaibigan ko nahalata na ang pagtingin ko sa'yo at nagsimula silang asarin ako sa'yo. Aaminin ko, sa bawat pang-aasar na ginagawa nila, sa bawat kantiyaw na naririnig ko mula sa kanila, hindi nawawala ang aking nadarama at masasabi kong mas nadadagdagan pa.

Hindi na ako nahiya pa, at ipinakita sa'yo ang matagal ko ng nararamdaman, hindi ko man masabi sa'yo ng diretso pero alam kong ramdam mo ang pagmamahal ko.

Sa una, masaya at walang nagbabago, magkaibigan parin tayo, pero hindi parin tayo ganun kalapit sa isa't-isa.

Mas lalong lumaki ang pag-asa ko na mapapansin mo na rin ako, at mararamdaman mo narin ang nararamdaman ko.

Pero mali pala ako, mali pala lahat ng akala ko. Nanatili parin tayo sa kung anong meron sa'tin. Hindi mo parin ako napapansin.

Doon ko na naramdaman at nasabi sa sarili kong, "imposible pala talaga". Natauhan ako at nasabi sa sarili ko, paano ka nga ba magkakagusto sa isang katulad ko? Samantalang, walang wala ako sa ibang mga nagkakagusto sa'yo.

Nanatili parin na ako lang ang umiibig sa'yo, nanatili parin ako sa lugar kung saan umaasa lang ako.

Hanggang isang araw, nalaman ko nalang na may karelasyon ka na pala, may kumuha na pala ng pagibig mo.

Nang mga panahong iyon, hindi ko alam kung ano ba dapat ang maramdaman ko. Nasabi ko nalang sa sarili ko na ang tanga tanga ko, ang tanga tanga ko para umasa, umasa na masusuklian mo ang pagmamahal ko.

Araw-araw kitang nakikita na masaya sa kanya, araw-araw kong nakikita kung gaano niyo kamahal ang isa't-isa.

Halos madurog na ako ng mga panahong iyon, halos hindi ko na maramdaman ang sariling pagtibok ng puso ko dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko.

Paulit ulit, paulit ulit akong sinasaksak ng katotohanang mahal kita, pero mahal mo siya.

Posible pala talagang maranasan mo na parang unti unti kang namamatay, kahit na alam mo na sa sarili mong humihinga ka pa rin ng tama.

Posible nga palang maramdaman mong parang huminto na ang pagtibok ng puso mo kahit dama mo pa rin ang kabog nito. Ganun pala talaga habang nasasaktan ka.

Kahit na ganito ang kinahantungan ng lahat, marami parin akong dapat ipagpasalamat.

Salamat sa'yo dahil sa napakahabang panahon, ikaw ay aking naging inspirasyon. Salamat sa'yo dahil marami akong natutunan.

Marami akong natutunan simula ng matauhan akong pagmamahal ko sayo ay di mo kayang suklian.

Sana, ngayon maging masaya ka na, maging masaya ka na sa kanya. At magiging masaya narin ako para sa'yo.

Babaunin ko lahat ng mga natutunan ko hanggang sa pagtanda ko. Lahat ng yun, hindi mawawala sa isip at puso ko.

Lagi mo paring tatandaan na kahit sobrang sakit ng naidulot ng pagmamahal ko sa'yo, lagi ka paring may spesiyal na lugar dito, dito sa puso ko.

Ngayon, malayo parin akong nakatingin sa'yo, malayo parin akong inaabangan ang bawat pagngiti mo, pero hindi na katulad ng dati, nakamove-on na nga siguro ako.

Alam kong hanggang dito nalang ang lahat, mananatili ka nalang na sa isa sa mga naging inspirasyon ko, wag mo sanang kakalimutan na ang isang ako, ay minsang minahal ka....

Kahit na ang mahal mo ay siya.

Spoken poetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon