Sa Hardin
Nang panaho'y lumamig, tila may umaaligid
Na Bubuyog na may pagnanasang hatid.
Ang kanyang pagbulong ay tila pagdidilig
Upang mamasa ang lupa't magkaroon ng banlik.
Itong si Bulaklak na mayuming umiindayog
Nanghahalina gamit ang makulay na talulot
Sa hangi'y isinaboy ang samyong nakakabilog.
Ang sinumang lumapit sa kanya'y mahuhulog.
Ang hardi'y lunduyan ng mga napapagal,
Lalo na ang mga taong sa init ay uhaw.
Nagtatagpo ang mga kaluluwang ligaw
Sa pagnanasang makakuha ng bulaklak na alay.
Ang pagdapo ng bubuyog sa talulot ng bulaklak
Ay naghatid ng kuryenteng dumantay sa balat
Ng bulaklak na maharot kung bumukadkad.
At natukso sa damdaming lalong umalab.
Sinipsip ng bubuyog ang inaasam na dagta
Pamahid-uhaw ang sa bulaklak ay nagmula.
Kakaibang kiliti naman ang sa bulaklak ay nagpasaya
Kaya kapwa nagalak sa panandaliang ligaya.
Ang talulot ay hinipo nang marahang-marahan
Nagpaubaya sa pagbuka ang bulaklak nang tuluyan
Kapwa sumabay sa indayog na mainam
Ang pansariling pakinabang ay ninanamnam.
Ngunit sa anumang halama'y may bahaging maselan
Kahit anong pag-iingat, mayroon paring hawan.
Pinsalang hatid ng bugsong tampalasan
Ang saglit na pagtatagpo, ay dadalhin ng maraming buwan.
BINABASA MO ANG
Tula-tulaang may S.P.G (Sweetness, Pain and Grudge)
PoetryMga tulang walang bahid ng pagkaberde