Pagguhit, Pagsayaw, Pagkanta't Pagmamahal
(Malayang Taludturan)
Kapag ang kamay, naghandang hawakan
ang lapis na pangguhit,
ilang hagod, konting bura,
minsang uulitin ang gawa,
nakakabuo siya ng kakaibang musika.
Sa bawat kumpas ng kamay
na waring idinidiktang
mabuhay ang guhit sa papel,
ay may lumalabas na melodiya.
Mula sa lirip ng manlilikha,
Dadaloy ang pagsinta sa sining
mula braso hanggang daliri
upang buhayin ang bagay
na sa diwa'y nakakulong.
Mahirap sumigaw, bumulyaw,
Ilabas ang nararamdaman
sa pamamagitan ng tunog
na nanggagaling sa bibig.
Kaya sa mga tahimik ang bibig,
ang kamay ang maingay.
Ngunit ito'y katulad ng lalamunan, napapaos
Nangangawit din ang bawat braso't
ang kamay ay namamanhid.
Saanmang sulok ng papel, nginig ang nananaig.
Ngunit kung totoong ito'y sinisinta,
iniinda
ang anumang sakit na nadarama,
magpapatuloy ang pagkumpas
sa saliw ng melodiya,
magpapatuloy ang paghagod at pagdampi
ng lapis sa papel.
Tuluan man ito ng malagkit na pawis
at luhang sa mata'y tumakas.
BINABASA MO ANG
Tula-tulaang may S.P.G (Sweetness, Pain and Grudge)
PoetryMga tulang walang bahid ng pagkaberde