Alas singko na ng madaling araw nang akoy makarating dito sa entrada ng gusali. Marami na ang taong naghihintay sa pagbukas ng pinto. Nakasarado pa kasi ito dahil alas siyete pa nagbubukas ang malaking pintuan na pinapaandar ng mismong gusali. Hindi namin alam kung paano iyon bumubukas dahil wala namang nagmamanipula dito. Basta ang alam namin ay alas siyete ng umaga ito nagbubukas at alas siyete naman ng gabi ito nagsasara.
Nagpalinga linga ako dahil baka sakaling makita ko si Xyrene. Ang sabi niya ay sabay kaming papasok sa gusali ngunit wala pa siya. Isang oras na akong nandito sa tapat ng gusali ngunit wala pa rin akong nakikitang kahit bakas ni Xyrene. Hindi kaya nagbago na naman ang desisyon niya? O baka naman napag-alaman ng ina-inahan niya ang balak na pagpasok niya sa gusali?
Tiningnan ko ang orasan na nasa kamay ng katabi ko. Limang minuto na lamang ang nalalabi bago mag-alas siyete ng umaga.
Sinubukan ko ulit magpalinga linga ngunit mas nahirapan na ako dahil nagsisiksikan na ang mga tao sa paligid. Unti unti silang lumalakad papunta sa nakasarang pinto. Kaya't nadadala nila ako papalapit din dito.
Hindi maaari. Wala pa si Xyrene. Hindi ko siya maaaring iwanan dahil nangako ako sa kanyang walang iwanan. Paano kung nahuli lamang siya. Maya maya siguro ay nandiyan na rin siya at siguradong hahanapin niya din ako. Kailangan ay sabay kaming papasok sa loob at sabay din naming haharapin ang mga pagsubok. Hindi pwedeng makapasok ako ng wala siya.
Narinig kong umugong ang malaking bakal na pinto ng gusali. Hudyat na nagsisimula na itong bumukas. Mabilis na nagsipasukan ang mga malapit sa pinto. At dahil siksikan, hindi ko magawang umatras. Nadadala ako sa agos kung saan isa lamang ang patutunguhan, at iyon ay ang papunta sa loob ng gusali.
Hindi maaari!
Naramdaman ko ang lamig ng entrada ng gusali. Sinubukan kong tumalikod para salubungin ang mga nagsisiksikang mga tao papasok ng gusali. Ngunit wala rin akong nagawa at tuluyan na nga akong nakapasok sa loob. Malamig ang simoy ng hangin dito dahil siguro purong bakal ang paligid. Pati ang nilalakaran naming makitid na daan na hindi namin alam kung saan patungo. Siksikan pa rin dahil sa makitid ang daan.
Maya maya pa ay may nakita kaming maliit na silid na parang elevator dahil may dalawang pinto ito sa magkabilang tabi. Tumitigil ang lakad namin sa tuwing may makakapasok sa elevator at magsasara iyon. Unahan pa rin ang mga tao dito kaya't hindi na nawala ang siksikan.
Hanggang sa isa ako sa nakarating sa nakasarang elevator. Pagbukas nito ay wala na akong sinayang na sandali at agad na pumasok sa loob. Masikip na sa loob pero may nagpupumilit pa rin na makapasok at makisingit pero wala itong nagawa nang sumara ang pinto at naramdaman ko na lamang na umaandar na pala kami.
Sa aking pakiramdam ay pataas ito.
Tiningnan ko ang mga nakasama ko dito sa elevator. Ang ilan sa kanila ay mga may edad na, pero karamihan ay mga kabataang tulad ko. Mas marami ang lalaki kaysa sa babae. Siguro ay siyam silang babae samantalang kaming mga lalaki ay labing-apat. Tahimik lang kaming lahat dahil hindi naman kami magkakakilala.
Naramdaman kong tumigil na ang aming sinasakyan. Dahang dahang bumukas ang pinto nito at isang liwanag ang sumalubong sa amin.
Isa isang lumabas ang mga kasabay ko sa elevator. Lumuwag na ang espasyo sa loob kaya't nagsimula na din ang maglakad palabas nito.
Nagulat ako sa nadatnan dito kung saan kami dinala ng elevator. Isang malawak na talahiban na umaabot ng hanggang bewang ang taas nila. May bundok din sa di kalayuan. At may gubat sa tabi. Ano ito?
Nilingon ko ang elevator na pinanggalingan namin. Nandoon ang gusali at napakataas pa rin nito na siguro ay nakadugtong ito sa ilan pang palapag.
"Welcome to 1st floor, Batch 24. You can now spread yourselves everywhere here in the field. Siguraduhin ninyong hindi niyo makikita ang isa't isa dahil kaunting sandali na lang ay sisimulan na natin ang unang pagsubok."
YOU ARE READING
The Core
Fiksi IlmiahAlam niyo ba na may mga tao na naninirahan sa core ng earth? Pamilyar ka ba sa tinatawag na Agartha? Alam niyo ba na iba ang core na nalalaman natin kaysa sa core na nalalaman nila? Sapagkat ito ay natatangi at sibilisadong mundo para sa kanila.. H...